Sa gitna ng napakaraming tao at ingay sa palengke, mapapansin ang simangot na si Aling Mila. Aniya kasi, sa tinagal tagal niyang tindera sa palengke, ngayon lamang lubhang tumaas ang mga bilihin. Siguro nga’y dahil din ito sa pandemya.
Dahil maagang naubos ang mga tindang isda ni Aling Mila, maaga rin siyang umuwi sa kaniyang bahay. Habang siya ay naglalakad pauwi, nadatnan niya ang isa sa mga pinapautang niya noon. Hindi siya napansin nito at bigla na lamang niyang sinunggaban ng malakas na hampas sa likod ang aleng iyon.
“Ano na, Joy?! Aba’t sa laki ng utang mo sa akin may lakas ka pa ng loob na magpakita dito?” malakas na sigaw ng matanda.
“Pasensya na po Aling Mila, nagkasakit po kasi ang nanay ko. Kaya naman kailangan kong pumunta ng probinsya. Hayaan niyo po’t babayaran ko kayo kaagad kapag nagkapera na ako,” mapagpakumbaba naman ang tugon ni Joy sa ale.
“Kung paano ba naman kasi na pagkadami-dami mong anak pero puro palpak! Imbes na magtrabaho, nagmadali kaagad na maghanap ng asawa. Tapos ngayon na kahit matanda ka na, sa iyo pa rin iaasa ang mga panggatas at pang-lampin ng mga anak nila!” patuloy ang talak ng ale kahit marami na ang nakakarinig sa kaniya. Muli niyang ipinagmalaki ang kaniyang anak.
“Wala kayong masasabi sa akin dahil isa lang ang anak ko. Kahit na wala akong asawa ay napagtapos ko ang anak ko. At tingnan niyo naman, nakapagtapos ng kolehiyo sa mataas na unibersidad na may pinakamataas na grado. Ngayon, nasa kumpanya na siya kung saan mataas na ang posisyon!” pagpapatuloy pa niya.
Kahit sawa na ang marami sa kaniyang pagmamayabang tungkol sa anak na si Mark, hindi pa rin mapatid ang matanda sa tuwing ipinagmamalaki niya ito sa maraming tao. Ang lahat din naman ay hanga sa matanda dahil mag-isa niyang itinaguyod ang anak na ngayon ay matagumpay na raw sa buhay.
Nang makauwi si Aling Mila, nabigla siya nang makita ang anak na nakaupo at nanonood lamang ng telebisyon. Nakataas pa ang paa nito na para bang todo ang pagpapahinga.
“Aba. Lunes na lunes ata pero wala kang pasok, anak?” pabitong aniya.
“H-ha? Wala po, ‘ma. Masama kasi ang pakiramdam ko kanina kaya sabi ko sa assistant ko, hindi muna ako papasok ng opisina,” utal-utal na tugon naman nito.
Lumipas ang ilan pang mga araw at linggo na patuloy sa pagmamayabang si Aling Mila saan man siya mapunta. Kahit na sa mga suki niya sa pagtitinda, halos mabingi na rin sa kaniyang mga kwento. Ngunit dumating ang isang gabi na nagpaalam si Mark sa kaniyang ina upang mangibang bansa.
“’Ma, aalis nga pala ako bukas. May business trip ako sa States. Baka mga dalawang araw rin iyon,” paalam ni Mark sa ina habang sila ay naghahapunan.
“Aba’y oo naman! Mag-iingat ka doon ha? Kumuha ka ng mga litrato. Kakainggit naman, anak, kasi pangarap ko rin iyan!” laking tuwa naman ni Aling Mila ang balitang ito ng anak.
“Hayaan mo ‘ma, sa susunod na linggo kapag maluwag ang aking iskedyul, maghahanap ako ng ticket para makapunta tayo roon nang sabay,” masayang tono naman ang tugon ni Mark sa ina.
Kinabukasan, tuluyan na ngang umalis si Mark bitbit ang isang maleta na naglalaman ng kaniyang mga damit. Malaki ang ngiti ni Aling Mila habang kumakaway siya sa anak na palayo nang palayo ang distansiya sa kaniya. Nang hindi na niya ito masipat, muling bumalik ang matanda sa pag-aayos ng kaniyang mga ititinda.
Buong araw ay walang ibang bukambibig ang matanda kundi ang balitang pagpunta ng anak niya sa abroad. Dahil sa kagalakan, marami siyang mga suking binigyan pa ng mga libreng paninda niya. Hindi na kasi siya makapaghintay pang dumating ang susunod na linggo at makatungtong sa Amerika.
Pagkalipas ng dalawang araw at higit pa, tawag lamang mula kay Mark ang natanggap ni Aling Mila. Aniya, marami pa raw dapat asikasuhin kung kaya’t matatagalan pa raw siya ng uwi. Hindi naman nag-alala ang matanda dahil malaki ang tiwala niyang totoo ang mga sinasabi ng anak.
Pagkalipas ng mahigit dalawang linggo, habang nagtitinda si Aling Mila sa palengke, isang grupo ng kapulisan ang lumapit sa kaniya.
“Ano’ng ginagawa ninyo rito? Sino kayo at bakit nandito kayo sa tapat ng tindahan ko?” sigaw ng matanda na siyang nagpukaw ng atensiyon ng marami.
“Mam, kayo po ba ang ina ni Mark Dela Cruz?” tanong ng isang pulis. Dito na tuluyang gumuho ang mundo ni Aling Mila.
Sumama si Aling Mila sa presinto upang personal na makita ang kaniyang anak na dalawang linggo na palang pinaghahanap ng mga pulis sa kasong pagnanakaw sa isang kumpanya. Marami itong kinahaharap na kaso pati na ang ilegal na pagsusugal.
Nang makarating sa presinto, halos hindi makatingin nang diretso si Mark sa kaniyang matandang ina. Wala siyang ibang masambit kundi ang patawad at luha. Pinunasan naman ni Aling Mila ang luha sa mukha ng kaniyang anak at niyapos ito kahit na nasa pagitan ng dalawa ay rehas.
Pagkalipas ng dalawang buwan, patuloy na nagtinda ng mga isda si Aling Mila sa tabi na lamang ng kalye ng palengke. Wala na kasi ang kaniyang pwesto dahil naisanla na pala ito ng kaniyang anak. Kahit na naging mahirap ang buhay para kay Aling Mila at Mark, patuloy pa rin ang matapang na pagharap ng matanda sa agos ng buhay kahit na ano pa ang sabihin ng marami.