Inayawan ng Dalaga ang Pagpapakasal sa Mayamang Matanda; Sa Pagtanggi Niya Rito ay Ikagugulat Niya ang Tunay Nitong Pagkatao
Bata pa lamang si Therese ay namulat na siya sa hirap ng buhay at ngayong dalaga na siya ay wala pa ring nagbabago, mahirap pa rin sila ng kanyang pamilya.
Ang tatay niyang si Mang Gusting ay isang magsasaka at ang nanay naman niyang si Aling Asuncion ay tindera ng uling. Ang nakatatanda niyang kapatid na lalaking si Hector ay pa-ekstra ektra lang sa pagko-construction at kung minsan ay kargador sa pier. Tulad niya ay hindi rin ito nakatapos sa pag-aaral at hayskul lang ang narating kaya sa ganoong trabaho lang ito nauwi. Siya naman ay tinutulungan niya ang ina sa pagbebenta ng uling.
Isang gabi ay nagpaalam siya sa mga magulang na magtatrabaho sa pabrika na malapit sa lugar nila.
“Sayang naman po ang kikitain ko roon. Malaki-laki po ang sasahurin ko sa pabrika kumpara sa pagbebenta ng uling. Makakaipon po ako para makabalik sa pag-aaral,” sabi niya.
“Kung hindi lang tayo kinakapos sa pera ay hindi kita papayagang magtrabaho, anak kaso kulang na kulang ang kinikita namin ng nanay mo at ng kuya mo,” sagot ng tatay niya.
“Kasalanan namin ito ng tatay niyo kung bakit kayo naghihirap. Kung nakatapos lang kami ng pag-aaral noon ay hindi tayo isang kahig isang tuka ngayon at hindi sana kayo nahinto sa eskwela,” malungkot na sabi ng nanay niya.
“Hayaan mo, bunso. Kapag natanggap ako sa abroad ay hindi niyo na kailangan magtrabaho nina tatay at nanay, maipagpapatuloy mo na rin ang pag-aaral mo,” sabad naman ng kuya niya.
Ngunit dahil sadyang mapagbiro ang tadhana sa kanilang pamilya. Hindi natuloy na makapasok si Therese sa pabrika dahil aksidenteng nagkaroon doon ng sunog at malaki ang naging pinsala. Maraming nawalan ng trabaho dahil sa nangyari kaya biglang naglahong parang bula ang pangarap niya na magkaroon ng mas malaking kita. Nagkasakit din ang tatay niya at hindi na nagawang makapagsaka, ang kapatid naman niyang si Hector ay natanggal din sa trabaho sa pier kaya pagiging construction worker na lang ang pinagkakakitaan nito. Hindi rin ito natuloy na mag-apply sa abroad dahil naubos ang ipon nito sa mga gastusin nila. Ang nanay naman niya ay hindi na nakakapagtinda ng uling dahil palaging inaalagaan ang tatay niyang nakaratay na lamang sa higaan. Dahil doon ay mas lalo silang nabaon sa utang sa pagpapagamot sa tatay niya. Samantala, siya naman ang nagtuloy sa pagtitinda ng uling na isa sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay. Pero kahit pagsamahin nila ng kuya niya ang kinikita nila ay hindi pa rin iyon sapat.
Isang araw ay naging usap-usapan sa lugar nila ang isang matandang lalaking dayo na naghahanap daw ng mapapangasawa.
“Narinig niyo na ba ang tsika, mga mare? Na ‘yung turistang matanda na nagcheck-in diyan sa mamahaling hotel ay naghahanap daw dito ng asawa, at dito sa lugar natin napiling manghanap. Mukhang napakayaman daw nung matanda siguradong napakasuwerte naman ng babaeng matitipuhan niya rito,” wika ng tsismosa nilang kapitbahay sa mga kadaldalan nito sa tindahan nang mapadaan si Therese.
“Bali-balita nga ‘yan dito sa atin. Sa oras na magpakasal daw sa matandang iyon ang mapipili nitong mapapangasawa ay kalakip daw nito ang pangakong iaahon sa hirap ang buong angkan ng magiging kabiyak niya sa oras na pumayag itong makipag isang dibdib sa kanya,” sabad naman ng isa pang ale.
