Basta na Lang Iniwan ng Ina ang Anak sa Kaibigan; Sa Kaniyang Pagbabalik ay Hindi na Siya Tatanggapin ng Anak
“Roselle! Roselle! Nandiyan ka ba?” paulit-ulit na tawag ng kaibigang si Katya sa dalaga habang panay ang katok sa pintuan ng bahay nito isang hatinggabi.
“Roselle! Roselle!” muling tawag ng dalaga hanggang sa tuluyan na siyang pinagbuksan ng kaibigan.
“O, Katya, ikaw pala? Hatinggabi na, a! A-anong ginagawa mo rito, dala mo pa ‘yang inaanak ko?” pagtataka ni Roselle habang pupungas-pungas pa dahil kakabangon lang mula sa mahimbing na pagtulog.
“Roselle, may kailangan kasi akong gawin. Kailangan kong lumuwas ngayon ng Maynila. Wala naman akong mapag-iiwanan nitong anak ko. P’wede bang ikaw na muna ang bahala sa kaniya? Sa makalawa ay babalik din ako, may mahalagang bagay lang akong kailangang asikasuhin. Ito ang mga gamit nitong si Jessa. Ikaw na muna ang bahala sa kaniya, a. Kung may mga gagastusin ka ay babayaran ko na lang sa iyo pagbalik ko,” nagmamadaling wika pa ni Katya.
Nagugulumihanan man ay wala nang nagawa pa si Roselle kung hindi tanggapin ang umiiyak na inaanak.
“Huwag ka nang mag-alala. Ako na muna ang bahala sa iyo, Jessa. Tara na sa loob at magpahinga ka na rin,” saad pa ni Roselle.
Kinabukasan ay hindi pa rin matigil sa kakaiyak ang batang si Jessa. Nais na kasi nitong makasama ang ina.
“Huwag kang mag-aalala, nangako ang nanay mo na babalik din siya kaagad, ‘di ba? Hindi ka matitiis no’n. Bukas lang ay narito na siya. May kailangan lang siyang asikasuhin sa Maynila,” paliwanag ng dalaga sa inaanak.
Ngunit kinabukasan ay hindi man lamang nagpakita o nagparamdam si Katya sa kaibigan. Makailangang ulit nang tinawagan ni Roselle ang kaibigan ngunit hindi na ito makontak. Labis na nag-aalala ang dalaga, lalo na at patuloy pa rin sa pag-iyak ang kaniyang inaanak.
“Hindi pa rin sumasagot ang nanay mo, e. Siguro ay bukas pa ‘yun makakauwi rito. Alam ko na, para hindi ka na malungkot ay sumama ka na lang sa akin sa bayan. Gusto mo bang bilhan kita ng mga kendi at laruan?” saad pa ng dalaga.
Mabuti at napatahan na rin ni Roselle si Jessa, ngunit patuloy pa rin ang pagtatanong ng bata kung kailan siya kukunin ng kaniyang ina.
Lumipas ang dalawang linggo at hindi pa rin nagpapakita maski ang anino ni Katya. Hindi na tuloy alam ni Roselle ang kaniyang gagawin. Kaya naman nagtanong siya sa ilang kaanak o kakilala ni Katya kung saan ito matatagpuan sa Maynila.
Lumuwas pa-Maynila si Roselle kasama si Jessa upang hagilapin si Katya. Hindi naging madali ang paghahanap para sa dalawa. Sa katunayan ay maggagabi na nang matagpuan nila ang tinutuluyan ng dalaga.
Nagulat si Roselle nang makita si Katya na may ibang lalaking kinakasama at kasama pa nito ang ilang bata. Ngunit lalong nagulat si Katya nang makita niya ang kaibigan na nasa kanyang harapan, kasama pa ang kaniyang anak na si Jessa.
“A-anong ginagawa n’yo rito? Umalis na kayo at hindi kayo p’wedeng makita ng asawa ko rito!” kinakabahang sambit ni Katya.
“A-asawa? A-anong gagawin ko sa anak mo, Katya? Nag-asawa ka rito sa Maynila tapos ay iniwan mo sa akin ang anak mo? Nag-aalaga ka ng ibang bata pero sarili mong anak ay hindi mo man lang maalagaan? Anong klase kang ina?” galit na sambit ni Roselle.
“Wala na akong pakialam sa batang iyan. Gawa lang naman siya ng pagkakamali ko noon. Ikaw na ang bahala sa kaniya. Ipaampon, ipamigay, ilagay mo sa bahay-ampunan! Wala na akong pakialam. Umalis na kayo at baka kung ano pang gawin sa inyo ni Roger!” dagdag pa ni Katya.
Maya-maya ay sumigaw mula sa loob ng bahay ang mister ni Katya.
“Sino ang kinakausap mo riyan, Katya? Bakit ang tagal mo d’yan sa labas?” bulyaw ng lalaki.
“A, mag-ina lang na nagtatanong ng daan. Papasok na rin ako!” tugon ng ina ni Jessa.
“Umalis na kayo! Iba na ang buhay ko! Huwag na kayong manggulo!” wika pa nito sabay pasok sa bahay.
Umiiyak si Jessa dahil binalewala siya ng sariling ina. Awang-awa naman si Roselle sa kaniyang inaanak. Tanging galit lamang ang nararamdaman ng dalaga para sa kaniyang kaibigan.
Umuwi ng probinsya ang dalawa. Habang sakay ng bus ay wala pa ring tigil sa pag-iyak itong si Jessa. Patuloy naman sa pag-iisip si Roselle kung ano ang gagawin sa bata.
“Ninang, ipamimigay mo ba ako? Ipapaampon mo ba ako o ‘di naman kaya ay ilalagay sa bahay-ampunan?” pagtangis ng inaanak.
