Minasama ng Ginang ang Alok na Tulong ng Kapatid; Pagsisisihan Niya Ito Bandang Huli
Nakatambay sa may tindahan si Cherry habang nakikipagkwentuhan sa kaniyang mga kaibigan nang makita niya ang pinsang si Josie na pauwi na ng bahay. Galing ang dalaga sa eskwela.
“Hoy, Josie, kanina ka pa hinihintay ni Nanay! Tumulong ka raw sa paglalaba! Umalis kasi ang nanay mo, pumunta ng palengke at namili ng hapunan natin!” sambit ni Cherry sa kaniyang pinsan.
“Saan ka ba nagpupupunta? Siguro ay hindi ka talaga pumasok sa eskwela, ano? Tingin ko ay ginagamit mo na lang ‘yang pagpasok mo sa paaralan para makipagkita sa nobyo mo! Balitang balita na nanliligaw raw sa iyo ang bago nating kapitbahay!” dagdag pa ng dalaga.
“Wala sa isip ko ang pagkakaroon ng nobyo. Ang gusto ko lang ay makatapos ng pag-aaral. May tinapos pa kasi kami ng mga kaklase ko na proyekto kaya ngayon lang ako nakauwi. Hayaan mo at agad akong tutulong sa nanay mo sa paglalaba pagdating ko sa bahay,” sagot naman ni Josie.
“Aba’y dapat lang! Kayo na nga lang ang nakikitira ng nanay mo sa bahay namin tapos ayaw mo pang tumulong sa gawain? Ano ka, prinsesa?” saad pa ni Cherry.
Nagtawanan ang mga kaibigan ni Cherry.
Dali-dali namang umuwi si Josie upang tulungan ang tiyahin.
Simula nang maghiwalay ang mga magulang ni Josie ay naninirahan na sila ng lumang bahay ng kaniyang mga lolo at lola. Ang nakatira na roon ay si Cherry at ang ina nitong si Sol na hiwalay rin sa asawa.
Dahil wala na ring mapupuntahan at kailangan ding magtipid ay minabuti na lang ng ina ni Josie na si Marta na doon muna sila manirahan ng kaniyang anak.
Tauhan sa isang pagawaan ng kandila ang nanay ni Josie. Kahit na may edad na ay kailangan pa rin nitong magtrabaho para hindi mahinto ang anak sa pag-aaral sa kolehiyo. Saka simula nang manirahan sila sa bahay na iyon ay sinagot na rin ng ginang ang ibang gastusin tulad ng pagkain.
Samantala, hindi naman na nakatungtong pa ng kolehiyo itong si Cherry dahil tamad na mag-aral. Para sa kaniyang ina ay pabor ito dahil bawas sa gastusin. Ang pangarap niya ay makapangasawa ng mayaman ang anak upang maiahon sila sa hirap.
Madalas na maihambing ang magpinsan. Kaya naman kumukulo ang dugo ni Cherry kay Josie.
Isang araw ay may dumating na balita kay Cherry.
“’Nay, pinapatawag ako doon sa pamilya ng tatay ko. Yumao na raw at may iniwang lupa para sa akin!” saad ni Cherry sa ina.
“Akalain mo nga naman at may mapapala ka rin pala riyan sa tatay mong batugan! Agad ka nang pumunta roon. Ipakita mo sa kanila na nagdadalamhati ka kahit hindi man lang nagpunta ang animal mong ama rito para makita ka at hindi man lang nagbigay ni singkong duling para sa sustento!” sambit naman ng ginang.
“Ang balita ko ay malaki-laki raw ang pag-aaring lupa ng tatay ko! Akalain mo nga naman kahit na hindi ako nakatungtong ng kolehiyo ay may sarili akong ari-arian! Kahit nga magtapos ka ng kolehiyo at makapagtrabaho ay mahirap na bumili ng sarili mong lupa. Mabuti na lang at kahit paano ay inisip ako ng walang kwenta kong tatay!” sambit pa ni Cherry na tila nagpaparinig sa pinsang si Josie.
Nang malaman ng ina ni Josie ang balitang may minanang lupa itong si Cherry at pinapupunta ito sa poder ng ama ay bigla siyang kinutuban. Kaya naman kinausap niya ang kaniyang kapatid.
“Ate, sa tingin ko ay kailangan mong pasamahan ‘yang si Cherry. Kahit ikaw na lang ang sumama. O hindi naman kaya ay si Josie. Kahit paano ay may-alam siya dahil nangunguna siya sa klase,” wika ni Marta.
“Ang sinasabi mo ba sa akin ay may gagawing masama ang pamilya ng dati kong asawa kay Cherry? Hindi nila gagawan ng masama ‘yang anak ko! Subukan lang nila!” saad naman ni Sol.
“Para makasigurado lang tayo. Sayang rin kasi ang mamanahing lupa nitong si Cherry. Sa kaniya na nga rin nanggaling na mahirap ang magkaroon ng ari-arian sa panahon ngayon,” saad pa ng ina ni Josie.
“Tumigil ka nga sa mga sinasabi mo. Hinding-hindi lolokohin doon si Cherry. Saka anong tingin mo sa anak ko? Porket hindi nakatungtong ng kolehiyo ay wala nang alam? Huwag ka nang makialam dito at pinagmamalaki mo na naman ang anak mo dahil nag-aaral sa kolehiyo. Alam na ni Cherry ang gagawin niya!” saad pa ni Sol sa kapatid.
Inis na inis ang ina ni Cherry sa pangingialam ng kaniyang kapatid. Minasama nito ang sinabi ni Marta. Sa tingin niya ay may balak na masama ang mag-ina.
