Binatikos ang Artistang Ito at Nalaos Dahil sa Maling Desisyon; Makabalik pa Kaya Siya sa Industriyang Tinalikuran?

Limang taon na ring wala sa showbiz si Jennica o mas kilala ng karamihan na Jen. Hindi na mabilang sa kaniyang daliri ang mga palabas at pelikula na kaniyang pinagbidahan at ang karamihan pa nga rito ay napangaralan siya bilang pinakamahusay na aktres. Sa edad na disiotso anyos, maaga siyang nagsimula sa pag-aartista at talagang pumatok sa nakararami. Subalit dahil lamang sa pagkakamali niyang umibig ng isang lalaking adik, nasangkot siya sa ganitong mga gawain at nawalan ng mga proyekto. 

Simula ng magkagulo-gulo ang buhay ni Jen, maraming mga tao ang tumalikod sa kaniya. Maski na sarili niyang pamilya ay sinukuan na siya at tuluyan na siyang tinakwil. Sa ngayon, nagtatrabaho ang dating aktres bilang waitress sa isang casino na siyang pinagkukunan niya ng kaniyang panggastos sa araw-araw. Lalo pa ngayon at nalaman niyang tatlong buwan na pala siyang buntis ngunit naghiwalay na sila ng kaniyang dating kinakasama na hindi na niya alam kung nasaan na.

Kung dati ay sagana sa luho si Jen, ngayon ay pagkain at mga bills na lamang ang kaniyang nasa isip na kaya niyang bayaran. Kung mayroon mang magbigay ng malaking tip sa kaniya, doon lamang siya nagkakaroon ng pagkakataon na makabili ng mga make-up na sobrang kinahihiligan niya. Laking pasalamat na rin niya na kahit hindi siya nakapagtapos ay tinanggap siya na makapagtrabaho sa casino dahil na rin sa taglay na kagandahan niya. 

Isang tanghali habang nagtatanghalian si Jen sa canteen ng casino para sa mga empleyado, naririnig ang bulungan ng mga kapwa niya empleyado. Parati siyang tinutukso ng mga iyon na laos at ang masakit pa rito ay sinasabihan siyang ad*k ng mga iyon. Kahit na hindi totoo ay wala siyang magagawa dahil resulta iyon ng kaniyang mga maling desisyon noong siya ay bata pa. Wala namang mali sa mga sinasabi ng tao sa kaniya. Ang tanging problema lamang ay kahit na anong kayod niya para sa sarili at kahit anong lipad niya ay pilit siyang ibinababa ng mga tao sa kaniyang paligid. 

Sinubukan pa ni Jen ang sumali sa mga auditon na nagbabakasakaling makabalik siya sa pag-aartista. Subalit ayaw siyang tanggapin ng mga direktor dahil galit sa kaniya ang mga tao. Tiyak na imbes tangkilikin ng mga tao ang pelikula o palabas ay mas lalo lamang itong sabihan ng mga negatibong komento. Kaya naman tinanggap na ni Jen na kailangan niyang mabuhay kahit na isang waitress lamang, para sa kaniyang sarili at kaniyang anak.

Sa bawat araw din na lumilipas, parating nagpapadala ng mensahe si Jen sa kaniyang pamilya. Ngunit bigo siyang makatanggap ng mensahe mula sa mga iyon. May pagkakataon rin na pinuntahan niya ang kanilang bahay subalit pangungutya lamang ang kaniyang natanggap mula sa mga ito. Siya rin ang may kasalanan kung bakit ganoon ang trato sa kaniya ng mga iyon. Noon kasing marami siyang pera ay hindi man lang niya natulungan ang mga kapatid at magulang niya. Naging mayabang siya at nilustay ang lahat ng yaman sa mga walang kwentang bagay. Ngayon tuloy na walang wala siya, pati pamilya ay nawala sa kaniya.

Pakiramdam ni Jen ay hinihintay na lamang niya ang araw na bawian na siya ng buhay. Wala nang saysay ang mga nangyayari sa kaniya. Wala nang pag-asenso at wala nang pagbabago kahit na pilitin niya. Subalit nang dahil sa bata sa kaniyang sinapupunan, kailangan na naman niyang itulak ang sariling kumapit sa buhay kahit na puro lamang pighati ang ibinabato sa kaniya nito. 

Lumipas ang ilang buwan at nagdoble-kayod si Jen sa kaniyang trabaho. Sa gabi ay nagsisilbi siya bilang waitress sa casino at sa tuwing umaga naman ay pumapasok siya bilang kahera sa isang malaking tindahan. Subalit nang lumalaki na ang kaniyang tiyan, bigla na lamang siyang nawalan ng malay habang naglalakad pauwi sa kaniyang tinutuluyan. 

Advertisement

Maraming mga tao ang nakakita sa kaniya at tumulong sa kaniyang dalhin siya sa ospital dahil dinudugo siya ng mga oras na iyon. Ang lahat ng nakakita sa kaniya ay kinuhanan siya ng bidyo na siyang kumalat kaagad sa social media. Maraming mga tao ang nagsabing dapat lamang sa kaniya iyon ngunit mas marami ang nahabag sa aktres at nagpahatid ng tulong.

Nang magising si Jen, nakita niya na nasa ospital siya. Ilang araw na pala siyang walang malay at nakaratay sa kama. Napaiyak si Jen nang malaman na ang kaniyang dinadalang bata sa sinapupunan ay hindi na kinaya ang kapit. Nalaglag ito dahil sa sobrang pagod at kawalan ng nutrisyon ni Jen habang siya ay kumakayod.

Maraming mga reporter ang dumating at nagtanong kay Jen ng kaniyang mga pinagdaanan. Hindi napigilan ni Jen ang magpatotoo sa hirap at sakit na kaniyang dinanas mula ng talikuran siya ng mga tao at industriya. Nang kumalat ang kaniyang interview, marami ang naawa sa aktres at muli siyang sinuportahan.

Simula noon marami na muling lumapit na proyekto sa aktres at muli siyang sumikat. Ang taglay niyang ganda ay nakadikit pa rin sa kaniya. Ganoon din ang kaniyang talento sa pag-arte. Ipinangako ni Jen na sa pangalawang pagkakataon hinding-hindi na niya sasayangin ang biyayang ibinigay sa kaniya.

Nakipag-ayos muli si Jen sa kaniyang pamilya at nagkaroon sila ng kapatawaran. Ngayong sikat na naman siya at lumalabas sa mga pelikula, mas nakilala siya bilang mas matatag at matapang na bituing minsan nang nawalan ng ningning ngunit patuloy pa ring kuminang sa tulong ng Diyos.