Tumandang Paurong Daw ang Mister na Noon ay Napakabait; Malalaman Niya ang Pinagkakaabalahan Nito

Sa edad na limampu’t apat, si Aling Edith at ang kaniyang mister na si Edwin ang magkaagapay sa kanilang buhay sa loob ng mahigit tatlong dekada na. Napagtapos na nila ng kolehiyo ang kanilang tatlong anak na mayroon na ring sari-sariling pamilya. Pakiramdam nila ay wala na silang dapat hintayin pa kundi ang matapos ang kanilang buhay na magkasama pa rin.

Marami rin namang naging pagsubok lalo na noong muntikan na sumama si Edith sa kaniyang naging kalaguyo noong mayroon na silang dalawang anak. Subalit sa kabila ng mga pagkukulang at kasalanan, nangibabaw pa rin ang pagpapatawad kaya nasundan pa ng isa ang kanilang mga anak. Masaya at payapa na habang pinapagmasdan nila ang kanilang mga apo na lumalaki at bumibisita sa kanila tuwing linggo.

Subalit isang araw bigla na lamang hindi umuwi ang kaniyang mister. Nanggaling ito sa kaarawan ng pinsan nito. Sasama sana siya ngunit masama ang kaniyang pakiramdam kaya naiwan na lamang siya sa bahay. Walang kakaba- kaba ang ale dahil alam niya kung gaano kabait ang kaniyang asawa. Naisip niyang baka napasarap ang inuman at nakatulog sa bahay ng kaniyang pinsan.

Naghintay pa siya hanggang magtanghali upang sabay na sana silang mananghalian. Ngunit ilang oras pa ay kumain na siya dahil gutom na siya. Inantay pa niya ito hanggang sa dumilim na naman. Wala ni anino ni Edwin ang kaniyang nakikita. Dito na niya tinawagan ang bahay na pinuntahan ni Edwin at napag-alaman niyang hindi naman daw pala iyon nagpunta doon.

Nagsimula nang mag-alala si Aling Edith sa kalagayan ng kaniyang mister. Kung ano-ano na ang naglalaro sa kaniyang isipan at kinakabahan na rin. Tinawagan niya ang lahat ng kaniyang mga anak ngunit bigo siyang malaman ang kinaroroonan ni Edwin. Pati mga kaibigan kasi nito ay hindi alam kung nasaan ito. 

Sa loob ng mahigit tatlong dekada ay ngayon lamang ito nangyari sa kanila. Sumagi rin sa kaniyang isip na nambababae ang mister kahit wala iyon sa ugali nito. Ngunit walang imposible sa panahon ngayon. Lalo siyang kinabahan at napraning kung nasaan ang mister.

Upang mabawasan ang kaba, nagpasiya si Aling Edith na mag-ayos na lamang ng mga halaman niya sa kanilang bakuran. Hindi na niya namalayan ang oras at ilang sandali lamang ay dumating na si Edwin. Mabilis siyang tumayo sa pagkakaupo at binato ng mga tanong ang asawa na para bang isang abogadong nagtatanong sa isang suspek. 

Sa kaniyang sunod-sunod na pagbubunganga sa asawa, nairita ang matandang lalaki at pinagtaasan din siya ng boses. Masama ba raw ang mapag-isa siya dahil sawa na siyang kasama ang misis. Dito natigilan at nanlumo ang misis. Hindi niya inaasahan na sasabihin iyon ng kaniyang asawa na mahigit tatlong dekada na niyang kasama. Wala siyang naisagot at tumalikod na lamang.

Advertisement

Ilang araw ang lumipas at palagi na lamang umaalis ng bahay si Edwin. Walang kaalam-alam ang kaniyang misis kung saan siya nagpupunta. Kahit na tanungin niya, hindi ito sumasagot. Hindi rin ito sumasabay kumain sa kaniya at natutulog ito sa kanilang sala. Pakiramdam ni Edith ay nawalan ng gana ang kaniyang asawa sa kanilang buhay. Ngunit kaniyang tanong ay bakit ngayon pa kung kailan puti na ang kanilang buhok at kulubot na ang kanilang balat?

Walang magawa si Edith kundi ang magpatuloy sa kaniyang buhay. Sa paggawa ng gawaing bahay, sa paghahalaman at pangangamusta sa kaniyang mga anak. Ngunit sa kaniyang kalooban ay may lungkot at puwang para sa kaniyang asawa na hindi na niya nakakausap kahit na nasa iisang bahay lamang sila. Ganito ata kapag tumanda na, nawawalan na ng saya.

Lumipas pa ang ilang mga araw, nanghina nang tuluyan si Edith at nagkaroon ng sakit. Nang malaman ito ni Edwin, binilhan agad siya ng gamot at inalagaan siya. Subalit pakiramdam pa rin ni Edith ay wala nang pagmamahal ang pag-aalaga nito. 

Hanggang isang araw ay hindi na napigilan ni Edith ang humagulgol sa harapan ng kaniyang asawa. Niyakap siya nang mahigpit ng kaniyang mister habang inaalo at pinapatahan siya sa pag-iyak. Niyaya ni Edwin ang misis sa labas dahil mayroon daw silang pupuntahan.

Nagulat si Edith nang makita ang pinagkakaabalahan pala ng kaniyang mister. Malapit nang matapos ang pinapagawa nitong nitso. Dalawa iyon na magkatabi na sabi ng mister ay para sa kanilang dalawa. 

¨Ito na lang ang kulang sa atin at sa oras na mawala tayo sa mundong ito, gusto kong magkatabi pa rin tayo habang namamahinga… Pasensiya na at naging sobrang abala ako sa pagpapagawa nito…¨ mahinahong wika ni Edwin sa kaniyang misis na naluluha. 

Naramdaman ni Edith ang pagmamahal na wagas ng kaniyang mister. Buti na lamang ay hanggang dulo pinanindigan nito ang pangako noong sila ay ikinasal.