Pinilit ng Ama ang Anak na Sundan ang Yapak Niya Bilang Sundalo; Sa Huli’y Pagsisisihan Pala Niya ang Desisyong Ito

Hindi pa man putok ang araw ay agad na bumangon si Jay upang mag-ayos ng kaniyang kama, magluto ng almusal, at maglinis sa kanilang bahay. Kahit na alikabok lang kasi ang makita ng kaniyang ama ay agad siyang papagalitan nito. Sabay silang nag-aalmusal at naghahapunan parati at kung sakali man na mahuli siya sa oras ay malaking bagay agad ito sa amang sobrang higpit.

Katuwiran kasi ng kaniyang ama, disiplina raw ito na isa sa pinakamahalagang dapat matutunan ng kaniyang nag-iisang anak. Subalit lingid sa kaniyang kaalaman ang pusong babae na tinataglay ng unico hijo. Dahil galing sa pamilya ng mga sundalo ang ama ni Jay, wala siyang lakas ng loob na isiwalat sa lahat ang kaniyang tunay na pagkatao. Lahat ng utos at bilin ng ama ay agad niyang ginagawa upang hindi ito magalit. Malaki ang kaniyang takot rito kaya kahit ayaw niyang maging isang sundalo, pilit niya itong tinatahak para sa ama.

Muling nabanggit ni Jose ang aplikasyon ni Jay sa training nito sa pagsusundalo. Wala siyang magiging problema dahil mataas ang posisyon ng kaniyang ama sa loob ng kampo. Ang tanging pagsubok lamang ay ang harapin ang sarili at magpakatatag sa kabila ng katotohanang hindi siya tuwid na lalaki.

Pilit naman siyang ipinapagtanggol ng kaniyang ina. Dito lamang niya nasasabi ang mga tunay niyang pangarap. Kasama na rito ang pagiging isang panadero at pagtatayo ng sarili niyang bake shop. Subalit kahit na anong pilit ng ina, wala rin itong magawa sa haligi ng kanilang tahanan na matatag pa sa isang bato. Kapag nasabi na kasi nito ang dapat mangyari ay wala na dapat tututol pa kung ayaw nilang magkagulo sa loob ng bahay.

Nagsimula na ang pagpapasa ng mga papeles ni Jay para matanggap sa eskwelahan na nag-eensayo sa mga sundalo. Pangarap din ni Jay ang makalabas ng bahay na nakabihis babae pati na ang magkaroon ng mahabang buhok. Subalit sa tingin niya ay hindi na niya iyon magagawa pa. Hiling niya sa bawat araw ay magising sana siyang tuwid na at kaya ng manindigan bilang isang ganap na lalaki katulad ng pagkakakilala sa kaniya ng kaniyang sariling ama.

Isang gabi, mayroong binili si Jay na bestida at pekeng buhok. Aniya, kahit sa huling pagkakataon ay makita niya ang sarili kung ano talaga ang nais niya. Sinuot niya ito at naglagay din ng klorete sa kaniyang mukha. Subalit nagulantang siya nang makita ang ama na pumasok sa kaniyang silid. Nagsimula ang giyera sa loob ng kanilang bahay at walang awa siyang pinagsusuntok nito sa kaniyang mukha.

Kinaumagahan, araw na ng paglisan ni Jay. magsisimula na ang anim na buwan niyang pag-eensayo. Walang uwian pati na kontak sa kahit na sinuman sa labas ng kampo. Yumakap siya sa ina na emosyonal din. Ito na lang ata ang nagpapalakas ng kaniyang loob, ang ina na handa siyang suportahan anuman ang kaniyang tahakin. Samantala, dedma naman ang kaniyang ama hanggang siya ay makalabas.

Natapos lamang ang away nang awatin sila ng kaniyang ina dahil nagdurugo na ang kaniyang ilong. Magang-maga ang kaniyang mukha. Sa bawat parte ng katawan ay kumikirot subalit wala ito kung ikukumpara sa sakit na nararamdaman niya sa kaniyang puso. Wala naman siyang magawa at masabi kundi ang umatungal sa inang nakayakap sa kaniya.

Advertisement

Nang gabi na iyon, patuloy sa pag-iyak ang kaniyang ina na nasa bahay. Nagtalo silang ulit na mag-asawa dahil alam niyang hindi naman talaga iyon ang gusto ni Jay. Subalit ang tanging sagot lamang ni Jose, iyon raw ang magpapatuwid sa maling nararamdaman ng kanilang anak. Ang makisama sa mga kapwa lalaki at kumilos ng isang ganap na lalaki. Para sa kaniya, wala ng mas bubuti pa kaysa sa kaniyang desisyong ipadala ang anak sa loob ng kampo.

Lumipas ang tatlong buwan na halos nasasanay na si Corazon na wala ang kaniyang anak. Subalit walang araw na hindi niya binibisita ang silid nito at itinatagong mabuti ang mga gamit nitong pambabae. Naaawa na lang siya kapag naiisip ang sitwasyon nito.

Isang araw, isang masamang balita ang naging dahilan ng pagkakaroon ng atake sa puso ni Corazon. Si Jay raw ay tuluyan nang binawian ng buhay… Hindi makapaniwala si Corazon sa nangyari ganoon din si Jose. Inimbestigahan nila lalo ng ama ang naganap sa kampo habang nasa training ang kanilang anak. 

Napag-alaman nila na walang awang kinukutya si Jay ng kapwa mga estudyante sa loob. Tuwing gabi ay pinapahirapan at sinasaktan hanggang sa hindi na nito makayanan ang pagpapahirap. Lubos ang pagsisisi lalo na ni Jose sa kaniyang naging desisyon. Sa una ay araw-araw siyang sinisisi ni Corazon dahil siya ang nagpilit sa kanilang anak na magsundalo, subalit isang liham mula kay Jay ang kanilang natagpuan.

¨Swerte ako at kayo ang naging mga magulang ko… Mahal na mahal ko kayo, mama at papa,¨ ang huling salita ni Jay sa kaniyang huling liham.

Puno ng pagsisisi si Jose at patuloy niyang hindi mapatawad ang sarili. Isang desisyon na akala niya´y ikakabuti ng kaniyang anak ay isa palang daan para mawala ito sa kanila.