Sinubukang Takutin ng Estudyanteng Ito ang Kaeskuwelang Nagtitinda ng Kwek-Kwek Pagkatapos ng Klase; Pagsisisihan Niya pala ang Gagawing Iyon
“P’re, nakita mo si Joshua?” ngingisi-ngising tanong sa kaniya ng kabarkada niyang si Cody kay Nikolai habang nagsusukbit sila ng bag. Katatapos lamang ng kanilang klase at ngayon ay oras na ng uwian.
“Hindi, e, bakit?” tanong naman ng nagtatakang si Nikolai.
“Ako nakita ko, e. Hayun at tumakbo na sa labas ng campus para makipagreliyebo sa kuya niyang tindero ng kwek-kwek,” natatawa pang sagot naman sa kaniya ni Cody.
Natawa rin naman si Nikolai sa narinig. “Hindi kaya siya nahihiya sa ginagawa niya?” iiling-iling pang tanong niya rito.
“Ewan ko roon. Ang sarap ngang pag-trip-an, e. Kaso, sabi ng ate ko, instructor daw ang kuya n’on dati sa Karate Club bago ’yon naaksidente,” pag-iimporma naman ni Cody sa kaniya.
“Sus, patpatin naman ’yon!” Umiral na naman ang kayabangan ni Nikolai. Palibhasa kasi ay isa siya sa kinatatakutang ‘siga’ sa kanilang campus kaya naman tila nasasaktan ang kaniyang kaakuhan o ‘ego’ sa tuwing makadirinig siya na may ibang taong kinatatakutan ang mga kaeskuwela.
“Magaling daw talaga ang kuya n’on dati, p’re, kaya hindi na ako magtataka kung pati si Joshua ay ganoon din,” ngunit muli ay giit ni Cody sa kaniya.
“Kayang-kaya ko ’yon! Gusto mo ngayon, paglabas natin, takutin ko siya, e,” pagyayabang pang muli ni Nikolai bago inginuso ang direksyon ng palabas sa kanilang eskuwelahan kung saan nagtitinda na ngayon ng kwek-kwek si Joshua.
“Talaga, p’re? Kaya mo?” Tila hangang-hanga naman sa kaniya ang kabarkada. “Sige nga, tara!” Pagkatapos ay buong kasabikan siya nitong hinila palabas ng eskuwelahan nila.
Nang makarating na sila sa tapat ng cart nina Joshua ay tumikhim muna si Nikolai upang kunin ang atensyon nito. Pagkatapos ay maangas siyang nagsalita…
“Bigyan mo nga ako ng tatlo, payatot,” aniya kay Joshua na sandaling natigilan sa narinig na sinabi niya. Ngunit maya-maya pa ay mas pinili nitong palampasin na lang iyon at nagsimula na itong ipagtuhog siya.
“Heto, oh, trenta pesos lahat,” sabi naman nito sa kaniya habang iniaabot ang binili niyang kwek-kwek.
“Anong trenta?” Inagaw ni Nikolai sa kamay ni Joshua ang kwek-kwek na tinda nito. “Hindi ba at ‘pahingi’ ang sabi ko sa ’yo at hindi pabili?” ngingisi-ngisi pang sagot niya sabay kagat sa mga kwek-kwek na inagaw niya sa kaeskuwela.
“Huwag ka namang ganiyan, Nikolai, Naghahanap-buhay ako nang maayos dito kaya magbayad ka rin nang maayos,” sagot naman nito sa kaniya.
“E kung ayoko?” Maangas niya pang itinapat ang sariling mukha sa mukha ng kausap.
“Madaan ka sa pakiusap, Nikolai, dahil ayaw kong mapikon. Masama akong mapikon,” tila nagbabanta namang tugon sa kaniya ni Joshua na ni kaunting takot ay hindi kababakasan ang mukha.
Dahil doon ay tila lalong naengganyo si Nikolai na pag-trip-an ang kaeskuwela. Gusto niya kasing patunayan dito na mas malakas siya at mas maangas kaysa sa kahit na sino, kaya naman ang ginawa niya ay tinadyakan niya ang cart ng mga paninda nito na naging dahilan upang tumilapon ang lahat ng pagkaing itinitinda nito!
“Ano bang problema mo?!” galit na bulalas sa kaniya ni Joshua. Kitang-kita niya sa mukha nito ang unti-unting pagrehistro ng galit habang pinagmamasdan nito ang kaniyang tumilapong mga paninda. “Pambili ni nanay ng gamot ang kikitain ko d’yan, ’tapos itinapon mo lang?!” galit pang hiyaw nito na nagpasinghap sa mga nakakita ng pangyayari.
Matapos iyon ay naging napakabilis ng mga sumunod na sandali. Namalayan na lang ng mayabang na si Nikolai na nakabulagta na siya sa kalsada at dumudugo ang ilong dahil sa suntok ni Joshua! Noon din ay dumating ang mga guwardiya ng kanilang eskuwelahan at inawat ang pag-aaway nila.
Matapos silang dalhin ng mga ito sa klinika ay diniretso sila sa guidance office upang doon ay hintayin na lang ang kanilang mga magulang. Naroon din ang mga witness na siyang nakakita sa buong pangyayari kaya naman sigurado si Nikolai na madidiin siya rito.
Galit na galit tuloy ang kaniyang mga magulang dahil ngayon ay kailangan pa tuloy nilang bayaran ang hanapbuhay ni Joshua na sinira niya, bukod pa sa katotohanang napahiya siya sa harap ng mga tao matapos niyang tumaob sa isang suntok pa lang nito. Pahiyang-pahiya si Nikolai sa kaniyang nagawa. Kung may maganda mang naidulot ang pangyayaring ’yon sa kaniya, ’yon ay ang natauhan siyang hindi pala madali ang ginagawa ni Joshua para sa pamilya kaya naman hindi rin dapat ito minamaliit. Dahil doon ay sinserong humingi siya ng tawad sa kaeskuwela, ganoon din sa kaniyang mga magulang at nangakong hindi na uulit pa.