Pina-Raffle ng Don ang Kaniyang mga Ari-arian; Dadalhin Pala Siya Noon sa Mas Malaking Kayamanan

“Ngayong ako’y nasa kinahapunan na ng aking buhay, marami akong pinagsisisihan,” isang araw ay sabi ni Don Romeo sa kaniyang tagapag-alaga na si Mico.

“Sana pala kaysa ubusin ang sarili sa pagpapayaman ay nag-asawa ako. Sana may mga anak akong kagigiliwan at pag-iiwanan ng aking mga naipundar. Sana pala inalagaan ko ang relasyon ko sa aking mga kaibigan at kamag-anak. Ngayon ay ni hindi ko man lang alam kung nasaan sila o kung kumusta ang buhay nila. Hay… nasa dulo talaga ang pagsisisi, ano?” mahabang litanya ng don.

Nakaramdam naman ng awa si Mico dito dahil nakakalungkot naman talaga ang buhay nito. Kung tutuusin ay kaka-60 taon pa lang naman ang don, ngunit dahil hindi rin nito naalagaan ang kalusugan ay ngayon pa lang ay marami na itong iniindang sakit. Mayaman nga ito ngunit walang bumibisitang kamag-anak o kaibigan dito. Ang lahat ng kasama sa bahay ay mga tauhang bayarin – mga yaya, siya bilang nurse nito, hardinero, drayber, at iba pa.

Isang araw ay naisip ni Don Romeo na gumawa ng isang mabuting bagay bago pa siya pumanaw.

“Ipapa-raffle ko ang aking mga ari-arian,” sabi nito sa abogado nito na gulong-gulo sa pasya ng mayamang matanda. At tila iyon na ang pinal na desisyon nito. Nais nitong bumiyahe palibot sa Maynila at kung sinong mga pulubi o walang tahanan ang makikita nila sa daan, ililista ang pangalan at mabibigyan ng tsansa na mapamanahan ng salapi. Isinama niya na rin pati ang mga nakatira sa iskwater.

Hindi makapaniwala si Mico sa plano ng don, ngunit natawa na lang siya. Nakikita niya ang puso sa likod niyon, gusto lang nitong mabahagi ang kayamanang hindi na naman nito madadala sa kabilang buhay.

Matapos ang ilang araw nilang pag-iikot sa Maynila, kay daming pangalan ang kanilang nakuha. Nalungkot si Don Romeo na malaman na habang siya ay sobra-sobra ang salapi, maraming tao ang nagugutom, ni walang sapin sa paa o tahanan. Napausal na lamang ng dasal ang don.

Bumunot siya ng limang papel, at sa tulong ng abogado ay natunton ang mga taong iyon at pinapunta sa mansyon. Isa-isang dumating ang masuswerteng nabunot. Una ay isang matandang gusgusin. Naawa si Don Romeo dahil tiyak na mas matanda pa ito sa kaniya. Nagulat siya nang magtama ang kanilang mata at bigla itong napasigaw sa tuwa.

Advertisement

“Romeo! Aba, ikaw nga ba iyan?” sabi ng matanda. “Naalala mo pa ba ako? Ako si Pedring, ang dating driver ng iyong papa,” sabi nito. Doon lang nakilala ni Romeo ang matanda. Ito nga ang binatang driver ng kaniyang ama noon! Naalala niya pang lagi siya nitong hinahayaang mamasyal bago umuwi, lalo na kapag malungkot siya.

“Mang Pedring! Naku salamat naman at sa wakas ay may maisusukli na ako sa kabutihan niyo.” Napahaba ang usapan ng dalawa at sinuguro ni Don Romeo na magiging mabuti na ang buhay nito at pamilya nito.

Sumunod na bisita ay isang dalaga. May dala pa itong isang tupperware ng ulam at iniabot sa kaniya.

“Maraming salamat po, Don Romeo. Matagal ko na ho kayong kilala dahil ang sabi ng Nanay Selia ay mabait na bata raw kayo at hindi siya pinahihirapan noong inalagaan niya kayo. Paboritong ulam niyo po iyang dala ko.”

Labis na natuwa si Don Romeo dahil pati ang anak ng dati nilang kasambahay ay mapapamahaginan niya ng biyaya. Akala niya ay doon na natatapos ang mga sorpresa ngunit tila ba iba ang balak ng kapalaran. Pagpasok pa lang ng tatlong lalaki ay agad niyang namukhaan ang mga ito.

“Hermi, Lito, at Totoy!” sigaw niya. Tila ba may bumikig sa kaniyang lalamunan nang makitang muli ang mga pinakamalalapit na kababata. Ilang dekada na simula noong sila’y nagkita, at ngayon ay ganoon pa rin at masayang-masaya siya talagang makita ang mga ito.

Kapwa nagulat din ang mga ito nang makilala siya.

“Naks, big time ka na pala ngayon Romeo!”

Advertisement

“Dati pa naman big time na ‘yan no! Eto kami, magkakasama pa rin sa trabaho sa construction,” tila nahihiyang sabi ni Lito.

“Huwag kayong mahiya sa akin, naku! Sa dami ng kalokohang ginawa natin noon, ano!” halakhak ng mga lalaki. Napangiti naman si Mico dahil ngayong araw niya lang muli nakitang humalakhak at umiyak ang don nang sabay.

Naayos na ang lahat ng papeles at labis-labis ang pasasalamat ng limang taong nakatanggap ng biyaya. Nabawasan nga ang kaniyang materyal na pag-aari ngunit kapalit naman niyon ay mas mahalagang kayaman. Mga taong mahahalaga sa kaniyang buhay – mga kaibigan.

Tuwang-tuwa ang don sa kinalabasan ng kaniyang desisyon. Iba pa rin talaga ang pakiramdam kapag tayo ang nagbibigay at hindi ang tumatanggap. Minsan mas nakatatanggap pa tayo ng mas malaking biyaya, siksik, liglig, at nag-uumapaw mula sa Panginoon.