Tinutukso ang Batang Ito Dahil Iba ang Kulay ng Kaniyang Mata sa Kanilang Magkakapatid; Anak Nga Lang Kaya Siya sa Labas?

¨Aaah! Si Bentong! Si Bentong ampon!¨

¨Anak ka kasi sa labas ng nanay mo!¨

Ilan lamang ito sa mga naririnig ng labing-apat na taong gulang na si Bentong. Kulay asul kasi ang kaniyang mga mata. Matangos ang ilong niya, maputi ang balat at iba rin ang kulay ng kaniyang buhok. Ang sabi ng iba ay anak raw ito ng kaniyang ina na si Belle sa lalaking banyaga!

Nakailang lipat na ng eskwelahan si Bentong dahil sa panunukso. Kahit hindi niya sinasabi sa kaniyang ina, mga kapatid at ama kung gaano siya naaapektuhan, alam ng mga iyon kung ano ang sinasabi sa kaniya ng mga tao sa paligid. Nakikita kasi ito sa kaniyang mga grado at pati mga guro niya ay nagsusumbong din sa kaniyang ina kung paano siya tinutukso sa eskwelahan.

Subalit hindi na ito bago kay Bentong. Sa kaniyang labing-apat na taon, wala ni isang araw siyang nabuhay at lumabas ng bahay na walang naririnig. Kahit na pabiro pa iyong iba, nasasaktan pa rin siya ngunit sinasakyan na lamang niya.

¨Pogi naman! At least maputi, ´di tulad mo!” sabay tawa ang kaniyang palaging sagot sa tuwing siya ay tutuksuhin.

Ngunit natatakot si Bentong dahil malapit na siyang tumuntong ng kolehiyo. At sa pagkakatong ito, pakiramdam niya ay baka hindi na niya kayanin kung pati doon ay kukutyain siya nang marami. Hindi rin siya sigurado kung mayroon nga bang tatanggap sa kaniyang pagkatao. Kasi kahit sa kanilang bahay, ramdam na ramdam niya ang malamig na pakikitungo ng kaniya ng mga ate at kuya sa kaniya. Pati na nga sarili niyang ama pakiramdam niya ay ayaw sa kaniya. Kahit na bunso siya hindi siya ang paborito. Ang tanging sandigan na lamang niya ay ang ina niyang nagtutulak sa kaniyang magpursigi sa buhay.

Habang tumatanda at nagkakaroon ng wisyo si Bentong, unti-unti niyang tinatanong sa kaniyang sarili ang tunay na pagkatao at pagkakakilanlan niya. Kahit na malapit siya sa ina, wala siyang lakas ng loob para itanong dahil ayaw niyang masaktan kung anuman ang totoo. Pilit man niyang ilagay ang sarili sa loob ng pamilya, hindi naman siya tinatanggap ng mga ito.

Advertisement

Dumating ang panahon na unang araw niya sa kolehiyo. Bagong eskwelahan, bagong mga tao, bagong paligid. Positibo ang kaniyang pakiramdam dahil wala naman nakakakilala sa kaniya at pakiramdam niya ay sa dami ng tao dito, walang magbubuhos ng kanilang oras sa kaniya.

Natapos ang araw ni Bentong. At sa kaniyang pag-uwi, dala-dala niyang isinalubong sa kaniyang ina ang ngiti sa unang pagkakataon. Umiral ang pagiging madaldal ni Bentong habang ikinukwento sa ina ang mga nangyari ng buong araw. Marami siyang nakilalang mga bagong kaibigan na hindi siya sinabihan ng mga negatibong salita. Dahil dito, natuwa si Belle dahil sa wakas, magiging payapa na rin ang buhay ni Bentong. Hindi niya alam na ito pala ang babago sa mabait at masunuring Bentong.

