Sa Murang Edad ay Pinili ng Dalagang Ito na Mamuhay nang Mag-isa; Isa Pala Itong Malaking Pagkakamali

Umagang-umaga ay ang matining na boses na naman ng nanay ni Irene ang maririnig sa buong barangay. Umaga na naman kasi nang umuwi ang dalaga galing sa kaarawan daw ng kaniyang kaibigan. Pakiramdam ni Irene na sobra na ang buhay na ganito at dahil nasa wastong edad naman na siya, nagpasya siyang lumipat na ng bahay.

Nakiusap si Irene na isang buwan ay makituloy muna sa bahay ng kaniyang tropa na pumayag naman. Sa bawat araw, walang sinayang na oras si Irene kundi ang maghanap ng trabaho para matustusan ang kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan. Hanggang sa nakakita siya ng trabaho bilang tindera sa palengke. Masama man sa kaniyang kalooban ay tinanggap na rin niya dahil wala naman gustong tumanggap sa kaniya para magtrabaho sa opisina dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Ang tanging nagtutulak sa kaniya ay mapatunayan sa kaniyang ina na kaya na niyang mabuhay nang mag-isa at hindi sinusuportahan ng sinuman. Wala kasing araw na hindi sinusumbat ng kaniyang nanay na wala siyang dulot sa bahay kundi isang palamunin lamang. Kahit na totoo, pakiramdam ni Irene ay hindi iyon katanggap-tanggap. 

Ayos naman ang lahat ngunit nagsimula siyang mamroblema nang makarinig siya ng hindi magagandang salita mula sa ina ng kaniyang kaibigan dahil hindi raw siya nakakatulong. Kaya naman, sa unang sahod pa lamang niya, kahit na maliit ito ay agad siyang naghanap ng maliit na matitirhan upang makalipat na. 

Hanggang sa tulong ng kaniyang amo, nakakita siya ng maliit na paupahan sa may malapit lamang sa palengke. Hindi na niya kailangan pang mamasahe pa sa tuwing papasok siya sa trabaho. Laking pasalamat niya sa kaniyang among mag-asawa dahil naiintindihan ng mga iyon ang kaniyang mahirap na sitwasyon.

Maayos naman ang lahat. Nakakakain siya sa tamang oras, pumapasok sa trabaho, at gumagala tuwing sabado at linggo. Subalit nagbago ang lahat ng ito nang mahulog ang kaniyang loob sa asawa ng kaniyang amo. Napakabait kasi nito at palagi siyang kinakausap tungkol sa buhay. Pinagsasabihan din siya nito na para bang ama na niya. 

Nagpasiya si Irene na iwasan ang lalaking amo. Kapag may pagkakataong sila na lamang ang natitira sa tindahan, mabilis siyang naglilinis at uuwi rin kaagad. Ngunit sa kaniyang kalooban, nais niyang mas mapalapit pa sa amo. ‘Di rin niya pansin na sa bawat araw na papasok siya, pinaghahandaan niya ito at nagpapaganda upang mapansin din siya nito. Subalit mali, alam niya sa sarili niyang hindi dapat. Lubhang malakas ang bugso ng damdamin ng isang kabataan. 

Isang gabi, niyaya si Irene pati na ng iba pa niyang katrabaho na pumunta sa bahay nito. Kaarawan kasi ng kaniyang amo na babae at kakain sana sila ng sabay-sabay at mayroon ding kaunting inuman. Tatanggihan sana ni Irene subalit napilitan siya dahil sa paanyaya ng kaniyang amo. Mabuti kasi iyon sa kaniya at malaki ang utang na loob niya.

Nang makarating sa bahay, namangha sila dahil napakalaki ng bahay ng kanilang amo. Hindi halata sa itsura ng mga ito ang pagiging sobrang mayaman. Lubos na mapagkumbaba ang mag-asawa subalit sa kasamaang palad, wala pa silang supling dahil hindi raw kayang magdalang-tao ng babae.

