Gustong-gusto ng Patpating Binata ang Dalaga Ngunit Hindi Siya Pinapansin Nito; Ilang Taon ang Lumipas ay Nabaligtad ang Sitwasyon

“Magandang umaga, Coleen! Hatid na kita hanggang sakayan, tara libre lang,” masiglang sabi ni Ricky sa dalagang naka-unipormeng pang-hayskul. Ngunit imbes na magpasalamat at tanggapin ang alok niya, inirapan lang siya ng dalaga.

“He! Doon ka na nga, kaya ko maglakad mag-isa. Kaaga-aga ang pangit ng makikita ko,” masungit na sabi nito.

Nadismaya man si Ricky sa sinabi ng dalaga ay itinago niya iyon sa kamot ng ulo at tawa. Matalas talaga ang dila ni Coleen noon pa man. Mga bata pa lang sila ay ito yung tipong ng bata na laging malinis, maganda rin ito at makinis. Kaya hinahangaan ito ng lahat, at ang pinakamasugid ngang tagahanga ay walang iba kundi si Ricky. ‘Di pares sa iba na hitsura lang ang habol kay Coleen, si Ricky ay nakita kasi ang kabaitan nito noon.

Kung patpatin siya ngayong nagbibinata ay mas lalong tingting siya noong elementarya. Dahil doon kaya siya madalas napagdidiskitahan, at si Coleen lang ang nagtanggol sa kaniya noon. Hindi na siguro nito natatandaan iyon ngunit sa alaala niya ay hindi na iyon mabubura. Simula nang araw na iyon ay naging tila buntot siya ng dalaga. Tinutulungan niya ito sa mga aralin nila, dahil pagdating sa talas ng isip, si Ricky naman ang lamang. Ayos naman noong una ang pagkakaibigan nila ngunit noong mag-hayskul ay bigla na lang siyang iniwasan ng dalaga. Marahil ay nahihiya na itong makitang kasama siya. ‘Pag pinagtabi kasi sila ay nagmumukha siyang pulubi bigla.

Dahil sa kahirapan ng buhay ay tumigil sa pag-aaral si Ricky. Gusto man ng ama niyang magpatuloy siya at tanggapin ang mga inalok sa kaniya na scholarship ay pinili niyang magtrabaho na lang. Matanda na kasi ang kaniyang ama at wala ring ibang titingin dito. Maraming nagsasabi na sayang daw ang talino ng binata, at hindi man ipinakita ni Coleen, bahagya siyang nanghinayang nang mabalitaang tumigil na sa pag-aaral ang kababata at pedicab drayber na ngayon.

Sa araw-araw ay inaalok ni Ricky ng sakay si Coleen. Papasok at pauwi sa eskwela ay nagbabakasakali siyang makikita niya muli ang kababatang dati ay ngumingiti sa kaniya. Ngunit hindi iyon nangyari. Sa mga sumunod na taon ay naranasan niyang madurog ang kaniyang murang puso. Nasaksihan niya kung paano nagkaroon ng iba-ibang nobyo ang dalagang gusto. Nakita niya na ring umuwi nang lasing ito, umiiyak, problemado, masaya. Habang pinapanood at sinusuportahan niya ito mula sa malayo ay naramdaman niya ang iba-ibang emosyon ngunit piniling huwag na lang intindihin iyon.

Ang pagpanaw ng kaniyang ama ang pangyayaring nagtulak sa kaniya upang baguhin ang kaniyang buhay. Bago ito mawala ay binilin nitong dapat mabuhay siyang walang pagsisisi. Sinunod ni Ricky ang payo ng ama. Ilang taon na ang lumipas at hindi na siya ang dating patpating binata. Ang tanging pumipigil lang naman sa kaniya na umalis ay ang ama niya at si Coleen. Ngunit ngayon ngang wala na ang ama niya at mukhang masaya naman na sa buhay niya si Coleen ay nagpasya si Ricky na lumuwas ng Maynila.

