Inday TrendingInday Trending
Naging Napakasama ng Babae sa Naging Ikalawang Pamilya ng Kaniyang Ama; Ngunit sa Oras ng Pangangailangan ay Sila pala ang Maaasahan Niya

Naging Napakasama ng Babae sa Naging Ikalawang Pamilya ng Kaniyang Ama; Ngunit sa Oras ng Pangangailangan ay Sila pala ang Maaasahan Niya

“Malapit nang bumagsak ang kompaniya mo, Jamie, pride pa rin ba ang paiiralin mo?” puno ng prustrasyong anas ng matalik niyang kaibigang si Hailey kay Jamie na siya rin niyang kasosyo sa itinayo niyang negosyo.

“E, ano’ng gusto mong gawin ko, Hailey? Basta na lang sumulpot doon at hingin ang pera ni papa, pagkatapos ko silang api-apihin noong nasa rurok pa ako ng tagumpay ko? No way!” tugon naman niya na napapasapo pa sa kaniyang noo habang inaalala ang lahat ng kasamaang ginawa niya sa ikalawang pamilya ng kaniyang ama, lalo na nang yumao na rin ito.

Malaki kasi ang galit niya sa mga ito dahil buhat nang mawala ang kaniyang ina noong musmos pa lang siya ay tila nawalan na rin siya ng ama. Nakakilala kasi ito ng panibagong pag-ibig at bumuo ng ikalawang pamilya, gayong naiwan naman siyang mag-isa, kasama ng kanilang mga katulong at ng kayamanang ipinamana sa kaniya ng kaniyang yumaong ina.

Dahil doon, lahat na yata ng klase ng pang-aapi ay ginawa niya sa mga ito. Animo nga siya kontrabida sa mga soap opera dahil sa ginagawa niya sa mga ito noon, na kailan man ay hindi naman nila ginawang patulan. Kahit papaano, tinitingnan pa rin ng kaniyang mga kapatid sa ama ang katotohanang siya pa rin ang panganay nilang kapatid at dapat nila siyang igalang.

“Aba’y sino ba ang may kasalanan, Jamie? ’Di ba, ikaw naman? Wala namang kasalanan sa ’yo ang mga kapatid mo pero idinamay mo sila sa galit mo sa papa n’yo. ’Tapos ngayon mahihiya kang lumapit sa kanila?” pangangaral naman ni Hailey sa kaniya. “Alam mo, best friend kita, e… pero kahit kailan ay hindi ako naging sang-ayon sa ginagawa mo sa kanila, Jamie. Alam mo kung bakit? Kasi hindi ka naman ganoon, e. Hindi ikaw ’yon kundi ang selos at inggit na nararamdaman mo dahil akala mo’y inagawan ka gayong ikaw naman ang kusang naglayo ng sarili mo sa kanila,” dagdag pa nito na nagpatahimik naman kay Jamie.

Alam naman niyang tama ang lahat ng sinabi ng kaniyang kaibigan, ngunit hindi niya pa rin maiwasang matakot sa magiging resulta kung sakaling lalapit nga siya sa mga ito para hiramin ang pera ng kaniyang yumao na ring ama. Iyon lang kasi ang magsasalba sa ngayon ay palugi na niyang kompaniya.

Nauunahan siya ng takot at ganoon din ng hiya. Sa totoo lang ay matagal na rin naman siyang tumigil sa ginagawang pang-aapi sa kanila, ngunit nananatili pa ring sariwa sa mga ala-ala niya ang ginawa niya sa mga ito. Iyon ang pumipigil sa kaniya na makipag-ayos sa kaniyang mga kapatid.

Ngunit sa pagitan ng pag-iisip na ’yon ni Jamie, hindi niya inaasahan na isa sa mga sumunod na araw ay bigla na lang lalapit sa kaniya ang panganay ng kaniyang ama sa ikalawa nitong pamilya…

“Nabalitaan ko ang nangyayari sa kompaniya mo, ate. Hindi ako nandito para pagtawanan ka, bagkus ay para alukin ka kung gusto mo bang hiramin ang pera ng papa. Ate, hindi lang naman ’yon para sa amin. Para sa ’yo rin ’yon kaya sana—”

Hindi napigilan ni Jamie ang emosyon niya hindi pa man tapos magsalita ang kapatid. Bigla niya itong nayakap nang mahigpit hanggang sa namalayan niya na lang na umiiyak na siya sa bisig nito. “Sorry, Nico. Sorry sa lahat ng ginawa ko sa inyo!” aniya pa rito at naramdaman niya na lang na hinahaplos na ng kapatid ang kaniyang buhok.

“Matagal ka na naming napatawad, ate. At sa maniwala ka’t sa hindi ay naiintindihan namin ang pinanggagalingan mo kaya naman kahit kailan ay hindi kami nagtanim ng galit sa ’yo,” sagot pa nito.

Doon ay napagtanto ni Jamie na matagal na pala niyang pinaparusahan ang sarili. Siya ang nang-aapi ngunit sarili lang pala niya ang inilulugmok niya malalim na bangin ng galit at pag-iimbot, at ngayon lang niya nagawang umahon, dahil sa tulong ng kaniyang mga kapatid. Hindi niya akalain na sa oras pala ng pangangailangan ay magiging sandigan niya kung sino pa ang mga taong ginawan niya ng masama noon!

Dahil doon ay nangako si Jamie sa sarili na simula ngayon ay babawi siya sa kanila. Simula ngayon ay ipadarama niya ang pagmamahal ng isang ‘ate’ sa kaniyang minamahal na mga kapatid.

Advertisement