Inday TrendingInday Trending
Panay ang Hingi ng Karton ng Magkapatid sa Isang Grocery; Ito Pala ang Magdadala sa Kanila sa Magandang Buhay

Panay ang Hingi ng Karton ng Magkapatid sa Isang Grocery; Ito Pala ang Magdadala sa Kanila sa Magandang Buhay

Pabalik-balik sa isang grocery store ang mga batang sina Jekjek at Nini. Palingon-lingon at tila naghahanap ng tiyempo nang makita sila ng tindera.

“A-ano ba ang kailangan n’yo at kanina pa kayo riyan? May bibilhin ba kayo?” tanong ng tinderang si Elsa.

“Kuya Jekjek, ikaw na ang magsabi sa kaniya!” sambit naman ni Nini.

“A, ate, b-baka p’wede pong makahingi kami ng karton. Nakita po kasi namin ang dami sa may labas. Nagbabakasakali lang po,” pakiusap naman ni Jekjek.

“Ay, naku, hindi namin ipinamimigay ang mga ‘yan? Ginagamit namin ‘yan kapag may bumili ng marami dito sa grocery at gusto ipakahon. Ibang klase rin kayo, ano? Hihingin n’yo rito tapos ay ibebenta n’yo? Sa iba na lang kayo manghingi at baka mapagalitan pa ako!” saad naman ng tindera.

“Sige na po, ate, kailangan lang po talaga namin. Kahit dalawa lang po!” dagdag naman ni Nini.

“Talagang dalawa pa ang hinihingi n’yo? Palibhasa ay nakita n’yong malalaki at magaganda ang mga karton namin! Hindi maaari! Hindi ko kayo p’wedeng bigyan dahil para lang ‘yan sa mga mga taong marami ang pinamili dito sa grocery store. Kung gusto n’yo ng kahon ay bilhin n’yo! Saka kapag binigyan ko kayo ng isang beses ay araw-araw na kayong pupunta rito. Baka mamaya ay magtawag pa kayo ng ibang batang manghihingi rin! Sa basurahan maraming kahon! Doon na lang kayo humanap! Alis na kayo at nakakaabala kayo sa mga mamimili!” naiinis na saad pa ni Elsa.

Dismayadong umalis ang magkapatid.

“S-sabi ko sa’yo, masungit ang babaeng iyon! Dapat ay hindi na tayo do’n nanghingi,” saad ni Nini sa kaniyang kuya.

“Malay ko bang gano’n pala siyang magsalita? Malalaki kasi ang mga karton nila kaya naisipan kong doon tayo manghingi. Tara at maghanap na lang tayo sa iba,” wika naman ni Jekjek.

Maghapon na nasa lansangan ang magkapatid na Jekjek at Nini. Imbes na nasa eskwelahan ay naghahanap sila ng mga kalakal upang may pambili ng pagkain.

Buong araw na naghanap ng maayos na karton ang magkapatid ngunit wala silang nakita.

Kinagabihan ay binuksan ni Jekjek ang kaniyang alkansya. May naipon na pala siyang sampung piso.

Kinabukasan, kasama ang kapatid ay nagtungo muli si Jekjek sa naturang tindahan. Sinalubong ng mataray na tindera ang magkapatid.

“At bakit na naman kayo narito? Ano na naman ang gusto n’yo?” saad ni Elsa.

“Ate, may sampung piso po kasi kami. Baka p’wedeng pabili na po ng karton,” tugon ni Jekjek.

“Kinse ang isa! Kulang ang pera mo! P’wede kitang bigyan ng karton sa halagang sampung piso pero isa lang at maliit!” sambit pa ng tindera.

“I-ito lang po kasi talaga ang pera namin. Baka naman, ate, p’wede na po na dalawang malaki. Parang awa n’yo na po!” pakiusap muli ng batang lalaki.

Ngunit hindi pumayag ang tindera.

“Umalis na kayo at narito ang amo ko! Hindi ko alam ang magagawa ko sa inyo kapag napagalitan ako nang dahil lang sa inyo. Bilis na! Umalis na kayo at wala kayong mapapala dito! Nakakaistorbo kayo!” bulyaw ni Elsa.

Napansin ng may-ari na si Amanda na may pinagagalitan ang kaniyang tindera.

“Ano ang nangyayari rito? Bakit mo pinagagalitan ang dalawang batang ‘yan?” pagtataka ng amo.

“Pabalik-balik kasi ang dalawang ‘yan rito, ma’am. Nanghihingi lagi ng kahon. Malamang ko ay ikakalakal nila. Ang kukulit! Sinabi ko na ngang hindi tayo namimigay dahil ginagamit natin ang mga kahon para ipambalot ng mga pinamili ng mga mamimili pero pabalik-balik pa rin sila!” paliwanag ni Elsa.

“Pasensya na po kayo, ale, kung makulit kami. Dito lang po kasi mayroong malinis, makapal, at malaking karton. Hindi po namin nais na makaabala,” saad ni Jekjek.