Dahil sa angking talino ay nakapasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakakuha pa ng isponsor. Pinag-aral siya at nang makapagtapos bilang engineer ay nagkaroon ng magandang trabaho. Mabilis siyang nakapundar ng sariling kotse at bahay. Ayos naman ang buhay niya ngunit may munting kahunghangan dahil hindi niya na maipararanas ang buhay na iyon sa amang yumao.

Advertisement

Isang araw habang nasa isa siyang restaurant para sa isang meeting ay nahagip ng mata niya ang isang pamilyar na pigura. Tila magneto ang paa na lumabas siya at naglakad sa mainit na araw, sa gilid ng daan, may isang babae ang nagtitinda ng mga CD. Pagharap nito ay ‘di nga siya nagkamali, si Coleen iyon! Kapwa sila gulat nang magkaharapan. Babati pa lang si Ricky nang makarinig ng sunod-sunod na pito at wangwang ng pulis. Agad nagsitakbuhan ang mga naroon na tulad ni Coleen ay nagbebenta ng mga piratang CD. ‘Di malaman ng dalaga saan tatakbo kaya hinila siya ni Ricky papasok sa restaurant kung saan siya galing kanina. 

Hiyang-hiya si Coleen at hindi makatingin nang diretso kay Ricky. Halatang mayaman na ang binata at talaga namang napakakisig ngayong nagkalaman na. Habang siya na nakapagtapos ng kolehiyo at napakayabang noon, bagsak sa pamimirata ng mga CD.

Hindi na sila masyadong nakapag-usap dahil dumating na ang kliyente ni Ricky. Umalis kaagad si Coleen at ‘di na nagpaalam sa binata.

Sa mga sumunod na araw ay hinanap ni Ricky si Coleen ngunit ‘di niya ito matagpuan. Natunton niya ang bahay nito nang ipagtanong-tanong niya. Nagulat siya nang makitang sa isang maliit na barong-barong ito nakatira kasama ang isa nitong anak sa pagkadalaga. 

“Bakit ka nandito?! Ano? Para ipahiya ako? Para ipamukha na ikaw ganyan ka na, ako ganito lang?!” sambit ni Coleen na galit na galit nang makita si Ricky. Hindi pa ba sapat na nakita nito siyang muntik mahuli ng pulis? Hindi kaya ng pride niya na makita nito ang kinahantungan ng kaniyang buhay. Ngunit imbes na pagyayabang, nagulat siya nang tanungin nito ang pangalan ng anak niya habang may luha sa mga mata. 

Sa mga sumunod na araw ay lagi nilang bisita ang binata. Kahit ‘di ito pinapansin ng dalaga ay tulad noon, nagsikap itong ipakita sa kaniyang malinis ang intensyon nito. Pinilit pa nitong tulungan siyang ipagamot ang anak na may hika. At laking ikinagulat niya ang pag-aalok nito ng kasal na agad niyang tinanggihan.

“Bakit, may asawa ka ba?” tanong nito.

“Ricky, tingnan mo nga ako? Wala akong maiaambag sa’yo. Simula pa noong una ay tinalikuran, sinaktan, at binalewala kita. Tapos… eto lang ako,” sabi ni Coleen habang umiiyak. Niyakap siya ng binata at sinabing ang puso niya ang pumili sa dalaga. Na gusto niya ito dahil sa gusto niya ito at kailangan pa ba ng ibang dahilan? Isa pa ay alam niya kung gaano kahirap lumaking isang magulang lang ang kasama, kaya gusto niyang maging ama rin ng anak ni Coleen.

Advertisement

Lalong napaluha si Coleen sa narinig. Hinayaan niya ang puso na ibigin ito sa unang pagkakataon. Noon kasi ay natakot siyang maghirap sa buhay ‘pag pinili niya ito, pero heto siya, nabaligtad ang sitwasyon. Ito pa pala ang magdadala ng ginhawa sa buhay niyang nagkandagulo-gulo. Laking pasasalamat ni Coleen sa langit dahil sa wagas na pagmamahal sa kaniya ng lalaki. Pinangako niya sa Diyos na iingatan ang biyayang iyon at ibibigay ang buong puso upang masuklian ang pagmamahal nito. Sigurado naman siyang magiging madali iyon dahil sa napakabuti at mapagmahal na puso ng lalaki.