Napaisip tuloy si Therese sa sarili.
“Napakasuwerte nga ng babaeng iyon kung sakali,” aniya.
Maraming babae sa lugar nila ang naengganyong makilala ang matandang mayaman. Pumunta ito sa plaza at sinabing gusto nitong makita ang mga dalaga sa nayon nila. Doon din ito pipili kung sino ang papakasalan nito. Dahil sa kuryosidad ay sinilip niya ang ginagawang pagpili ng misteryosong matanda sa mga kadalagahan sa kanila. Nang makita niya ang hitsura nito ay uugod-ugod na pala ito at may dala pang tungkod. Naku, mukhang sakitin pa ang matandang ito na sa tantiya niya ay nasa nobenta anyos na. Sa isip niya ay kaya siguro naghahanap ito ng mapapangasawa ay dahil gusto lamang nitong kumuha ng tagapag-alaga.
Ngunit laking pagtataka ng lahat kung bakit tila wala ni isa sa mga dalagang pumunta roon ang nakapasa sa panlasa ng matanda nang bigla itong napatingin sa kanya.
“Ikaw, ikaw hija lumapit ka rito,” sabi nito.
Napalunok si Therese nang tawagin siya ng matanda.
“Naku, ako pa yata ang natipuhan ng matandang ito,” kinakabahan niyang sabi sa isip.
Nahihiya niyang nilapitan ang matanda. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa, maya maya ay tinanong nito ang pangalan niya.
“Ano ang pangalan mo, hija?” nakangiti nitong tanong.
Napabuntong-hininga si Therese, puno ng kaba ang dibdib. Mukhang napasubo siya. Pumunta pa kasi siya roon, eh.
“A, eh, T-Therese po ang pangalan ko,” tugon niya.
Inanyayahan siya ng matanda sa tinutuluyan nitong hotel. Gusto nito na lubos pa siyang makilala. Napakaganda raw kasi niya kaya natuon sa kanya ang atensyon nito. Sinabihan siya nito na makipagkita rito pagsapit ng alas siyete ng gabi. Ipapasundo siya ng matanda sa mga tauhan nito sa bahay niya.
Tatanggihan niya sana ang alok nito ngunit kinantiyawan siya ng mga dalagang naroon.
“Pagbigyan mo na, Therese, sa tingin namin ay ikaw ang napili niya. Tanggapin mo na ang paanyaya niya,” udyok ng isa sa mga babae.
Nakakahiya naman kung tatanggi siya, baka sabihin pa ng mga kadalagahan sa kanila ay napakaarte niya. Siya na nga ang kaisa-isang natipuhan ng dayo, siya pa itong nagmamalaki. Sa takot na matsismis ay tinanggap niya ang imbitasyon ng mayamang matanda.
Kinagabihan ay sinundo nga siya ng magarang kotse. Huminto iyon sa harap ng maliit nilang barong-barong. Pinagkaguluhan pa nga ng mga kapitbahay niya ang nakaparadang kotse. Inggit na inggit ang mga kababaihan sa kanya, sa dami ba naman ng magaganda sa lugar nila ay siya pa ang napili.
Ipinagtapat niya sa mga magulang at kapatid ang tungkol sa matanda. Gulat na gulat ang mga ito at ‘di makapaniwala na siya ang napili ng dayuhang matanda na isama sa tinutuluyan nitong hotel.
Bigla namang nag-alala ang nanay, tatay ang kuya niya.
“Naku, anak, baka masamang tao ‘yan ha? Huwag ka na kayang tumuloy?” nag-aalalang sabi ni Aling Asuncion.
“Kahit mahirap lang tayo ay may pinanghahawakan tayong dignidad, anak. Kinakabahan ako sa taong tinutukoy mo, baka may gawin siyang hindi maganda sa iyo,” wika naman ni Mang Gusting.
