Nagising na Lamang si Mister na Iba na ang Mukha ng Kaniyang Misis; Panaginip Nga ba Ito o Isang Bangungot?

Hindi maitago ni Nicole ang nangingilid na luha sa kaniyang mga mata habang nakatitig sa litrato ng araw na kinasal sila ni Jm. Tatlong taon na rin silang kasal ngunit pakiramdam niya ay ilang dekada na silang nagsasama dahil sa sobrang pagkabagot niya bilang isang misis na taga-asikaso ng kaniyang abalang mister. Sa loob ng tatlong taon na iyon, wala man lang bago. Kahit na anak ay hindi sila mabiyayaan. Wala naman daw problema sa kanila pareho ngunit hindi niya lubos maisip bakit hindi pa sila nagkakaroon ng supling na naisip niya ay magiging solusyon sana sa kaniyang pagkabagot lalo na’t nasa bahay lamang siya.

Ilang buwan na rin kasi ang nakalipas nang umalis siya sa trabaho sa pag-aakalang magdadalang-tao na siya kung hindi siya magiging abala sa trabaho. Subalit mali pala dahil mas lalo lamang siyang nabagot sa araw-araw na nakatigil lamang siya sa bahay. Nais niya ay pagbabago, malaking pagbabago sa kaniyang buhay. 

Nakita ni Nicole ang isang komersiyal sa telebisyon kung saan kumikinang ang saya sa mukha ng babae sa palabas. Ito ay matapos niyang magparetoke ng kaniyang mukha. Dito pumasok sa isip ni Nicole na gawin iyon sa kaniyang sarili. Wala naman sigurong mawawala at ang mas mahalaga ay may malaking pagbabago na magaganap sa kaniyang buhay. 

Isa rin kasi sa mga kinaiinggitan ni Nicole ay ang hitsura ng ibang tao. Hindi kasi siya kagandahan, hindi rin siya makinis katulad ng ibang babae. Kung kaya naman, nais sana niyang hingin ang opinyon ni Jm bago niya tuluyan itong gawin. 

Kinagabihan, hatinggabi na nang makauwi sa bahay si Jm dahil sobrang abala nito sa trabaho. Humahanap pa ng tiyempo si Nicole bago ito banggitin. Pinaghandaan niya ng pagkain ang mister na abala pa rin sa pagche-check nito ng kaniyang selpon dahil sa trabaho. Marami rin itong katawagan kaya hindi siya halos makasingit. 

“Mayroon kaming training sa Cebu, bale mahigit isang buwan din halos kailangan kong tumigil doon dahil ako ang naka-duty,” paalam ni Jm kay Nicole. 

Hindi naman na iyon bago pa kay Nicole. Sa isang taon, halos buwan-buwan ata umaalis si Jm para magpunta sa iba´t ibang lugar dahil sa trabaho nito. Hindi nga lang niya nasabi ang nais. Sa kaniyang isip, wala naman sigurong magiging problema sa kaniyang mister kung ipapabago niya ang kaniyang mukha. Isa pa, mukha naman niya iyon kaya siya lang dapat ang magpasiya kung ano ang gagawin niya roon.

Kinaumagahan, lumipad patungong Cebu si Jm. Isang mahigpit na yakap ang kaniyang iniwan sa misis niyang mag-isa lamang sa bahay. Hindi naman nalulungkot si Nicole. Sa totoo nga, sabik siya sa magiging reaksyon ng kaniyang mister sa pagbalik nito na bago na ang kaniyang mukha.

Advertisement

Pagkaalis na pagkaalis pa lamang, mabilis na nagbihis si Nicole upang bumisita sa isang kilalang doktor na nagreretoke ng mukha. Wala naman siyang problema sa pera dahil marami siyang naipon noong siya ay nagtatrabaho pa. Kahit na gaano kalaki, hindi iyon kawalan sa kanila ng kaniyang mister.

Dumaan pa ang ilang mga araw na sumailalim si Nicole sa napakaraming tests upang makamit niya ang ninanais na pagbabago sa kaniyang mukha. Marami ring naging payo ang doktor na mga bagay na hindi dapat at dapat niyang gawin pagkatapos niyang sumailalim sa operasyon. Hindi rin nagtagal, dumating na ang araw na kaniyang pinakahihintay.

Bago magpa-opera, muli niyang tiningnan ang sarili sa salamin bilang hudyat ng kaniyang pamamaalam sa mukha na mayroon siya. Wala nang atrasan pa dahil naroon na siya. Hanggang sa tuluyan na nga siyang sumailalim sa operasyon at nawalan ng malay. 

Nagising si Nicole ilang oras matapos ang kaniyang naging operasyon. Nakatakip ang kaniyang buong mukha ng benda at ilang saglit lang ay pumasok ang doktor. Ipinahayag nito ang mga nangyari nang mga oras na siya ay ino-operahan.

¨Tagumpay naman ang naging operasyon,¨ masayang balita nito sa kaniya.

Tinanggal ng doktor ang benda na nakabalot sa mukha ni Nicole matapos ang halos isang buwan. Kabado man ang kaniyang nararamdaman, nawala ito nang makita ang napakagandang mukha na mayroon siya sa salamin. Walang mapaglagyan ng saya si Nicole nang makita ang pagbabago sa kaniya.

¨Sa wakas. Sa wakas!” aniya sa sarili. Sabik siya sa kung ano ang sasabihin ni Jm kapag nagkita na sila. 

Matapos ang isang linggo pang pananatili sa ospital, nakauwi na rin si Nicole. Kinabukasan, darating na si Jm at hindi na siya makapaghintay pa. Hindi siya halos makatulog habang tinitingnan ang sarili sa salamin at pinupuri ang sarili niyang mukha. Hindi niya namalayan, madaling araw na pala nang siya ay makatulog. 

Advertisement

Kinaumagahan, isang sigaw ang gumising sa kaniya. Gulat siya nang makita na hahampasin sana siya ng mister ngunit napigilan pa niya. Patuloy ang kaniyang pagpapaliwanag na siya si Nicole, ang misis nito. Dito siya nagsimulang ipaliwanag ang lahat pati na kaniyang nararamdaman.

¨Maganda ka sa paningin ko. Wala nang mas gaganda pa sa iyo… Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para lang may magbago sa buhay natin. Patawad sa lahat ng pagkukulang ko…” emosyonal na wika ni Jm. Napaiyak si Nicole sa sinabi ng asawa at wari bang nagsisi sa kaniyang padalos-dalos na desisyon.

Niyakap siya nito nang mahigpit at inamin na siya ang may problema kung bakit hindi sila magkaanak. Walang problema sa mukha ni Nicole, sa matres niya at sa kung anuman. Dahil para kay mister, mahigit pa sa sapat ang kaniyang misis.

Natuto ang mag-asawa na hindi dapat isinasarili ang mga ganitong bagay. Kahit na pakiramdam nila ay maliit lang, dapat ay maging bukas at tapat sila sa isa’t isa.

Nang dahil sa mga nangyari ay tumibay ang pagsasama ng mag-asawa. Ngayon ay sinisiguro na rin ni Jm na may sapat siyang oras upang ilaan sa kaniyang misis.