Planado na ni Misis ang Pakikipaghiwalay sa Kaniyang Mister Dahil sa Bigat ng Problema; Isang Biyaya ang Pipigil sa Kaniya

Away dito, away doon. Ito ang buhay ng mag-asawang Isang at Leo sa bawat gabi na uuwi ang mister galing trabaho. Maski katiting na bagay ay pinagtatalunan na nila. Wala na silang mapagkasunduan pa at palaging mainit ang ulo sa isa´t isa. Hindi na rin sila sabay kung kumain at tabi matulog. Kani-kaniya na ang kanilang buhay kahit na mayroon pa silang anak na dalawang taong gulang pa lamang. 

Parating sinusumbat ni Leo na siya ang kumikita ng pera para lamang mabuhay silang pamilya. Malaki rin kasi ang sinasahod nito at wala namang trabaho si Isang na nakatigil lamang sa bahay upang mag-alaga ng kanilang anak. Subalit sa bawat araw din naman ay puro na lamang reklamo mula sa bibig ni Leo ang kaniyang naririnig. Dito nagsisimula ang walang hanggang away ng mag-asawa.

Kahit na hatinggabi ay walang patawad ang mga ito. Basta may pagkakataon ay tiyak nilang kukunin ito upang mag-alitan at kung minsan ay magkasakitan.

Isang gabi, mabibigat ang luha sa mga mata ni Isang habang pinapakain ang kaniyang anak. Naiisip niya kasi ang mga panahon na bago pa lamang sila ni Leo. Parati siya nitong pinupuri kung gaano siya kaganda. Hindi kailanman siya napagsalitaan nito nang masama. Ngunit ngayon ay halos walang preno na kung magsalita ito sa kaniya. Sa bawat salitang binibitawan ni Leo ay pawang kutsilyo na tumutusok sa puso ni Isang.

Panggabi si Leo sa trabaho ng mga oras na iyon, si Isang naman ay mabilis na nagluto ng hapunan ng kaniyang mister. Dahil huli nang umuwi si Isang, pritong talong lamang ang nakitang ulam sa lamesa. Labis itong ikinagalit ni Leo at kung ano-ano na naman ang sinabi sa kaniya. Kesyo bakit daw iyon lamang ang pagkain gayong nagsusumikap naman siyang magtrabaho. 

Hindi na kaya pang pakinggan lamang ni Isang ang asawang nagbubunganga. Sinagot niya ang lahat ng reklamo nito nang pabalang. Nagkaroon ng tensiyon sa pagitang ng dalawa hanggang sa nasampal si Isang nang malakas ng kaniyang mister. Labis itong ikinagulat ng babae na agad na tumakbo sa kwarto at nagkulong. 

Kahit na umalis na si Leo sa bahay, patuloy pa rin ang sakit na nararamdaman ni Isang habang hinihimas niya ang namagang pisngi dahil sa sampal ng asawa. Saan ba siya nagkulang? Isip-isip lamang ni Isang habang umaatungal. Dito nagpasiya si Isang na tuluyan na ngang umalis at makipaghiwalay sa kaniyang asawa. 

Isang umaga, habang nagliligpit ng kaniyang mga damit ay naramdaman niyang naduduwal siya. Marami siyang isinuka nang umagang iyon. Dito niya naalalang ilang buwan na siyang hindi dinadatnan. Kinabahan si Isang dahil alam niyang hindi naman sila ayos ng kaniyang mister. Upang makasigurado, nagpacheck-up kaagad siya upang matahimik na ang kaniyang isipan.

Advertisement

Isang hapon, naglalakad si Isang pauwi sa kanila ngunit tulala lamang ito sa kawalan. Napag-alaman niyang totoo ngang nagdadalantao siya! Pangalawang anak na niya ito subalit hindi siya masaya. Aalis na kasi siya sa bahay nila subalit ang pagiging buntis ay hindi na sumagi sa kaniyang isip. 

Dahil halos mabaliw siya kakaisip, pagkauwing-pagkauwi pa lamang ni Leo ay mabilis niyang pinabasa ang resulta ng kaniyang check-up. Laking gulat lamang ni Isang na imbes magalit o mainis ang mister ay niyakap siya nito sa sobrang tuwa! Walang mapaglagyan ang mga ngiti nito sa balitang inihayag niya mismo.

Sinabi ni Isang kay Leo na ayaw niyang magbuntis muli. Inamin niyang balak na niyang umalis at lisanin na ang kaniyang mister. Nalungkot ang lalaki at yinakap siyang muli nang mahigpit. Humingi ito ng tawad sa lahat ng nasabi at nagawa niya. Ang matigas na puso ni Isang kagabi ay napalambot ng yakap at patawad ng kaniyang mahal na asawa.

Dahil sa batang nasa sinapupunan ni Isang, natigil ang plano niyang lisanin na ang kaniyang mister. Wala naman kasi siya ibang pagpipilian dahil magastos at mahirap ang magbuntis kasama na ang panganganak. Ang batang ito ang naging tulay upang muling maisaayos ang pagsasama nila na nanganganib nang masira. 

Laking pasasalamat ni Isang na sa pagkakataong hindi niya inaasahan ay doon gagawa ang Diyos ng himala para lamang pigilan siyang gumawa ng aksiyon na alam niyang pagsisisihan niya rin sa huli. Lubos na pinatawad ni Isang ang kaniyang asawa na nangako namang magiging mabuti nang ama at asawa sa kaniya. Simula noon, muling bumalik ang saya sa kanilang relasyon, kasama rito ay ang kanilang pagbalik sa pagsisimba at pananalig sa Diyos na tanging naggagabay sa kanila.