“Huwag ka lang niya kakantiin kundi ay manghihiram siya ng mukha sa aso. Kahit gurang na siya at mayaman ay hindi ko siya sasantuhin,” sabad ni Hector.
Hindi niya mawari kung bakit siya natuwa sa sinabing iyon ng kanyang pamilya pero sa tinuran ng mga ito ay may napag-isip-isip siya.
“Kahit nalaman nila na ubod ng yaman ‘yung matanda na nakahandang iahon sa hirap ang angkan ng babaeng mapipili nitong pakasalan ay hindi sila nasilaw sa salapi at kaligtasan ko pa rin ang kanilang inuuna. Ipinagmamalaki ko na kayo ang naging pamilya ko,” sambit ni Therese sa isip na ‘di napigilang mapaluha.
Pero buo ang loob niya na harapin ang matanda. Hindi na siya pwedeng umatras dahil nasa labas ang tatlo nitong alalay na malalaki ang mga katawan at mukhang goons. Inaantay ang paglabas niya.
“Huwag po kayong mag-alala sa akin, anuman po ang mangyari ay kaya ko pong ipagtanggol ang aking sarili. Ano pang silbi ng pagkakapanalo ko sa boksing ng mga kababaihan noong nakaraang piyesta dito sa atin,” sagot niya.
Nang makapagpaalam sa kanyang pamilya ay sumakay na siya sa magarang kotse. Habang papalapit sa patutunguhan ay mas lalong tumitindi ang kaba niya sa dibdib. Ilang minuto lang ay narating na nila ang hotel. Sinamahan pa siya ng isang lalaki sa labas ng kwarto ng matanda. Sinabi pa nito sa kanya na kanina pa raw siya nito hinihintay sa loob.
Bago siya pumasok ay nagdasal muna siya.
“Lord! Kayo na po ang bahala sa akin,” aniya.
Pagpasok niya sa loob ay bumungad sa kanya ang napakalaki at magandang kwarto. Napakayaman talaga siguro ng matandang iyon at sa pinakamahal na kwarto pa ng hotel ito tumutuloy.
Maya maya ay tumayo ang matanda sa upuan na malapit sa balkunahe. Napansin pa niya na hirap na itong maglakad at paika-ika na. Masaya siya nitong sinalubong.
“Magandang gabi, hija. Mabuti at nakarating ka. Ang akala ko’y hindi ka na pupunta, pero salamat at pinagbigyan mo ako,” sabi nito.
Pinaupo siya nito sa sofa at binigyan siya ng inumin. Ni tikim ay hindi siya uminom sa baso na my lamang juice, baka kasi my pampatulog iyon at pagsamantal*han pa siya nito.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa, tinanong niya ang matanda kung bakit siya nito pinapunta roon. Gusto na niyang matapos ang sasabihin nito para makaalis na siya.
“Ano po ba talaga ang dahilan kung bakit ako narito?”
Napangiti ang matanda.
“Alam mo na siguro kung bakit hija, ‘di naman lingid sa iyo na nagpunta ako sa nayong ito upang makahanap ng aking magiging asawa at sa oras na kami ay ikasal ay mabubuhay siya sa karangyaan at ang kanyang buong angkan at ikaw ang masuwerteng babaeng iyon, hija, ikaw ang napili kong mapangasawa,” bunyag ng matanda.
Napamulagat si Therese. Tama ang hinala niya na siya ang gusto nitong maging asawa.
“P-pero b-bakit po ako? Sa dinami-rami ng mga dalaga rito’y bakit po ako pa?” tanong niya.
“Dahil ikaw ang gusto ko. Unang kita ko pa lamang sa iyo ay nabighani na agad ako sa iyong taglay na kagandahan. Ano? pumapayag ka nang maikasal sa akin? Isang sagot mo lang ng oo ay magbabago ang buhay mo at ng iyong pamilya,” saad pa ng matanda.
Ngunit hindi basta-basta si Therese, kilala niya ang sarili hindi siya ang tipo ng babae na madadala sa karangyaan.
