Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Paningin ang Dalaga dahil sa Isang Aksidente; Kaibigan nga ba ang Babaeng Nakilala Niya sa Daan?

Nawalan ng Paningin ang Dalaga dahil sa Isang Aksidente; Kaibigan nga ba ang Babaeng Nakilala Niya sa Daan?

Nawalan ng paningin ang dalagang si Mafia dahil sa isang aksidenteng kaniyang naranasan, isang taon lang ang nakararaan. Maituturing na swerte pa nga siya sa kaniyang pagkabulag dahil ang nakatatanda niyang kapatid na kasama niya noon ay agad na binawian ng buhay nang hindi man lang nadadala sa ospital.

Araw ng pag-ani nila noon sa bagong biling lupang taniman ng kanilang mga magulang at dahil nga may kalayuan ito sa kanilang tahanan, nagyayaan silang dalawang magkapatid na magpunta roon gamit ang motorsiklo ng kanilang pamilya upang masiguro ang maayos na pagtatrabaho roon ng mga nakuha nilang magsasaka.

“O, mag-iingat kayo, ha? Hindi porque hindi umulan ngayong araw, ihaharurot niyo ang pagpapatakbo ng motorsiklo!” bilin ng kanilang ina.

“Opo, mama! Si Mafia naman ang magmamaneho, eh, paniguradong mas mabagal pa sa pagong ang takbo namin!” pilyong tugon ng kaniyang kapatid na ikinataas ng kilay niya.

“Huwag mo akong hinahamon, kuya, baka bigla ka na lang tumalsik d’yan kapag pinakitaan kita ng galing ko sa pagmamaneho!” sagot niya rito na ikinatawa nito.

“Huwag niyo nang pag-awayan ‘yan! Umuwi kayo kaagad, ha?” sabi pa ng kanilang ina saka na sila agad na pinaalis. Habang nasa daan, panay ang kwento sa kaniya ng kapatid tungkol sa pangarap nitong buhay. Pinapangaralan din siya nito tungkol sa pag-aasawa na ikinatatawa niya dahil wala pa iyon sa isip niya.

Kaya lang, sa gitna ng kanilang pagkukwentuhan, bigla na lang may sumulpot na humaharurot na kotse.

“Kuya! Yumakap ka sa akin!” sigaw niya sa kapatid, pilit man niyang iniwasan ang sasakyan, sila’y nabangga pa rin nito, “Ku-kuya?” huli niyang sabi, nakita niya pa ang mukha ng dalagang nakabangga sa kanila bago ito umalis saka siya tuluyang nawalan ng malay.

Nagising na lang siya sa ospital noon na wala nang makita kasabay ng mga balitang wala na ang kaniyang kapatid at sila’y tinakbuhan ng salarin. Sila muna no’n, kahit na wala siyang makita, araw-araw niyang kinukulit ang mga pulis upang pag-aralan at imbestigahan ang naturang aksidente.

“Kailan kaya mabibigyan ng hustisya ang pagkawala mo, kuya? Hayaan mo, kapag naging matagumpay ang operasyon ko sa isang linggo, hindi ako titigil na hanapin ang may gawa sa atin nito,” tanong niya sa hangin, isang hapon nang mapagpasiyahan niyang maglakad-lakad katuwang ng kaniyang baston.

“Teka, miss, huwag ka nang humakbang, mahuhulog ka!” sigaw ng hindi niya kilalang boses na ikinatigil niya, “Bulag ka ba? Hindi mo ba nakitang mahuhulog ka na sa imburnal?” tanong pa nito sa kaniya.

“Ah, oo, bulag nga ako,” sagot niya na ikinatahimik nito. “Bulag ka pala, bakit ka mag-isang naglalakad dito?” tanong nito sa kaniya.

“Wala lang, gusto ko lang makalanghap nang sariwang hangin para mabawasan ang bigat ng dibdib ko,” tugon niya.

“Ganoon ba? Sige, samahan kita sa paglalakad! Magpunta tayo roon sa tabing dagat! Napakaganda ng tanawin doon lalo na ngayong takip-silim!” yaya nito.

“Nagbibiro ka ba? Bulag nga ako, eh!” natatawa niyang sabi rito na ikinahagalpak ng tawa nito.

Habang naglalakad, sila’y walang sawang nagkwentuhan tungkol sa kanilang buhay. Nalaman niyang ang pangalan pala nito ay Reese, isang guro at kapalit nito, kinuwento niya rito kung bakit siya nabulag at sa unang pagkakataon, pagkalipas ng isang taon, bahagya siyang nakaramdam ng gaan at saya sa puso.

“Naku! Nakakabigat nga talaga ‘yan sa puso! Mabuti na lang nandito na tayo sa tabing dagat! May selpon ka ba riyan? Picture tayo!” sambit nito dahilan para iabot niya ang kaniyang selpon.

“Hindi na ako makapaghintay na makita ang itsura mo, Reese!” sabi niya rito.

“Sana, mapatawad mo ako,” sabi nito.

“Akin na nga ‘yan selpon ko! Baka nakawin mo pa!” biro niya rito na ikinatawa nilang dalawa.

Hanggang sa huling araw bago siya maoperahan, kasama niya sa paggagala-gala ang dalagang ito na tinuring na niyang matalik na kaibigan.

Pagkatapos na pagkatapos niyang maoperahan, agad siyang nakatanggap ng tawag na sumuko na sa kapulisan ang salarin sa pagkawala ng kaniyang kapatid.

“Diyos ko! Nakakasiguro po ba kayo?” mangiyakngiyak niyang sabi.

“Opo, ma’am, kami na pong bahala. Reese nga po pala ang pangalan niya at isang guro,” sagot ng pulis na talagang ikinatigil niya.

Doon niya agad na naisip na tingnan ang larawan nilang dalawa sa kaniyang selpon at nang makita niya ito, roon niya nga nakumpirmang ito ang nakasagasa sa kanilang magkapatid.

“Napangunahan daw siya ng kaba at takot nang mabangga kayo, ma’am. Inamin niya po ang lahat at handa niyang tanggapin ang lahat ng parusa,” dagdag pa nito dahilan para mabitawan niya ang selpon at maiyak nang husto. Muli sila nitong nagkita sa korte, nakangiti ito sa kaniya habang mangiyakngiyak.

“Patawarin mo ako, Mafia,” sabi nito sa kaniya.

Kahit pa naaawa siya sa dalagang naging kasangga niya sa loob ng ilang araw, hindi niya pa rin inurong ang kaso.

“Pasensya ka na rin, kailangan ng kuya ko ng hustisya,” hikbi niya na labis naman nitong naiintindihan.

May bigat man sa dibdib niya dahil nga tinuring niya na ring kaibigan ang dalaga, masaya siyang sa wakas, nakuha na niya ang hustisya ng kaniyang kapatid.

Advertisement