“Huwag na huwag mong sasabihin d’yan sa Tiya Marta mo o kahit kay Josie na nakaalis ka na para ayusin ang pinamana sa iyo ng tatay mo! Sa tingin ko ay nag-aasam na maambunan ang mag-inang ‘yan! Hindi pa nakuntento na nakikitira dito. Talagang gusto pa atang makisawsaw sa mamanahin mo!” saad ni Sol sa anak.
Kinabukasan ay kinausap nitong si Marta ang pamangkin na si Cherry. Pinaalalahan niya ito na iasama ang anak na si Josie upang may makatulong siya sa pagdedesisyon.
Inismidan lang ni Cherry ang tiyahin.
Nang hapon ring iyon ay umalis si Cherry upang magpunta sa poder ng ama upang asikasuhin ang kaniyang mamanahing lupa.
Pagdating niya ay maganda naman ang pakitungo sa kaniya ng pamilya ng yumaong ama. Pinakain pa nga siya at ipinakilala sa ibang kasapi ng pamilya.
Ramdam ni Cherry ang mainit na pangtanggap sa kaniya ng mga ito.
Ilang sandali pa ay may pinapirmahan na sa kaniya ang ilang kaanak.
“Kailangan mong pirmahan ito nang sa gayon ay tuluyan nang maisalin sa pangalan mo ang iniwang lupa ng tatay mo sa iyo. Malaki-laki rin ang lupang iyon. Taniman sa probinsya namin. Kapag naayos na ang pagsasalin sa pangalan mo ay p’wede na nating pag-usapan kung ano ang gagawin do’n. Gusto mo bang ibenta ko sa’yo na lang para kung dumating ang araw ay pagawan mo ng negosyo o bahay,” saad ng isang tiya.
Agad namang pumirma itong si Cherry. Pilit niyang binabasa ang nilalaman ng kasulatan. Ngunit hindi niya maunawaan dahil nakasulat ito sa wikang ingles. At dahil tiwala na rin siya sa pamilya ng ama ay agad na rin siyang pumirma.
Masayang masayang umuwi si Cherry nang gabing iyon.
“Mayaman na tayo, ‘nay! Ibebenta ko na lang ang lupa at ipapagawa ko ang bahay na ito. Palalayasin na rin natin ‘yang kapatid mo at anak niya pag nagkataon!” masayang sambit ni Cherry sa ina.
“Ang swerte-swerte mo talaga, anak! Akalain mo at tagapagmana ka pa! Mabuti na lang at kinaya mong mag-isa kung hindi ay tatanaw pa tayo ng utang na loob d’yan sa pinsan mo at baka tuluyan pang makitira ‘yan sa atin!” saad naman ni Sol sa anak.
Lumipas ang mga araw at patuloy ang paghihintay ni Cherry sa titulo ng kaniyang minanang lupa. Ilang buwan na ang lumipas kaya naman nagtungo na siya sa tiyahin upang magtanong.
Natatawa na lang siyang sinagot ng mga ito.“A-anong lupa ang sinasabi mo riyan? Walang lupa na ipinamana sa iyo ang tatay mo! Kung meron ay ibigay mo sa akin ang katibayan!” saad ng tiyahin.
“H-hindi po ba’t nagpunta pa ako rito para maisalin sa pangalan ko ang lupa! Pinapirma n’yo pa nga ako!” sagot naman ni Cherry.
“Hindi mo ba binasa ang nakalagay doon? Nakalagay na pinapawalang bisa mo ang sinabi ng iyong ama at ni isang pitak ay hindi ka maghahabol sa lupa. Pinirmahan mo ang isang kasulatang nagpapatibay na wala kang mamanahing ari-arian. Saka bakit kailangang makinabang ang isang tulad mong anak lang sa labas? Ang bobo mo kasi! Wala kang pinag-aralan kaya madali kang maloko! Umalis ka na at wala kang mapapala rito. Hindi ka p’wedeng maghabol kasi pumirma ka! Kayang-kaya ka naming baliktarin sa korte!” dadag pa ng ginang.
Nagngingitngit ang kalooban ni Cherry sa panlolokong ginawa ng kaniyang tiyahin. Naiinis siya kung bakit nagtiwala siya kaagad sa mga ito.
Nang malaman naman ni Sol ang nangyaring panloloko sa anak ay labis rin ang kaniyang galit. Ngunit wala na silang magagawa dahil nakapirma na nga ang dalaga.
Dito naisip ni Sol ang sinabi sa kaniya ng kapatid na si Marta.
“Kung sinunod ko lang siguro ang sinabi ni Marta ay hindi ka sana naloko ng mga hayop na ‘yun! Dapat talaga ay pinasama ko na si Josie nang sa gayon ay nabasa niya ang nakasaad sa kasulatan!” pagsisisi pa ng ginang.
Huli na ang lahat para magsisi ang mga-ina. Puno ng panghihinayang ang dalawa dahil naging bato pa ang yaman na sana’y kanilang tinatamasa.
Samantala, sinuwerte naman si Marta sa kaniyang trabaho. Binigyan siya ng bonus ng kaniyang boss kaya naman nagkaroon siya ng magandang panimula upang magkaroon din ng iba pang pagkakakitaan. Dahil doon ay tuluyan nang nakahanap ng malilipatan ang mag-ina.
Lalong naghirap ang buhay nila Sol at Cherry dahil wala na silang aasahan sa kanilang pagkain. Napilitan tuloy ang dalaga na maghanap ng trabaho bilang tindera sa palengke.
Habang itong si Josie ay patuloy sa pag-aaral sa kolehiyo.
Bandang huli ay uminam ang buhay ng mag-inang Marta at Josie, habang ang mag-inang Sol at Cherry ay halos maibenta na ang bahay na pagmamay-ari para lang magkaroon ng pambuhay sa kanilang mga sarili.