Pagkagising ng Nakaratay na Ginoo ay Nagpakasal na ang Nobya Niya sa Iba; Ikapanlulumo Niya ang Dahilan Nito
Matalik na magkaibigan sina Damian at Jonathan ngunit magkaiba ang antas nila sa buhay. Galing sa mayamang pamilya itong si Jonathan at parehong magsasaka naman ang mga magulang ni Damian. Kaya naman nang mahulog ang loob nila sa parehong babae ay alam ni Damian na wala siyang pag-asa.
“Ako na lang ang magpaparaya. Ano naman ang laban ko sa isang katulad mo, Jonathan. Saka mas iniisip ko rin ang pagkakaibigan natin. Ayokong masira tayong dalawa dahil lang sa isang babae dahil para na kitang kapatid,” saad ni Damian sa kaibigan.
Tuwang-tuwa naman si Jonathan sa pagpapaubaya nitong si Damian. Sa wakas ay malaya na niyang maliligawan ang pinakamagandang dilag sa kanilang nayon na si Rosa.
Ginawa ni Jonathan ang lahat upang mapansin siya ng dalaga ngunit hindi pa rin siya nito pinapansin. Sa katunayan ay pinakiusapan pa ni Rosa ang binata na tigilan na siya nito.
“Bigyan mo ako ng dalawang dahilan at titigilan ko na ang panliligaw ko sa iyo,” saad ni Jonathan sa dalaga.
“Una, sinasayang mo lang ang panahon mo sa akin dahil wala kang aasahan sa akin. Pangalawa, si Damian ang gusto ko at hindi ikaw!” tugon pa ni Rosa.
Nasaktang masyado si Jonathan. Hindi niya akalain na kahit na nasa kaniya na ang lahat ay si Damian pa rin ang gusto ng iniibig.
Ngunit malakas ang loob ni Jonathan na hindi liligawan nitong si Damian ang dalaga dahil sa usapan nila. Kaya hindi rin magiging maligaya itong si Rosa.
Subalit hindi nakatiis itong si Rosa at siya na ang kusang lumapit kay Damian.
“A-ako? Bakit ako? Wala akong maibibigay na kahit ano sa iyo. Mahirap lang ako, Rosa,” saad ni Damian sa dalaga.
“Wala namang kinikilalang antas ang pag-ibig, Damian. Saka isa pa, wala kang yabang sa katawan. Kitang-kita ko na mabuti ka namang tao kaya walang dahilan para hindi kita mahalin,” saad naman ni Rosa.
“P-pero nangako ako sa kaibigan ko na hindi kita liligawan kahit kailan. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin,” dagdag pa ng binata.
“H-hindi mo naman ako kailangang ligawan kaya wala kang sinisirang pangako,” wika pa ng dalaga.
Gulong-gulo ang isip ni Damian. Mahal na mahal niya si Rosa at ayaw niya itong saktan pero ayaw rin niyang saktan ang damdamin ng kaibigan dahil alam niya kung gaano kagusto ni Jonathan ang dalaga.
Hindi rin nagtagal at hindi na napigilan pa ni Damian ang kaniyang sarili. Sa likod ni Jonathan ay nagkaroon sila ng relasyon ni Rosa. Ngunit walang sikretong hindi nabubunyag.
Isang araw ay nahuli mismo ni Jonathan si Damian at Rosa na magkasama.
“Ano na ang nangyari sa pagkakaibigan natin, Damian? Tinuring kitang parang tunay kong kapatid. Tapos ay tatraydurin mo lang ako ng ganito? Alam mo kung gaano ko kamahal si Rosa,” bulyaw ng mayamang binata.
“Pero nagmamahalan kami, Jonathan. Sana ay maging masaya ka na lang para sa amin!” saad naman ni Damian.
“Kalimutan mo na ang pagkakaibigan natin, Damian. Simula ngayon ay hindi na kita kaibigan. Ikaw naman, Rosa, darating din ang panahon na lalapit ka sa akin dahil hindi mo makakayanan ang buhay na kasama ang maglulupa na ‘yan!” sambit pa ni Jonathan.
Kahit na nagalit si Jonathan sa kaibigan ay hindi pa rin pinutol ni Damian ang relasyon kay Rosa.
“Sana ay hindi magbago ang pagtingin mo sa akin kahit na hindi ko kayang ibigay sa iyo ang maraming bagay. Pero ipinapangako ko sa iyo na mamahalin kita habang buhay!” saad ni Damian sa kasintahan.
Hindi nagtagal ay nagsama rin sina Rosa at Damian. Masaya na sana ang dalawa nang biglang tamaan ng isang matinding karamdaman ang binata.
Dahil nga mahirap ang buhay ng pamilya ni Damian ay wala silang mapagkukunan ng salapi upang mapagamot siya.
At dahil hindi nakakainom ng gamot at hindi man lang masuri ng espesyalista, isang araw ay bigla na lang nawalan ng malay itong si Damian.
Agad siyang dinala sa ospital. Nanlulumo masyado si Rosa sa kalagayan ng nobyo.
“Malaking pera ang kailangan para maoperahan siya sa utak. Kung hindi ay patuloy na kakalat ang impeksyon at puwede na itong ikasawi,” saad ng doktor.
Hinawakan ni Rosa ang kamay ni Damian. Iyon na ang huling pagkakataon na magkasama ang dalawa.
Tatlong buwan ding walang malay itong si Damian. Paggising niya sa ospital ay hindi alam ng kaniyang mga magulang paano sasabihin sa kaniya ang balita. Agad pa namang si Rosa ang kaniyang hinanap.
