Itinago ng Ginang ang Batang Nagnakaw sa Tindahan; Ito ang Katumbas ng Kaniyang Ginawa
Nagtatatakbo ang batang si Josh pauwi sa kanilang bahay isang gabi nang makabangga niya ang kapitbahay na guro na si Norma.
“Bakit parang humahangos ka, Josh? May nangyari bang hindi maganda?” tanong ng ginang sa bata.
“W-wala naman po. Kailangan ko na pong umuwi sa amin,” nauutal na tugon naman ni Josh habang hindi alam ang kaniyang gagawin.
Hindi makatingin nang deretso itong si Josh kay Norma kaya alam ng ginang na mayroong tinatago ang bata.
Maya-maya ay may ilang taong tila may hinahanap.
“Sabihin mo sa akin ang totoo, Josh. May nangyari ba?” muling tanong ni Norma.
“Ma’am Norma, baka naman po p’wedeng itago n’yo ako. Natatakot po ako sa mga lalaking iyon kapag natagpuan nila ako,” pakiusap naman ng bata.
Hindi nagdalawang-isip si Norma na itago itong si Josh sa kaniyang bahay.
Nang makaalis na ang mga lalaki at kalmado na ang bata ay muling tinanong ito ni Norma.
“A-ano ba ang nangyari, Josh? Ikaw ba ang hinahanap ng mga ‘yun? Sandali lang, parang namumukhaan ko ‘yung isang binata. Hindi ba’t boy ‘yun sa grocery d’yan sa kanto?” saad pa ng ginang.
“O-opo, Ma’am Norma. K-kumuha po kasi ako ng noodles sa tindahan nila. H-hindi ko naman po gustong magnakaw talaga. Pero naaawa na po kasi ako kay lolo. May sakit na po siya at hindi nakakainom ng gamot. Tapos ay wala pa pong laman ang kaniyang sikmura. Nilalagnat po siya ngayon at nais ko po siyang paglutuan ng mainit sa sabaw,” umiiyak na paliwanag ni Josh.
“Tumahan ka na, Josh. Pakatandaan mo na kahit ano pa ang dahilan mo ay masama ang magnakaw. Bukas na bukas ay pupunta tayo sa doon sa tindahan at sasamahan kitang humingi ng tawad. Kilala ko ang may-ari no’n. Pakikiusapan ko siya na huwag nang lumaki pa ito. Heto ang tinapay, iuwi mo na ito nang sa gayon ay makakain kayo ng lolo mo,” saad pa ng ginang.
Umuwi si Josh nang gabing iyon na hindi alam ang nararamdaman. Alam niyang mali ang kaniyang ginawa ngunit hindi niya rin kasi matiis ang kaniyang lolo.
Kinabukasan ay pinuntahan ni Norma itong si Josh sa bahay nito.
“Hindi ba’t may usapan tayo? Tara na at pupunta tayo sa tindahan sa may kanto at sasamahan kitang aminin ang iyong ginawa,” saad ng ginang.
Nahihiya si Josh at ayaw na sana niyang sumama ngunit nangako siya sa guro.
Pagdating sa tindahan ay agad na humingi ng paumanhin itong si Josh sa may-ari at nangako rin na hindi na ito mauulit. Nagulat ang bata nang bayaran ni Norma ang inumit niyang noodles noong isang gabi.
“Maraming salamat po, Ma’am Norma. Pasensya na rin po kayo at nakaabala pa ako,” saad pa ni Josh.
Naaawa talaga si Norma sa kalagayan ng batang kapitbahay. Kaya minsan ay dinadalhan din niya ito ng makakain. Dalawa lamang naman silang mag-asawa sa bahay at wala silang anak.
Lumipas ang mga araw at nasawi na nang tuluyan ang lolo ni Josh. Umalis na rin si Josh sa kanilang lugar. Ang balita ni Norma ay kinuha ito ng kaniyang tiyahin at dinala lamang sa bahay-ampunan.
“Kung alam ko lang na ipapaampon lang din naman si Josh ay ako na lang sana ang umampon,” saad ni Norma sa asawa.
“Hindi natin responsibilidad ang batang iyon, at sa ganitong edad natin ay hindi na tayo nag-aalaga pa dapat ng bata!” sambit naman ng mister.
Sa paglipas ng panahon ay tuluyan nang nawalan ng balita si Norma kay Josh.
Dumaan pa ang mga taon at nawala na rin ang asawa ni Norma hanggang sa nagretiro na rin siya sa pagiging guro. Dahil nga walang ipon at puno ng utang ay hindi na nakakabayad pa ng bahay ang matanda.
Isang araw ay labis ang pagmamakaawa ni Aling Norma sa kaniyang kasera upang hindi siya paalisin sa tinutuluyang bahay.