“H-hindi, Jessa. Bakit ko naman gagawin ‘yun?” tugon naman ni Roselle.
“Ayaw na po sa akin ng nanay ko. Wala na po akong matatawag na pamilya. Ang sakit sakit po, ninang. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw sa akin ni nanay!” patuloy sa pagngawa ang bata.
“Huwag kang mag-alala, Jessa, hindi kita ipamimigay sa iba. Ako ang mag-aalaga sa iyo. Pangako ko sa iyo na mamahalin kita at aalagaan,” saad pa ng dalaga.
Bigla na lang nagkaroon ng responsibilidad si Roselle. Mula noon ay kinupkop na niya si Jessa at itinuring na tunay na anak. Siya na rin ang gumawa ng paraan upang makapag-aral ang bata.
Sa paglaki ni Jessa ay napansin ni Roselle na mahilig ito sa pag-awit.
“Anak, napakaganda ng boses mo! Bakit hindi ka sumali sa mga patimpalak sa eskwela?” tanong ni Roselle sa bata.
“Nahihiya po ako, Nanay Roselle. Baka po kasi pagtawanan lang ako. Madalas po kasi akong tuksuhin sa eskwela. Alam po nila kasi na ampon n’yo lang po ako at iniwan lang ako ng tunay kong nanay sa inyo,” pahayag ni Jessa.
“Hindi ka man galing sa akin ay sa’yong sa’yo naman ang puso ko, anak. Hayaan mo na ang mga tumutukso sa iyo. Malamang ko ay hindi lang sila mahal ng mga magulang nila,” wika naman ni Roselle.
Kahit na mahiyain itong si Jessa ay pilit na pinapasali ito ni Roselle sa mga patimpalak. At kahit na madalas ay hindi nananalo ay labis pa rin ang pagmamalaki ng dalaga sa kaniyang anak-anakan.
Lumipas ang mga panahon at unti-unting humusay si Roselle sa pag-awit. Isang araw ay nadiskubre na lang siya ng isang producer habang nasa isang patimpalak.
“Anak, matutupad na ang pangarap mong maging isang sikat na singer. Basta kahit ano ang mangyari ay galingan mo lang. Huwag mong iintindihin ang sasabihin sa iyo ng ibang tao. Mahusay ka, maganda at higit sa lahat ay mabuti ang kalooban mo,” saad ni Roselle kay Jessa.
“S’yempre, ‘nay, sa inyo po ako nagmana, e!” tugon naman ng dalaga.
Hindi naglaon ay sumikat itong si Jessa. Kabi-kabila na ang mga proyekto nito at madalas ay nagpupunta pa ito sa ibang bansa.
Nang mapabalitaan ni Katya ang magandang buhay na tinatamasa ni Roselle dahil sa kaniyang anak ay saka siya naghabol.
“Babawiin ko na ang anak ko, Roselle. Siguro naman ay sapat na ang magandang buhay na tinatamasa mo ngayon dahil sa anak ko. Babawiin ko na si Jessa. Mas may karapatan ako sa kaniya dahil siya ang tunay kong anak,” saad pa ng dating kaibigan.
Batid ni Roselle noon pa man ay wala naman talaga siyang karapatan kay Jessa. Alam niyang isang araw ay babalik rin si Katya upang magpaka-ina naman sa dalaga.
“Siya na lang ang tanungin mo, Katya. Hindi ko hawak ang desisyon ni Jessa. Nasa tamang edad na siya!” saad naman ni Roselle.
“S’yempre, bibilugin mo ang ulo ng anak ko! Roselle, kausapin mo siya upang bumalik siya sa akin! Hayaan mo naman akong magpaka-ina sa kaniya! Hayaan mong maramdaman niya ang pag-aalaga ko dahil sa akin siya nanggaling! Huwag mo namang ipagdamot ang anak ko sa akin!” dagdag pa ni Katya.
Ngunit si Jessa na mismo ang tumanggi.
“Anong karapatan mong pumunta rito at tawagin akong anak? Ngayon mo ako kikilalaning anak dahil lang sa sikat na ako at kumikita ng pera? Iyan lang ba ang halaga ko sa iyo?” umiiyak na sambit ni Jessa dahil sa sama ng loob.
“Jessa, huwag kang magsalita sa kaniya nang ganiyan. Siya pa rin ang nanay mo,” paalala naman ni Roselle.
“Hindi, ‘nay! Ikaw lang ang nanay ko at wala nang iba. Sa katunayan ay pinapalitan ko na ang pangalan ko. Matagal ko nang gustong magkaroon ng malaking halaga para gawin ito nang legal. Humingi ako ng tulong ng abogado para maisunod na ako sa apelyido mo. Simula ngayon ay ikaw na ang legal na ina ko, Nanay Roselle, at wala nang iba. Dahil ikaw naman ang nariyan noong mga panahon na kailangan ko ng magulang. At kahit isang araw ay hindi ko naramdaman na wala akong magulang dahil nariyan ka,” sambit pa ni Jessa.
Galit na galit si Katya sa ginawang ito ni Jessa. Ngunit hindi naman niya masisi ang anak, siya naman talaga ang nagkulang.
Higit sa kasikatan at yaman na tinatamasa ni Jessa ay masayang-masaya si Roselle dahil natupad na ng anak ang kaniyang pangarap. Higit sa lahat ay natupad na rin ni Roselle ang kaniyang pangarap na maging tunay na ina ni Jessa.
Kailanman ay hindi pinabayaan ni Jessa si Roselle hanggang sa pagtanda nito. Ito ang kaniyang sukli sa lahat ng pagmamahal, pagkalinga, at pag-aaruga na ginawa sa kaniya ng kaniyang Nanay Roselle.