Nagbunga ang Pananamantala sa Kaawa-awang Babae; Maging Masalimuot Kaya ang Buhay Nito at Anak na Isisilang?

Mabuting bata at palagi lamang nakatigil sa bahay ang labing siyam na taong gulang na si Riza. Mula elementarya, hanggang kolehiyo, hindi niya pinasakit ang ulo ng kaniyang mga magulang. Iniwasan niya ang masasamang impluwensiyang dala ng mga tropa at barkada. Nakapagtapos din siya bilang cum laude sa kolehiyo.

Nang araw ng kaniyang pagtatapos, pumunta siya sa kaniyang tiyahin upang kunin ang regalo niyang bagong laptop. Inabot na siya ng hatinggabi dahil hinintay pa niya maluto ang hapunan upang makisalo sa kaniyang mga pinsan at ibang kamag-anak. Dahil sa gabi na at malabo ang mata ng kaniyang tiyo, hindi na siya naihatid pa nito sa kanilang bahay. Isang sakay lang naman kung tutuusin at sigurado siyang may masasakyan pa kaya mag-isa siyang umuwi sa kalagitnaan ng hatinggabi. 

Habang naglalakad pasakay ng bus, tatlong lalaki ang dumukot sa kaniya at nilagyan siya ng busal upang hindi makasigaw. Walang awang pinagsamantalahan siya. Buong akala niya’y babawian din siya ng buhay subalit isang kaluskos ang nagpatigil sa mga lalaki saka nagsitakbuhan ang mga ito.

Naiwang umiiyak at walang kakayahang makalakad pa si Riza ng gabing iyon. Isang matanda ang nakakita sa kaniya at umalalay sa kaniya na dalhin siya sa pinakamalapit na presinto. Walang bakas na nakatakas ang mga suspek samantalang si Riza ay naiwang tulala at hindi makapaniwala sa nangyari.

Lumipas ang tatlong buwan na pilit kinakalimutan ni Riza pati na ng kaniyang pamilya ang masalimuot na nangyari. Subalit bigla na lamang isang araw, muling binalikan si Riza ng bangungot niyang iyon matapos niyang malaman na siya ay nagdadalang-tao. Sa una ay ayaw niyang ituloy ang pagbubuntis dahil bangungot ang nangyari sa kaniya. Subalit sa tulong at gabay ng kaniyang mga magulang, itinuloy ng dalaga iyon hanggang siya ay tuluyang manganak ng isang batang lalaki.

Kahit na nanganak na siya ay halos ayaw niyang makita o mahawakan ang kaniyang anak. Kung maaari nga ay nais niya itong ipaampon. Subalit hindi nagkulang ng mabuting paalala ang kaniyang ama’t ina na walang kasalanan ang bata sa lahat ng nangyari. Kasama ni Riza sa bahay ang kaniyang mga magulang na siyang nag-aalaga sa kaniyang anak.

Ilang taon ang lumipas ngunit sa kabila ng kaniyang tagumpay sa trabaho ay wala siyang mahanap na lalaking magmamahal sa kaniya ng wagas. Kapag nalalaman kasi ng mga iyon ang madilim niyang nakaraan, iniiwan siya ng mga ito. Sa huli ang sisi ay sa anak niyang ngayon ay binata na.

Lumaki si Cris sa pangangalaga ng kaniyang mahal na lolo at lola. Mas itinuring siyang anak ng mga ito kaysa sa sariling ina. Wala siyang alam na siya ay bunga ng isang madilim na pangyayari. Ang tanging pagkakaalam niya ay iniwan sila ng kaniyang totoong ama.

Advertisement

Mabuting bata si Cris na ngayon ay nasa kolehiyo na rin. Matalino at magalang pa sa nakakatanda sa kaniya. Matipuno at kinagigiliwan din siya ng maraming babae lalo na sa kanilang eskwelahan. Matapos kasi nilang lumipat ng bahay, naging tahimik na at walang nakaalam ng kahit na sino bukod sa kanilang pamilya ang masakit na sinapit ng kaniyang ina.

Sa tuwing may problema si Riza sa kaniyang opisina, palagi niyang napagbubuntungan ng galit ang anak. Kahit na wala itong ginagawa, makita lang niya ito ay palagi niyang sinisita ang anumang makita niyang mali rito. Simula sa pagsuot ng damit, sa pag-upo, sa pagkain, pati na sa mga gawaing bahay ay lagi niya itong sinesermonan. Lubos naman ang pagprotekta ng kaniyang mga magulang sa tuwing pinagtataasan niya ito ng boses at kung minsan pa nga ay napagbubuhatan ng kamay.

Isang araw ng linggo, muling nagtipon-tipon ang tiyuhin ni Riza sa bahay kung saan siya kumuha ng regalo noong siya ay nagtapos. Hindi na kailanman bumalik si Riza sa lugar na iyon at malaki ang naging galit niya sa mga kamag-anak. Naiwang mag-isa si Riza sa kanilang bahay samantalang umalis naman ang mga magulang niya kasama si Cris na nakikisaya sa kaarawan ng kaniyang tiyuhin.

Hindi na namalayan ni Riza ang oras at inabot na pala ng hatinggabi ang kaniyang mga magulang. Pakiramdam niya ay doon na matutulog ang mga iyon at marahil ay nakainom ang kaniyang ama. Subalit gulat siya nang makitang pumasok si Cris sa kanilang bahay na hinahabol ang paghinga nito. Pawis na pawis at puno ng dugo ang damit nito. 

Muling bumalik sa alaala ni Riza ang masaklap na gabi. Nagsisisigaw siya at pinagmumura ang kaniyang anak. Kasunod ni Cris ay ang mga pulis na nasa likuran nito. Napaiyak nang husto si Riza at niyakap ang anak matapos malaman na ipinagtanggol ng kaniyang anak ang isang babae na muntik nang pagsamantalahan.

Walang mapaglagyan ng saya at pagsisisi si Riza dahil wala siyang ibang ginawa kundi ang intensiyonal na saktan ang damdamin ng anak. Ngunit kahit na ganoon siya ay lumaki itong mabuti at matulunging bata. Simula noon ay natutunan ni Riza na tanggapin at mahalin nang tunay ang kaniyang anak. Naging mas masaya ang kaniyang buhay ngayong hindi na niya nakikitang malas o bangungot ang anak na nagmamahal sa kaniya.