“Binabayan naman po namin ng sampung piso ‘yung karton. Wala na nga kaming pera, e. Ayaw pang ibigay ng babaeng mataray na ‘yan! Hindi naman sa kaniya itong grocery!” saad naman ni Nini.

“Huwag kang magsalita nang ganiyan, Nini, at nakikiusap lang tayo. Humingi ka ng tawad sa tindera. Masama ‘yang nagsasabi ka nang hindi maganda sa ibang tao,” wika ng nakakatandang kapatid.

Agad namang humingi ng paumanhin itong si Nini kay Elsa.

“Ilang kahon ba ang kailangan n’yo, mga bata? Sige na at kumuha na kayo sa labas. Siguraduhin n’yo lang na hindi masasayang, a!” wika ni Amanda sa dalawang bata.

Masayang masaya sina Nini at Jekjek. Halos maluha pa nga itong si Jekjek sa sobrang saya.

“Maraming salamat po, ginang! Hindi n’yo lang po alam kung gaano n’yo po kami napasaya. Maraming maraming salamat po talaga!” halos hindi matapos ang pagpapasalamat ni Jekjek sa may-ari ng grocery.

Takang-taka naman ang ginang kung bakit ganito na lang ang naging reaksyon ng mga bata.

Pagsapit ng gabi, habang sakay ng kotse si Amanda ay napansin niya ang magkapatid na naglalakad pauwi. Masaya ang dalawa habang bitbit ang mga karton na kaniyang binigay mula sa kaniyang grocery store.

Hindi niya maiwasan na mapaisip kung ano ba talaga ang gagawin ng mga ito sa mga naturang karton. Kaya naisipan niyang sundan ang dalawang bata.

Napadpad siya sa isang lugar malapit sa basurahan at sa estero. Pumasok ang dalawang bata sa isang barung-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping lona at plastik.

Sinilip ni Amanda ang dalawang bata.

“Nanay, narito na po kami. Tingnan n’yo po ang dala namin ni Nini. May isang mabait na ginang po ang nagbigay sa amin ng karton na ito. Sa wakas ay mapapalitan na po namin ang higaan n’yo!” masayang sambit ni Jekjek.

Tumambad kay Amanda kung paano asikasuhin ng dalawang bata ang kanilang may sakit na ina. Nang hindi na nakapagpigil ang ginang ay nagpakita na siya sa magkapatid.

“Pasensya na kayo at sinundan ko kayo rito. Nagtataka kasi ako talaga kung ano ang gagawin ninyong dalawa sa mga karton na ‘yan. Hindi ko naman akalain na ipansasapin n’yo pala sa ina niyong may sakit. A-ano ba ang sakit niya?” tanong ni Amanda.

“Mahina po ang baga at mababa po ang dugo ng nanay namin. Hindi naman po namin siya maipasuri sa doktor dahil wala po kaming pera. Minsan na rin po kaming humingi ng tulong sa center pero lagi pong walang doktor. Saka isa pa po, kahit maipagamot po namin siya ay hindi sasapat ang kinikita namin ni Nini sa pangangalakal para sa gamot. Pangkain lang po sa araw-araw ay kapos kami. Maswerte na po kung makakain sa isang beses isang araw,” dagdag pa ni Jekjek.

Awang-awa itong si Amanda sa kalagayan ng magkapatid. Ngunit humanga rin siya sa mga ito. Napakababaw ng kanilang kaligayahan. Ang nais lang nila ay mapalitan ng maayos na karton ang higaan ng kanilang inang may sakit.

Dahil nahahabag itong si Amanda sa kalagayan ng mag-iina ay nagpasya siyang tulungan ang mga ito.

“Ako na ang magpapagamot sa nanay ninyo. Tutulungan ko rin kayong magkapatid para hindi na kayo pagala-gala sa lansangan para mangalakal. Kakausapin ko ang ilang kaibigan kong nais ding tumulong nang sa gayon ay maialis kayo sa lugar na ito,” saad pa ni Amanda.

Tinupad ni Amanda ang kaniyang pangako. Ipinagamot niya ang ang ginang at pinag-aral naman ang magkapatid. Nagbigay rin ng tulong ang ilang kaibigan ni Amanda nang sa gayon ay pansamantalang maialis sa may estero ang mag-iina.

Nang tuluyang gumaling ang ina ng magkakapatid ay nagtrabaho ito bilang kahera sa grocery store ni Amanda. Mula noon ay naging maayos na ang pamumuhay ng mag-iina. Hindi na sila nagigipit pa tulad ng dati.

Higit pa ay hindi na kailangan pang lumaboy sa lansangan ng magkapatid para lang manguha ng kalakal. Sino nga naman ang mag-aakala na ang paghingi ng karton ng dalawang bata ay magpapabago nang husto sa kanilang buhay?

Advertisement