Inilaban ng Dalawang Kabataan na Ito ang Kanilang Pag-iibigan Hanggang Dulo; Leksiyon Pala Ito Para sa Nakararami

Sa murang edad na labing apat, dalawang taon ng magkasintahan ang mga batang si Sheryl at Jom. Simula noon pa man ay pinagtatawanan na sila nang marami dahil bata pa ngunit pinagsisigawan nilang sila na ang magkakatuluyan hanggang dulo. At ngayong dalawang taon na silang magkasintahan, pakiramdam nila ay wala ng titibag pa sa kanilang relasyon. 

Magkaklase ang dalawa simula pa noong hayskul. Simula noon ay hindi na mapaghiwalay ang mga ito. Kung nasaan ang babae ay nandoon naman parating nakasunod si lalaki. Konting kibot din ay puro away ang ganap sa kanilang relasyon. Selos doon, selos dito. Halos lahat ng napapadikit ay pinag-aawayan ng dalawa. Ngunit kahit ganoon pa man ay tumagal pa rin sila ng dalawang taon.

Dumating ang panahon na pareho silang tutungtong na sa kolehiyo. Dalawa nilang ipinangarap ito, ang makapasok sa malaking paaralan habang kumukuha ng kursong enhinyero. Nagsimula ang kanilang pag-aayos ng mga papeles pati na pagkuha ng pagsusulit upang tanggapin sila ng eskwelahan na kanilang napili. Akala nila´y daan na ito sa kanilang walang hanggan, malapit na palang magkaroon ng hangganan ang lahat.

Isang malaking problema ang kanilang kinaharap dahil hindi pumasa si Jom sa pagsusulit. Napilitan itong kumuha ng ibang kurso kung saan niyayaya nito si Sheryl na magpalipat ngunit ayaw nito dahil pangarap talaga nitong maging isang ganap na inhinyero pagdating ng araw. Marami mang naging tampuhan, nagkasundo pa rin ang dalawa na kahit hindi magkaklase at hindi pareho ang kurso ay mananatiling matatag sa kanilang relasyon. 

Sa unang taon ng dalawa sa kolehiyo, nag-umpisa na silang masanay na magkahiwalay. Hindi na tulad noon na laging magkasama dahil ngayon ay maski ang pagkain ng tanghalian ay magkaiba ang kanilang oras. Samu´t saring pag-aaway na rin ang naganap dahil sa selos sa bawat kaklase nila.

Isang gabi, galit na galit si Sheryl matapos hindi magpaalam ni Jom na pupunta pala ito sa kaarawan daw ng kaniyang kaklase na babae. Nakita ni Sheryl ang mga litrato kung saan parang sobrang saya ng mga naroon at nakapalibot pa ang mga babae sa kaniyang nobyo. Buong gabi ay hindi nagparamdam sa kaniya ang lalaki. Habang siya ay nasa bahay at hindi makatulog kakaisip sa kaniyang kasintahan.

Nagpasiyang magmatigas din ni Sheryl kay Jom. Hindi niya ito tinawagan o pinadalhan ng mensahe sa loob ng isang linggo. Sa una ay palagi pa siyang kinakausap ng nobyo ngunit nang tumagal ay hindi na rin ito nagparamdam sa kaniya. Mas lalo siyang nalungkot sa ginawang ito ni Jom.

Isang tanghali, sinadya ni Sheryl na abangan si Jom palabas ng klasrum. Nag-usap ang dalawa tungkol sa kanilang magiging relasyon. Kung itutuloy pa ba o ititigil na. Muli, napag-desisyonan ng dalawa na ituloy pa ang relasyon dahil maliit na bagay lang naman daw ang naging problema nila. Hindi raw iyon sapat para maghiwalay silang dalawa.

Advertisement

Inayos ng dalawa ang kanilang relasyon at nagbigay ng sapat na oras sa isa´t isa. Sa ngayon ay mas naging mabuti ang kanilang pakikitungo sa bawat isa. Hanggang sa isang gabi, tumawag si Jom sa kaniyang nobya upang magkita sila.

Tumakas si Sheryl dahil parang may nangyaring masama sa kaniyang nobyo. Dala ng pag-aalala, nakita niya ang binata na nakasandal sa isang sasakyan. Lasing itong niyakap siya at niyakag na umalis. Pinasok siya nito sa sasakyan na dala-dala niya. Patuloy ang pagtatanong ng dalaga kung saan sila pupunta at baka sila ay mahuli. Pareho silang menor de edad at walang lisensiya si Jom. Subalit pinapatahimik lamang siya nito at patuloy na nagmaneho habang nagpatugtog pa ito nang napakalakas.

Nang gabing iyon, sa kalagitnaan ng kasiyahan, ang minamanehong sasakyan ni Jom ay nabangga at tumilapon sa isang bangin. Pareho silang nawalan ng malay at nanghihinang humihingi ng tulong. Ang huling nakita ni Sheryl at Jom ay ang duguang mukha ng isa’t isa.

Nang imulat ni Jom ang kaniyang mga mata, una niyang nasulyapan ang ina. Agad itong nagmadali at tumawag ng doktor. Ilang linggo na raw pala siyang comatose. Bigla niyang naalala ang kaniyang nobya na si Sheryl. Kahit na nanghihina pa ay tinanong niya kaagad ito sa kaniyang ina.

Subalit luha ang tugon nito sa kaniya. Ikinuwento ng kaniyang ina na hindi na umabot nang buhay si Sheryl sa ospital. Wala na itong buhay nang sagipin sila mula sa aksidente. Maswerte lang daw si Jom at nakaligtas siya sa aksidenteng tulad noon. Hindi makapaniwala ang binata sa nangyari. Sinisi niya ang sarili at hiniling na sana ay siya na lamang ang nawala. Ngunit wala siyang magagawa dahil lahat ng aksiyon at desisyon, sa huli ay laging may resulta. Ang balik lamang sa kaniya ay ang habang buhay na pagsisisi sa kaniyang naging mapusok na desisyon na kapalit ay buhay ng kaniyang minamahal.