Nagpatuloy si Bentong sa pagpasok araw-araw. Gabi na nga siya kung umuwi minsan dahil kasama ang kaniyang mga bagong kaibigan. Sumali din siya sa maraming mga grupo sa eskwelahan at hindi na niya namamalayan na unti-unti na siyang nai-impluwensiyahan ng mga ito.

Dumating sa punto na kailangan ng magsinungaling ni Bentong sa kaniyang ina para lang makasama sa lakad ng kaniyang mga kaibigan. Katuwiran niya, isang beses lang naman niyang gagawin. Subalit ang unang beses na iyon ay nasundan pa ng maraming mga pagkakataon. Umuuwing lasing, mababang grado at sumasama sa mga gulo ang kinahinatnan ni Bentong habang siya ay tumatagal sa kolehiyo. Pakiramdam niya, ngayon lamang niya nararanasan ang pagiging isang kabataan. Kung kaya naman ayos lamang iyon dahil karapat dapat lamang niyang maranasan iyon.

Subalit mas lalong lumala ang kaniyang lagay sa bahay. Sa tuwing uuwi siya nang lasing, sermon at kung minsan ay gulpi mula sa kaniyang tatay ang inaabot niya. Kaya naman, kapag siya ay nalalasing mas pinipili na niyang huwag na umuwi sa kanilang bahay at tumuloy muna sa kaklase niya. Ang naging araw-araw niyang gawain na ito ang nagdala sa kaniya sa sitwasyon na nagpalakas ng loob niyang tanungin ang ina sa kaniyang pagkatao. 

Isang gabi, umuwi nang lasing na lasing si Bentong. Habang inaasikaso siya ng kaniyang ina, tumutulo ang luha nito at patuloy na tinatanong kung ano ba ang ginagawa niya sa buhay niya. Sa kabila ng pag-aasikaso ng kaniyang ina, tinutulak niya ito palayo. 

¨Doon ka na! Hindi kita kailangan! Ampon mo lang ata ako o anak mo ako sa ibang lalaki mo!” mga salitang ikinagulat ni Belle dahil sa unang pagkakataon, narinig niya iyon kay Bentong.

Patuloy na nagwala si Bentong at sinisi ang buong pamilya kung bakit hindi maganda ang pakikitungo ng mga iyon sa kaniya. Inilabas niya ang matagal na niyang kinikimkim sa loob habang umaatungal. Walang nasabi ang kaniyang mga kapatid. Sa unang pagkakataon, naririnig nila ang saloobin ng bunsong kapatid.

Advertisement

Hinayaan nila si Bentong na makatulog at kumalma. Kinabukasan, nadatnan ni Bentong ang buong pamilya na nag-uumagahan. Iniwasan niya ang mga ito dahil naalala niya ang kaniyang ginawa kagabi. Tinawag siya ng kaniyang ama at pinaupo sa lamesa. Lahat ay naroon, lahat ay nakikinig sa sasabihin ng mag-asawa.

¨Hindi ampon, hindi anak sa labas si Bentong. Pinaglihi lang siya ng nanay niyo sa isang aktor na ubod nang gwapo. Nung una ay hindi kami makapaniwala sa naging hitsura mo, ngunit mahalaga pa ba iyon? Dugo at laman ka namin. Walang ampon sa pamilyang ito. Kaya kung pinaghihinalaan niyo si Bentong, mali kayo. Maling mali. Patawad, Bentong…” paliwanag ng kaniyang ama. 

Sumunod dito ang paghingi rin ng tawad ng kaniyang mga ate at kuya sa kaniya. Lumambot muli ang puso ni Bentong matapos marinig ang mga salitang iyon mula sa kaniyang pamilya. Simula ng araw na iyon, hindi na naramdaman ni Bentong ang malamig na pakikitungo ng pamilya. Naging sabik siya sa araw-araw na pag-uwi at hindi na sumama sa mga tropang humihikayat sa kaniyang mag-bisyo. Wala nga sigurong mas ikasasaya pa sa buhay kundi ang umuwi sa pamilyang tanggap ka kung sino ka at ano ka.