Advertisement

Masaya silang nagkukwentuhan habang patuloy naman na iniiwasan ni Irene ang pagkakatinginan nila ng amo niyang lalaki. Hindi maayos ang kaniyang pakiramdam na para bang may tinatakbuhan siya. Hanggang sa nagkaroon na ng inuman at nawala na sa wisyo ang lahat. Sa kalagitnaan ng gabi habang natutulog na ang lahat, naramdaman ni Irene ang dahan-dahan na dumadagan sa kaniya. Laking gulat niya na naroon ang amo niyang lalaki! Nais sana niya itong itulak ngunit hindi niya na ginawa dahil pakiramdam niya, gusto rin niya iyon.

Kinaumagahan, iniisip ni Irene ang nangyari noong gabing iyon. Ngunit nung nagkita sila ng kaniyang among lalaki, para bang walang nangyari. Nanahimik siya ng mga oras na iyon hanggang siya ay umuwi. Masaya na malungkot at natatakot ang kaniyang naramdaman. Masaya dahil gusto rin niya iyong mangyari. Malungkot dahil pakiramdam niya ay pinagtaksilan niya ang amo niyang babae. Natatakot din siya sa kung ano pa ang susunod na mangyayari.

Dumaan ang ilang araw at ilang mga buwan na patago nilang inilihim ang relasyon nila mula sa amo niyang babae. Habang patagal nang patagal, pakiramdam ni Irene ay nagiging tama na ang kaniyang ginagawa kahit na sa katotohanan ay hindi naman. Subalit walang sikreto ang kailanman ay hindi nabubunyag.

Dumating ang araw na hindi inaasahan ni Irene. Ilang buwan na kasing hindi siya dinadatnan. Pakiramdam niya ay nagdadalang-tao siya. Kung kaya naman mabilis siyang nagpacheck-up at nagtest kung totoo ang kaniyang hinala. Hindi siya nabigo dahil totoo ngang buntis siya! Halu-halo na naman ang nararamdaman ni Irene ngunit sa pagkakataong ito, lamang ang takot dahil bata pa siya at hindi naman niya alam kung pananagutan siya ng among lalaki. 

Nang magkita sila isang gabi, inamin niya rito ang nangyari. Ngunit naibsan ang kaniyang takot nang makita ang masayang mukha ng lalaki. Tuwang-tuwa ito dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng anak. Handa raw itong panagutan ang kanilang magiging anak sa isang kondisyon, hindi ito malalaman ng kahit na sino at magtatago siya sa bahay ng among lalaki hanggang siya ay manganak. Masayang tinanggap ni Irene ang kondisyon na iyon. Buong akala niya’y isang masayang pamilya na ang naghihintay sa kaniya ngunit mali pala. 

Pagkaraan ng ilang buwan na pagbubuntis, dumating ang araw na manganganak na si Irene. Sa gitna ng hirap at sakit na kaniyang nadarama, naiisip niya ang pamilyang iniwan pati na ang kaniyang magiging anak. Hanggang sa tuluyan na siyang makatulog sa kalagitnaan ng operasyon.

Pagkagising ni Irene, napansin niyang nasa bahay na siya. Nilingon niya ang paligid ngunit walang tao roon. Ang naiwan lamang ay ang sulat mula sa amo niyang lalaki na nagsasabi, 

“Gamitin mo ang bahay na ito pati na ang pera upang makapagsimula ulit, maraming salamat dahil nagkaroon na kami ng anak… Patawad…”

Advertisement

Hindi malaman ni Irene kung anong gagawin. Nalaman niya na lang na lumipad daw papunta ng ibang bansa ang mag-asawa dala-dala ang kaniyang anak. 

Simula pa pala noong una ay niloloko na siya. Gumuho ang mundong pinapangarap ng dalaga. Puno ng galit at pagkasawi, umuwi siya sa kaniyang ina habang umiiyak na nagkukwento. Pinagsisihan niya ang kapusukan at sa huli ay nagpasalamat na kahit papaano ay may ina at pamilya siyang babalikan.