Payapa ang Buhay ng Mag-asawa Nang Isang Pagkakamali ang Naganap; Dito na Kaya Matatapos ang Kanilang Relasyon?

Matapos ang isang taong pagsasama, agad na biniyayayaan ng isang magandang anak ang mag-asawang ito. Dahil sa pandemya, hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na ikasal pa at hanggang ngayon ay hindi pa nagaganap ang matagal nang ninanais ni Carmela. Para sa kaniya, ayaw na niyang maulit pa na makipaghiwalay ulit ito, at dahil hindi pa kasal ay wala siyang habol.

Isang mensahe mula sa ama ang nagbigay ng kasiyahan sa kaniya. Nagsabi kasi ito na uuwi ito sa bahay mismo ni Carmela upang magkita silang muli. Matapos kasing maghiwalay ng kaniyang mga magulang ay limang taon na niyang hindi nakasama o nakita man lang ang ama. Napagkasunduan din nila ni Lorenz na kaniyang asawa na pauwiin ang ama upang mapawi man lang ang lungkot nito dahil nito lang din yumao ang ama nito. Isa pa ay kasama rin nila sa bahay ang batang kapatid ni Lorenz kaya naman mas magiging masaya raw kung mas marami ang magiging tao sa bahay.

Dumating ang araw na pinakahihintay ni Carmela, ang pagdating ng kaniyang ama. Isang mahigpit na yakap ang isinalubong niya rito. Halos maluha-luha pa siya habang niyayapos ang amang nawalay sa kaniya nang matagal na panahon. Ngayong dalawampu’t limang taong gulang na siya, naiintindihan na niya kung bakit kailangang maghiwalay ng kaniyang mga magulang at wala siyang sinisisi sa mga ito.

Naaawa rin siya sa sinapit ng kaniyang ama. Sa kabila kasi ng pagiging matanda nito, kailangan niyang gumawa at magtinda ng basahan sa kalye upang matustusan ang sariling pagkain sa araw-araw. Mainam na rin na umuwi siya sa bahay nila Carmela upang siya na ang mag-alaga rito.

Simula nang umuwi ang kaniyang ama sa kanila, masayang sinasalubong ni Carmela ang bawat umaga. Kumpara noong wala ito, maaga siyang gumigising para magluto ng masarap na almusal, tanghalian, at hapunan ang bawat miyembro ng pamilya na nasa kanilang bahay. Ito na yata ang pinakamasasayang araw niya lalo ngayong pandemya at hindi siya nakakalabas ng bahay. Tuwang-tuwa rin kasi ang kaniyang ama sa anak niyang si Selena na isang taong gulang pa lamang. Subalit isang pagkakamali pala ang susunod na mangyayari. 

Isa sa problema ng kaniyang ama ay ang pagkawili nito sa alak. Isang gabi, nakiusap itong uminom ulit kahit na kaunti lamang. Dahil sa pangungulit nito, pinagbigyan ni Carmela sa kondisyon na kasama niyang iinom ito upang mabantayan niya kung gaano lamang karami ang iinumin. Masayang nagkwentuhan at nag-inuman ang mag-ama habang inaalala ang mga panahong bata pa sila Carmela at ang kaniyang tatlo pang magkakapatid.

Nang makita ni Carmela na lasing na ang ama, itinigil na niya ang pag-inom at natulog na nang mahimbing. Subalit sa kalagitnaan ng gabi, pumasok ang ama sa kwarto ng nakababatang kapatid ni Lorenz. Sa sobrang takot, tumakbo ang bata papunta sa silid kung nasaan natutulog si Carmela at si Lorenz.

Nang gabi ring iyon, nagsumbong ang bata sa kaniyang kuya na agad na nagwala at pinagsabihan ng masasakit na salita ang ama ni Carmela. Natapos lamang ang eksena sa pagitan nila nang pumunta ang kuya ni Carmela para sunduin ang kanilang ama na halos hindi na makatayo sa sobrang lasing.