“Pasensya na po, pero hindi ko matatanggap ang alok niyo. Inaamin ko na mahirap lang kami at baon sa utang ngunit hindi ko kayang ipagbili ang aking sarili. Hindi ko maaatim na magpakasal sa hindi ko po lubos na kilala at hindi ko iniibig. Hindi ko po panghihinayangan ang magandang buhay na inyong handang ibigay dahil alam ko pong balang araw ay maipalalasap ko rin iyon sa aking pamilya sa pamamagitan ng aking pagtitiyaga at pagsusumikap. Saka hindi pa po ako handang iwan ang magulang ko’t kapatid, hindi pa po ako handang mag-asawa,” tugon niya.
Ikinamangha ng matanda ang sagot niya. Hindi nito akalain na may babaeng tatanggi sa napakaganda niyang alok.
“Labis mo akong pinahanga, hija. Ngayon lang ako nakatagpo ng isang tulad mo na hindi hangad ang kayamanan, talagang napakasuwerte mo,” sambit ng matanda na lumabas sa kwarto at iniwan siya.
Naging palaisipan kay Therese ang sinabi nito.
Ilang minuto lang ay narinig niyang bumukas ang pinto, bumalik na ang matanda at oras na para magpaalam siya rito pero laking gulat niya nang makitang hindi ito ang pumasok sa loob ng kwarto kundi isang guwapo at makisig na binata ang humarap sa kanya.
“Nagulat ka ba? Ang matanda na kausap mo kanina ay isa sa aking mga tauhan. Ako nga pala si Rafael Arguelles, ang totoong naghahanap ng mapapangasawa. Pinagpanggap ko lang si Tata Sergio upang matulungan niya akong piliin kung sino ang karapat-dapat. Narinig ko na tinanggihan mo ang alok niya at sobra mo akong napahanga. Marami na akong napuntahang lugar upang hanapin ang babaeng aking papakasalan ngunit palagi akong bigo, lahat sila ay ang yaman ko lang ang hangad, pero ikaw, iba ka sa kanila, hindi importante sa iyo ng yaman kundi mas mahalaga sa iyo ang iyong pamilya. Sana ay pagbigyan mo akong mas makilala ka pa, sana ay hayaan mo ako na ligawan ka,” bunyag ng binata.
Hindi makapaniwala si Therese na ang inakala niyang matanda na nag-aalok sa kanya ng kasal ay isa palang binatang tagapagmana ng isang mayamang pamilya na naghahanap ng mapapangasawa na mayroong mabuting kalooban. Napakasuwerte niya dahil siya ang napili ng lalaki. Dahil iginagalang nito ang desisyon niya ay hinayaan siya nito na kilalanin muna niya ang pagkatao nito.
Mula nang magkakilala sila ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Nalaman niyang si Rafael ay hindi lang basta mayaman kundi napakabait din nito. Matiyaga itong nanligaw sa kanya, pati pamilya niya ay sinuyo ng binata kaya naman hindi naging mahirap para sa kanya na mahulog kay Rafael at umibig dito. Ipinakilala rin siya ng binata sa mga magulang nito at gaya ni Rafael ay mabubuting tao rin ang mga ito na hindi tumitingin sa estado ng buhay.
‘Di nagtagal ay sinagot niya si Rafael at natuloy din ang alok nitong kasal sa kanya. Talaga ngang sinuwerte siya nang mapangasawa ang lalaki. Tinulungan siya nito na makapag-aral hanggang sa nakatapos siya sa kolehiyo. Hinayaan din nito ang kagustuhan niya na siya mismo ang mag-aahon sa pamilya niya sa hirap dahil sa kanyang sariling pagsisikap. Ginabayan siya ni Rafael para magtagumpay sa kanyang layunin na natupad naman niya. Maganda na ang buhay ng pamilya niya na namamahala na ng isang malaking negosyo. Dahil doon ay mas lalo siyang hinangaan at minahal ng kanyang mister.
Makalipas ang isang taon ay nagbunga na rin ang kanilang pagmamahalan at nagsilang siya ng hindi lang isa kundi tatlong malulusog na supling.