Payapa ang Buhay ng Pamilya Hanggang Dumating sa Buhay Nila ang Mandurugas na Ito; Iganti Kaya Sila ng Karma?

Hindi pa man putok ang araw, halos lahat sa baryo nina Mang Pablo at Aling Rosita ay gising na. Ang iba ay nagkakape, nag-aalmusal at may iba namang diretso na sa pagtatanim, pagdidilig at pagpapakain ng baka, kambing, baboy at mga manok. Ganito ang buhay sa probinsya na pagmamay-ari ng mag-asawang Pablo at Rosita, nang dahil sa lupain na minana pa nila sa kanilang mga lolo-lolohan pa. Dito rin sa lupain na ito umaasa ang lahat ng tao sa kanilang baryo dahil sa ito ang kanilang pangunahing hanapbuhay.

Isang umaga ang dumating na nagpasabik sa puso ng mag-asawa. Dumating kasi sa probinsya ang kanilang bunsong anak na si Diana at kasama nito ang kaniyang mapapangasawang si Marlo. Mabilis silang naghanda ng salu-salo para sa tanghalian at ipinakilala sa mga kasamahan na magsasaka. Malalaking ngiti ang kanilang isinalubong sa magkasintahang Diana at Marlo. Lingid sa kaalaman ng lahat na isa palang dagok sa kanilang buhay ang susunod na mangyayari. 

Sa gitna ng masayang kwentuhan ay naisingit ni Marlo na nais niyang lumibot sa lupain na nasasakupan ng pamilya nina Diana. Hindi naman nag-atubili pa ang mag-asawa at sinamahan pa sina Marlo at Diana sa kanilang paglilibot. Habang sila ay nasa sasakyan, kitang-kita ng mga mata ng binata na ubod ng ganda ang lupain. Sagana ito sa tanim, mataba ang lupa at hindi raw ito kailanman nasira nang dahil sa peste. Dito mas naisip ng binata na anuman ang mangyari, kailangang mapasakaniya ang lupain na ito. Kahit na kapalit pa nito ang pagkakatali niya bilang asawa ni Diana. 

Wala na kasing kapatid si Diana. Ang kaniyang dalawang ate ay maagang yumao dahil sa isang aksidente. Kaya naman, walang ibang tagapagmana kundi siya na nag-iisang anak nina Pablo at Rosita. Subalit wala siyang pakialam sa negosyo, bulag siya sa kaniyang pagmamahal sa kasintahan na akala niya ay mala-anghel.

Ilang linggo pa ang lumipas, maligaya ang bawat isa habang nakikisama ang mga taga-baryo kina Diana at Marlo. Gustong-gusto siya ng mga taga-baryo at talaga namang boto para kay Diana. Isang gabi, habang sila ay naghahapunan, nagpasabik sa puso ni Marlo ang sinabi ni Mang Pablo. 

“Ito ang papel na katunayan na ililipat na namin sa pangalan ninyo ni Diana ang pagmamay-ari ng lupain. Matanda na kaming pareho ni Rosita at nakita naman namin na kasundong-kasundo niyong dalawa, lalo ka na Marlo, ang mga taga-baryo. Bukas na bukas din, sa oras na maganap ang kasal ay may bisa na ang papel na ito,” aniya. 

Wari bang kuminang ang mga mata ni Marlo nang marinig ang mga salitang iyon mula kay Mang Pablo. Upang hindi mahalata ang kaniyang pagnanais sa lupain, mariin niyang itinanggi ang pamana na ibibigay sa kanilang dalawa. Nagtagumpay naman siya at mas lalong napanatag ang damdamin ng mag-asawa na ipamana ito sa kanila.

Dumating ang araw ng kasal. Naganap ang pagdiriwang ayon sa nakaplano sa kaniyang pag-iisip. Ang tanging nagtutulak na lamang sa kaniyang isipan ay ang lupain na makukuha niya sa oras na matapos ang selebrasyon. At isang malaking ngiti ang ipinakita ni Marlo nang gabi na natapos ang kanilang kasal ni Diana. Buong akala niya’y panalo na siya at nasa kaniya ang huling halakhak, isang malupit na karma pala ang nagbabadyang dumating. 

Advertisement

Lumipas ang isang taon, magkasunod na yumao sina Mang Pablo at Aling Rosita dahil na rin sa kanilang katandaan. At ang dating Marlo na mabait, magalang at magpakumbaba, ngayon ay ibang-iba na. Marami siyang tinanggal na mga empleyadong magsasaka. Kahit na kaunting pagkakamali ng mga ito ay hindi niya pinapatawad. Kumuha rin siya ng maraming mga makina at mga kemikal upang mas bumilis ang pag-aani ng mga bunga at palay, nang sa gayon ay bumilis din ang kaniyang kita. Kahit na anong gawin ni Marlo, walang magawa si Diana kundi ang umiyak na lamang sa isang tabi habang pinapanood ang asawa na nambababae at hindi patas sa mga tao sa baryo. 

Isang araw, masamang balita ang bumungad sa umaga ni Marlo nang siya ay umuwi sa probinsya galing Maynila. May isang parte raw ng lupain ang sinira ng peste at hindi na mapapakinabangan kung hindi ito pupuksain. Nag-init ang ulo ni Marlo at kinuha ang mga kemikal at ibinuhos sa lupain na iyon habang sinesermunan ang kaniyang mga empleyado. Galit na galit itong umuwi at natulog maghapon matapos niyang pagbantaang tatanggalin ang lahat ng magsasaka kung hindi iyon magagawan ng paraan. 

Nalulong si Marlo sa pambabae at pag-iinom sa Maynila. Ganoon din ang kaniyang madalas na pagbisita sa casino na siyang nagpabaon na pala sa kaniya sa utang. Hindi niya namamalayan na sa bawat araw at buwan, unti-unting nasisira ang buong lupain. Isa-isa na ring umaalis ang mga magsasaka na dating tapat kina Mang Pablo at Aling Rosita. 

Hanggang isang araw, wala ng ibang pagpipilian pa si Marlo kundi ibenta ang lupain sa napakababang presyo. Sira na kasi ang lupa, wala naman siyang pera upang ayusin ito. Wala na rin siyang mautangan dahil lubog na siya sa utang dahil sa kaniyang pagsusugal.

Nang hapon na naibenta at naibayad na niya ang pera sa kaniyang utang, naiwan si Marlo na luhaan at nagninilay-nilay. Bumalik sa kaniyang isipan ang mag-asawang Pablo at Rosita. Ang alaala kung saan masaya siyang nakikipagkwentuhan sa mga taga-baryo. Hinanap niya si Diana ngunit wala na ito at nagpunta na ng ibang bansa. Walang natira sa binata kundi pagsisisi at leksiyon na sana’y hindi siya naging sakim.