Advertisement

Malapit lamang ang bahay nina Carmela at ng kuya niya. Ang akala niya’y tapos na ang lahat dahil kahit papaano ay wala na doon ang kaniyang ama sa loob ng bahay nila. Ngunit hindi pa pala tapos ang problemang ito kahit na humingi na ng paumanhin ang kaniyang ama.

Walang araw kasi na hindi nila pinag-aawayan ni Lorenz ang kaniyang ama. Gusto nitong pabalikin ni Carmela ang ama sa probinsya, kung saan hindi siya makikita nito. Subalit ayaw naman ng pamilya ni Carmela dahil matanda na nga ito at hindi na kaya pang magtrabaho o asikasuhin ang sarili.

Isang gabi, umuwing lasing na lasing si Lorenz. Nakita niya sa tapat ng bahay ng kaniyang kuya ang ama na siyang kinamumuhian niya. Nagwala ito at pinagtuturo ang bawat kapatid ni Carmela. Kasama na ang kaniyang ina at lalo na ang ama nila. Maraming masasakit na salita ang binitawan nito. Nadamay na pati ang madilim na nakaraan ni Carmela na ayaw na niyang balikan pa. Natapos ang pagwawala ni Lorenz nang pumasok sa loob ng kanilang bahay ang ina ni Carmela at pinagsisigawan din siya.

Hindi lubos maisip ni Carmela na kayang sabihin ito ng kaniyang mabuting asawa. Pakiramdam niya ay nagkamali siya sa pagpapauwi ng kaniyang ama. Walang mapaglagyan ang luha at lungkot na nadarama ni Carmela sa nangyayari. Pinapili siya ni Lorenz kung papaalisin ang ama o siya ang aalis sa kanilang bahay. Pakiramdam niya hindi naman dapat umabot pa sa ganito.

Subalit isang umaga, nabalitaan ni Carmela na umalis na ang kaniyang ama. Kahit na tahimik na at wala nang problema, tumimo pa rin sa puso’t isip niya ang mga masasakit na salita ng kaniyang asawa. Dahil dito, naging malamig ang pakikitungo ng dalawa sa isa’t isa.

Ilang buwan ang nakalipas, isang balita ang muling nagpaalala kay Carmela sa kaniyang ama. May malubhang sakit daw ito at may taning na ang buhay. Muli niyang pinakiusapan kay Lorenz na pabalikin ang ama upang makasama nila sa huling sandali nito. Subalit nanatiling matigas ang kalooban ni Lorenz at hindi pumayag. 

Habang lumilipas ang araw, palaging napapanaginipan ni Carmela ang kaniyang ama at ang alaala nilang dalawa. Noong siya ay walang matakbuhan, ito ang kaniyang naging sandigan at lakas. Nagpasiya si Carmela na iwan si Lorenz at pinabantayan muna ang anak sa kaniyang ina. Pumunta siya sa probinsya at siya mismo ang nag-alaga sa kaniyang ama na may sakit. 

Limang buwan ang nakalipas, tuluyan na ngang binawian ng buhay ang kaniyang ama. Sa loob ng limang buwan na iyon, ibinuhos niya ang pagmamahal sa kaniyang ama. Sa kabila ng mga pagkukulang nito, alam niyang naging mabuting ama pa rin ito sa kanila. Pagkatapos ilibing, muling bumalik si Carmela sa bahay nila kung saan naroon si Lorenz na naluluha nang siya ay makita.

Advertisement

Nag-iyakan ang dalawa at humingi ng tawad ang lalaki sa kaniyang asawa. Sa loob ng limang buwan, hindi nagparamdam si Carmela kay Lorenz. Ang problemang ito sana ay matatapos kung hindi pinairal ang galit sa puso. Pagpapatawad at pagpapakumbaba ang tanging susi sa pagbuo ng isang payapa at masayang pamilya.