Pinagsikapang Bilhin ng Dalagang Ito ang Mamahaling Alahas na Uso; ‘Di Niya Akalaing Buhay Pala ang Magiging Kapalit

Kuminang ang mga mata ni Dennise matapos niyang makita ang suot na kwintas ng kaniyang mga babaeng kaklase. Marami rin ang nagpopost sa social media ng alahas na ito at hindi maitatangging napakaganda nito sa mata. Subalit kahit na humingi siya ng pera sa ama ay wala siyang mapipiga dito. Libo kasi ang halaga nito at kung iipunin man niya ang sobrang sampung piso niyang baon sa pagpasok araw-araw ay baka limang taon pa bago niya ito mabili. 

Mabilis siyang naghanap ng trabaho na maaari niyang pasukan tuwing wala siyang pasok. Iyong trabaho na tumatanggap ng estudyanteng kagaya niya na nasa hayskul pa lamang. Nagtagumpay naman siyang makahanap bilang tagahugas sa isang kainan sa kanto ng kanilang eskwelahan. Dahil nahihiya siyang magpakita sa mga kaklase, mas pinili niyang magtrabaho na nasa likod lamang ng kusina at hindi nagpapakita sa iba. 

Paggawa at pagbebenta ng basahan ang pangunahing pinagkikitaan ng pamilya nila. Kung noon ay nakakatulong siya sa paggawa ng mga basahan, ngayon ay sinasabi niyang abala siya sa gawain sa kaniyang paaralan. At kung ito ang kaniyang sasabihin tiyak na papayagan siyang lumiban sa mga gawaing bahay niya.

Sa isang araw, kumikita si Dennise ng tatlong daang piso. Aniya, tatlong buwan lamang siya magtatagal at mabibili na rin niya ang ninanais na bracelet. Mayroon na rin siyang nakontak na tao na nagbebenta raw ng mas murang alahas na kaniyang ninanais. Araw-araw, kahit na mahirap ay kinakaya niya ang pagod sa tuwing titingnan niya ang alahas na ninanais makamit.

Habang abala si Dennise sa pagtatrabaho, hindi na niya namamalayan kung gaanong kawalan siya sa kanilang negosyo. Dalawa lang silang magkapatid at siya pa ang panganay. Kinailangan tuloy na kumayod nang doble ng kaniyang ama na uugod-ugod na rin para lamang may sapat na basahan silang ibenta. Nilalako pa nito ang mga basahan sa kalye abutin man ng araw o ulan ay wala itong tigil.

Makalipas lamang ang dalawang buwan, nakita ni Dennise na isang linggo na lamang ay mabibili na niya ang alahas na kaniyang ninanais. Wala na siyang pakialam sa kaniyang grado na pansing bumaba simula nang siya ay maging abala sa paghahanap ng pagkakakitaan. Kahit kasi mga tutorial ay pinapatos na niya kahit na may pasok siya. Aniya, isang buwan na lang naman ay titigil na siya sa pagtatrabaho at makakapag-pokus na ulit sa eskwelahan pati na sa paggagawa ng basahan.

Isang linggo pa ang lumipas at laking tuwa ni Dennise na abot na ang kaniyang pera upang makabili ng bracelet na gusto. Hindi na siya nagsayang pa ng oras at tuluyan niyang binili ang alahas. Halos mapunit ang kaniyang pisngi sa laki ng ngiti niya. Habang nasa bahay, panay ang pagkuha niya ng litrato nito upang ipost sa social media.

Kinabukasan, hindi na muling nagpakita si Dennise sa amo niya. Ni paalam ay hindi na niya ginawa pa at nagpatuloy siyang muli sa pag-aaral nang mabuti at paggawa ng basahan. Subalit isang peligro pala ang nakaabang na mangyari.

Advertisement

Isang hapon habang siya ay pauwi, tanaw niya ang makapal na usok at ang nagkukumpulan na mga tao malapit sa kanilang bahay. Sa una ay nagtataka pa siya ngunit nang mapansin na nagmumula sa kanilang bahay ang usok, mabilis siyang tumakbo upang tingnan ang nangyayari. Saksi ng kaniyang mga mata na nasusunod ang buong bahay nila. Pinilit niyang makawala sa mga kamay ng taong pumipigil sa kaniyang pumasok sa nasusunog na bahay ngunit hindi niya iyon magawa. 

Patuloy ang pag-atungal ni Dennise habang patuloy na inaabo ang buong bahay nila kung saan nasa loob rin ang kaniyang ama at bunsong kapatid. Maya maya pa ay dumating na ang ambulansiya kasama ang mga taong sumubok na iligtas ang kaniyang pamilya. Walang patid ang luha ni Dennise habang sinasaksihan ang buong pangyayari. 

Mabilis na nagtungo ang dalaga sa ospital kung saan nag-aagaw buhay ang kaniyang bunsong kapatid. Samantala ang kaniyang ama ay tuluyan ng binawian ng buhay. Mugto na ang mata ni Dennise ngunit kailangan niya ng maraming pera upang mapagamot nang maayos ang kapatid. Wala siyang mahugot kundi ang alahas na kakabili lamang niya.

Sinubukan ni Dennise na ibenta ang bracelet na kakabili lamang niya subalit napag-alaman niyang peke raw ang pagmamay-ari niya. Mas lalong nalugmok ang kalooban ng dalaga. Inisip niya ang mga panahon na ginugol niya upang mabili iyon ngunit peke pala. Kung sana ay inilaan na lamang niya ang panahon at oras niya sa pagtulong sa kanilang bahay, mas nakaagapay pa sana siya sa kaniyang ama na matanda na.

Walang mapagsidlan ng pagsisisi si Dennise at humingi ng tulong sa Diyos. Ang mga kapitbahay ni Dennise ang siyang tumulong sa kaniya upang matustusan ang pampagamot ng kapatid. Habang inililibing ang ama, nangako si Dennise sa kaniyang sarili na hindi na sasayangin ang oras para sa isang bagay na wala namang kabuluhan at aalagaang mabuti ang kaniyang bunsong kapatid na nabuhay mula sa isang malupit na aksidente. Ang oras ay hiram lamang natin at hindi natin hawak ang kinabukasan. Gamitin nating mabuti ang araw at oras na mayroon tayo kasama ang ating mga mahal sa buhay.