“Magpagaling ka muna, anak. Kailangan mong magpalakas,” saad ng ina nito.
“Nasaan ba si Rosa? Nasaan ba siya? Kailangan ko siyang makita. Kailangan niyang malamang gising na ako!” saad pa ng ginoo.
Napaluha na lang ang ina ni Damian.
“A-anak, ikinalulungkot kong sabihin sa iyo ngunit iniwan ka na ni Rosa. Matagal kang nawala. Nagpakasal na siya kay Jonathan,” saad ng ina.
Walang ginawa si Damian kung hindi umiyak. Labis niyang ikinalulungkot ang nangyari.
“Akala ko ba ay mamahalin niya ako kahit anong mangyari? Bakit ganito? Bakit niya ako iniwan?” dagdag pa ng ginoo.
Paglabas ni Damian sa ospital ay labis na galit ang kaniyang nararamdaman para kay Rosa at sa kaibigang si Jonathan.
Ilang araw din niyang pinagplanuhan ang lahat. Isang araw ay nakita niya ang dalawa na magkasama sa bayan. Agad na sinugod ni Damian si Rosa upang komprontahin at ipahiya sa madla.
“Malandi ka! Akala ko pa naman ay sasamahan mo ako sa hirap at ginhawa. Pero ano itong ginawa mo? Niloko mo ako! Pinagpalit mo ako sa kaibigan ko nang dahil lang sa nagkasakit ako? Anong klase kang babae! Masahol ka pa sa hayop! Kahit kailan ay ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo! Malandi ka! Manloloko!” bulyaw ni Damian sa dating kasintahan.
Pigil na pigil si Rosa sa kaniyang mga luha. Hinayaan na lang niya ang mga tao na pag-usapan siya. Hindi naman lingid din sa kanila ang katotohanang naging nobya siya dati ni Damian.
Araw-araw ay nakikita ni Jonathan ang kaniyang asawa na umiiyak. Alam niyang si Damian pa rin kasi ang nilalaman ng puso nito.
Kaya naman nakipagkita itong si Jonathan sa dating kaibigan.
“A-anong ginagawa mo rito? Ipapamukha mo sa akin na nakuha mo rin ang gusto mo at tama ka na sasama siya sa sa’yo kapag nakaranas na siya ng hirap sa akin?” bungad ni Damian.
“Hindi, Damian. Nagpunta ako rito para sabihin ko sa’yong kayang gawin ni Rosa ang lahat para sa pagmamahal niya sa iyo!” saad naman ni Jonathan.
“Pagmamahal? Anong sinasabi mo riyan? Iniwan niya ako nang mga panahong kailangan ko siya! Habang nakaratay ako sa ospital ay nagpakasal siya sa iyo! Anong klaseng pagmamahal ‘yan?” dagdag pa ng kaibigan.
“Mahal ka niya. Kahit kasal na kami ay alam kong ikaw ang mahal niya. Nang magkasakit ka at maratay sa ospital ay walang mapagkunan ng pera itong si Rosa. Kailangan kang maoperahan agad. Sino ba naman nag kayang magpautang sa kaniya ng malaking halaga kung hindi ako lang. Kaya naman sinamantala ko ang pagkakataon. Sinabi kong magbibigay lang ako ng pera kung iiwan ka niya at magpapakasal siya sa akin. Noong una ay hindi siya pumayag. Pero palala nang palala ang kalagayan mo. Kaya naman pumayag na rin siya. Nakita mo? Handa niyang isakripisyo ang sariling kaligayahan para lang mabuhay ka. Sa pagkakataong ito ay si Rosa talaga ang tunay na nasasaktan. Masakit para sa kaniya ang maipit sa isang sitwasyon. Pero dahil sa kaniya ay nalaman ko kung ano ang tunay na pagmamahal. Kung mahal mo talaga siya ay patunayan mo sa kaniya. Handa akong magparaya ngayon, Damian. Gusto ko lang ay maging masaya si Rosa,” saad pa ni Jonathan.
Labis na ikinabigla ni Damian ang nalamang katotohanan. Hindi niya akalain na ang dating kasintahan pala ang gumawa ng paraan para mabuhay siya. Ito ang pinakamalaking sakripisyo na ginawa ni Rosa sa ngalan ng pag-ibig.
Dahil batid ni Jonathan na walang ibang mahal itong si Rosa kundi si Damian ay pinalaya na rin niya ito.
Ngunit dahil labis na nasaktan si Rosa sa mga sinabi ni Damian sa kaniya ay ilag pa rin ang kaniyang puso na muling papasukin ang dating kasintahan.
Ngunit pinatunayan ni Damian na tapat pa rin ang kaniyang pag-ibig. Sa pagkakataong ito ay niligawan niya ang dalaga.
Hindi nagtagal ay muling binuksan ni Rosa ang kaniyang puso. At sa pagkakataong ito ay pinakasalan na ni Damian ang kasintahan.
Tuluyan na nilang inibig ang isa’t isa nang malaya.
“Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo sa akin, Rosa. Patawarin mo ako kung hinusgahan kita kaagad. Ipinapangako ko na simula ngayon ay hindi na kita masasaktan pang muli dahil ipinakita mo sa akin ang tunay at wagas na pagmamahal,” saad ni Damian sa asawa.
Mula noon ay naging masaya na ang pagsasama nila Damian at Rosa. Hindi na kailanman nagkasakit pa ang binata. Tuluyan na rin silang bumuo ng isang pamilya.
Bumalik na rin ang dating samahan nina Jonathan at Damian. Kinailangan lang nila ng panahon upang maghilom ang lahat ng kanilang nakaraan.