Marami Raw Kabit si Mister Ngunit Hindi Maiwan ni Misis; Hanggang Saan Kaya ang Kaniyang Pagpapatawad?

Kagagaling lamang sa isang napakainit na isyu ng mag-asawang Daniel at Maricris. Sa pang-apat kasing pagkakataon, muli na naman niyang nahuli ito na may kalaguyo. Ang matindi pa ay inuwi raw ito sa kanilang bahay.

Kaliwa’t kanan ang naging murahan ng mag-asawa. Rinig man ng buong barangay ay wala silang pakialam dahil kalat na sa kanilang lugar ang palagiang gawain ng kaniyang mister. Subalit kahit na ilang beses pa niya itong mahuli ay kailanman hindi niya ito iniwan alang-alang sa kaniyang nag-iisang anak na si Denver, limang taong gulang. 

Ilang linggo na naman silang tampok sa usapan ng mga tsismosa sa kanilang barangay. Hindi na ito bago sa kanila dahil sa pang-apat na beses ba namang mangyari ay kahit na sino ay masasanay nang maging laman ng usapan ng marami. Sinasakyan na lamang ni Maricris sa tuwing maririnig niya mismo ang mga usapan. 

Maraming nagsasabi sa ginang na iwan na niya ang kaniyang asawa. Subalit hindi naman niya magawang iwan dahil malaki ang sahod nito sa trabaho na siyang bumubuhay sa kanila. Hangga´t sa kaniya umuuwi, wala siyang pakialam kahit na maging isang daan pa ang maging babae nito. Kailan nga kaya darating ang panahon na mapapagod siya sa paulit-ulit nilang isyu ni Daniel?

Isang umaga, pinaghahandaan ni Maricris ang selebrasyon ng pagsasara ng eskwelahan ng kaniyang anak. Umani kasi ito ng mga parangal bilang pinakamatalino sa kanilang seksiyon kaya naman todo ang kaniyang paghahanda ng mga ulam at iba pang pagkain para sa mga kaklase nito. Habang abala siya sa kaniyang anak, abala rin si Daniel sa pambabae nito gabi gabi. 

Pagkatapos ng paghahanda at maraming iniluto, huli na sa oras si Maricris at mabilis na nagpunta sa eskwelahan ni Denver. Wala na siyang oras para maligo at hindi naman ito malaking bagay sa kaniya. Ang mahalaga ay madala niya nang nasa oras ang mga pagkaing inihanda niya.

Papasok pa lamang sa gate ng eskwelahan, tanaw niya si Denver na pinagtatawanan at kinukutya ng kaniyang mga kaklase.

¨Papa mo nga marami raw babae sabi ng mama ko eh!¨ sabay sabay na tawanan ng kaniyang mga kaklase ang sumunod habang si Denver naman ay nakatungo lamang. 

Advertisement

Napalunok siya nang marinig iyon mula sa mga batang nasa paligid ng kaniyang anak. Humakbang siya palayo upang magkunwaring hindi niya nasaksihan iyon. Huminga siya nang malalim at mabilis na lumakad at tinawag nang malakas ang kaniyang anak. Tumingin ito sa kaniya at nagpakita ng malaking ngiti. Sabay na pumasok sa silid si Maricris at si Denver na nakangiti at parang walang nangyari.

Nang gabi ng araw na iyon, napaluha si Maricris nang maalala ang malungkot na mukha ni Denver. Kung sa kaniya ay kaya niyang balewalain ang lahat, hindi ito pareho sa kaniyang anak na dinidibdib ang mga sinasabi ng mga tao sa kaniyang paligid. Hindi niya lubos maisip kung gaano ito kahirap para sa kaniyang anak na wala namang kasalanan.

Ilang araw pa ang lumipas at pakiramdam ni Maricris ay bumibigat ang kaniyang dibdib sa tuwing makakarinig ng tungkol sa kaniyang asawa sa mga tao sa paligid. Palagi niyang sinisigurado na hindi ito naririnig ni Denver. Subalit naisip niya, paano kung wala siya at maraming tao ang pagtatawanan ang kaniyang anak? Kung iisipin pa lamang niya ay nanlulumo na siya. 

Dumating ang araw na muli niyang naringgan ang mga kapitbahay na pinagsasabihan si Denver dahil may nakaaway ito. Maraming masasakit na salita ang naibato sa kaniyang anak at nagpantig ang kaniyang tainga. Sinugod niya ang ginang na nagbubunganga sa anak na inosente naman.

Galit na galit na umuwi si Maricris. Sinisisi niya ngayon ang buhay na mayroon siya. Bakit kasi ang daming lalaki sa mundo ay humantong pa siya sa isang lalaking hindi makuntento sa kaniya. At higit sa lahat ay sobra pa niyang mahal kaya hindi rin niya maiwan.

Ilang minuto lamang ay may sumundo sa kaniya na nagsumbong na nakita na naman ang kaniyang asawa na may kasamang babae sa isang hotel. Kahit na puno pa siya ng galit ay agad niyang pinuntahan ang hotel kung nasaan ang kaniyang asawa. Nagsisisigaw siya sa loob at kahit na anong awat sa kaniya ay walang habas niyang pinabukas ang pinto ng silid kung nasaan naroon ang kaniyang asawa. Ngunit laking gulat niya nang makita na ang babaeng kasama nito ay kaniyang sariling kapatid na pinag-aaral pa niya!

Lalong uminit ang ulo ni Maricris at nasaktan sa kaniyang nasaksihan. Mabilis na umuwi ang ginang at hinakot ang lahat ng kanilang gamit ni Denver. Umuwi ng probinsya si Maricris kasama ang kaniyang anak. 

Isang buwan ang nakalipas, muling sinusuyo ni Daniel si Maricris na umuwi na sa kanilang bahay. Subalit ngayon ay matigas na siya at hindi na muling pinatawad ang asawa. Tama na ang pagkawawa nito sa kaniya pati na sa kaniyang anak. Ngayon ay handa na siyang maging matatag para sa sarili at sa kaniyang anak. Hindi na niya hahayaan si Daniel na tuluyan pang sirain ang buhay nilang mag-ina.