“Tatlong libo na nga lang ang upa mo ay hindi mo pa mabayaran! Wala akong pakialam kung dati kang guro! May karapatan akong paalisin ka dahil pagmamay-ari ko ang bahay na iyan at negosyo ko ‘yan!” saad ng kasera.
“Kahit lang palugit na lang. Hindi ko naman hinihingi na huwag mo akong pagbayarin. Magbabayad naman ako. Hinihintay ko lang ang pensyon ko!” pagtangis ni Norma.
“Ilang buwan mo na ‘yang sinasabi ngunit hindi ka pa rin nagbabayad! Hindi ako nagpapatira nang libre sa apartment ko. Kung wala kang ibabayad ngayon ay umalis ka na!” saad pa ng babae.
Lumuluha si Aling Norma pabalik sa loob ng bahay. Sa pagkakataong ito ay wala na siyang magagawa kung hindi lisanin ang lugar na iyon.
Bitbit ang kaniyang mga gamit ay malungkot na umalis si Norma sa kaniyang tinutuluyan. Inabot na siya ng gabi kakahanap ng matutuluyan kaya nagpasya siyang matulog na lamang sa may bangketa. Hindi niya akalain na isang araw ay aabot siya sa ganitong kalagayan. Hindi tuloy maiwasan ni Norma ang maiyak.
Matutulog na sana siya nang isang lalaki ang napansin niyang nakatayo sa kaniyang paanan. Umupo ito upang makausap siya.
“Dito ko lang po pala kayo matatagpuan. Kanina ko pa po kayo hinahanap, Ma’am Norma,” saad ng binata.
Pilit na inaaninag ng matandang guro ang mukha ng binata.
“Hindi n’yo na po ba ako natatandaan? Ako po ito, si Josh,” saad ng binata.
Gulat na gulat si Norma. Malaki na kasi ang pinagbago ni Josh.
“A-ano na ang nangyari sa iyo, Josh? Matagal na akong walang balita sa’yo! Ano na ang lagay mo ngayon?” tanong ni Norma.
“Ilang taon din po akong nasa bahay-ampunan. Noong una ay galit na galit ako sa tiyahin ko dahil hindi man lang niya ako inaruga. Pero may mag-asawa pong umampon sa akin. Dinala po nila ako sa ibang bansa. Tinuring po nila akong tunay na anak. Ngayon ay nakapagtapos na po ako ng pag-aaral at isang ganap na pong inhinyero sa ibang bansa,” pahayag pa ni Josh.
Masayang-masaya si Norma sa kinahantungan ng buhay ng dating kapitbahay.
“Mabuti ka pa. Ako, heto, naubos kasi ang lahat ng pensyon ko sa pagpapagamot sa asawa ko. Nabaon ako sa utang. Ngayon ay pinalayas na ako sa tinitirhan namin,” dagdag pa ng matanda.
“Huwag na po kayong mag-alala. Kaya nga po hinanap ko talaga kayo. Nabalitaan ko po kasi ang kalagayan niyo. Ngayong ako naman po ang mayroon sa buhay, nais ko pong ako naman ang tumulong sa inyo,” saad ni Josh.
Pumatak ang mga luha ni Norma habang nakatitig sa binata.
“Tara na po, Ma’am Norma. Iuuwi ko muna kayo sa tinutuluyan kong bahay. Bukas po ay hahanap tayo ng matutuluyan n’yo. Ako na rin po ang bahalang magbayad ng apartment. Saka magpapadala rin po ako ng panggastos ninyo para hindi na kayo mahirapan pa,” wika muli ng binata.
“B-bakit mo ito ginagawa, Josh? Sobra-sobra ito!” saad pa ng guro.
“Dahil kayo lang po ang naroon nang mga panahon na kailangan ko ng tulong. Hindi n’yo rin po kami pinabayaan ng lolo ko. Kahit kailan ay hindi ko malilimutan ang gabing itinago ninyo ako dahil takot na takot ako na mahuli ako ng mga lalaki. At kahit itinago ninyo ako ay hindi n’yo hinayaang manatili ang pagkakamaling ginawa ko. Tinuruan n’yo po ako na gumawa ng tama. Nais ko lang pong ibalik ang kabutihan ninyo,” saad pa ni Josh.
Hindi maiwasan ni Norma na mapayakap sa binata. Ang buong akala niya ay wala nang pag-asa pang makaahon siya sa kinakaharap na problema.
Tinupad ni Josh ang pangako niya kay Norma. Iniupa niya ito ng bahay at buwan-buwan siyang nagpapadala ng pera para may panggastos ito. Hindi niya pinabayaan ang matanda hanggang sa dumating ang oras na kunin na rin ito ng Panginoon.
Talagang umiikot lang buhay. Ang mahalaga ay marunong tayong lumingon sa mga taong tumulong sa atin sa panahon na tayo ang nangangailangan.