Ikinatakot ng Misis ang Natuklasan Niyang Nakasisindak na Nakaraan ng Kaniyang Mister; Isang Gabi ay Mapatunayan Niya Kaya Ito?
Sa tuwing aalis si Wilfredo upang magtrabaho, gusto niya’y ihahatid pa siya ng asawa niyang si Daria hanggang sa pintuan at doon ay pababaunan siya nito ng matamis na halik.
“Aalis na ako, darling,” malambing nitong paalam.
“Oo… Nakahalik ka na, eh,” sagot naman ng kanyang maybahay.
“Mamaya pag-uwi ko’y magdadala ako ng pasalubong…siopao, iyon na lamang ang hapunan natin kaya huwag ka nang magluluto sa gabi,” sabi pa niya.
“Sige, hindi ako magmemeryenda para masarap ang kain ko pagdating mo,” tugon pa ni Daria.
Nang tuluyang makaalis ang mister at mag-isa na ang babae sa bahay ay bigla itong nag-alala.
“Sa simula lang kaya ang kakaibang ipinakikita niya? Sana ay hindi totoo ang ikinuwento ng mga kapitbahay namin tungkol sa kanya,” bulong niya sa sarili.
Pilit niyang inalis ang agam-agam na iyon sa isip niya at nagdesisyong lumabas muna ng bahay.
“Makapamalengke na nga lang. Bibili ako ng ulam namin para sa isang linggo at para may maibaon siya bukas sa pag-alis niya,” aniya.
Habang naglalakad papunta sa pamilihan ay ‘di sinasadyang nakasabay niya ang kapitbahay niyang si Marcia. Nang makausap niya ito’y bigla siya ulit nitong binalaan.
“Mag-iingat ka sa asawa mong si Wilfredo, Daria. Delikadong magalit iyan, sala sa lamig, sala sa init ang lalaking iyan,” sabi ng babae.
“Talaga? Wala pa naman akong napapansin sa kanya,” tugon niya.
“Maaaring sa simula lang ay wala ka pang napapansin sa mister mo, pero darating ang oras na magbabago ang ugali niyan. Ang una niyang asawa ay binawian ng buhay sa kabubugb*g niyang si Wilfredo. Kaawa-awa nga si Gloria, eh, nang makita namin ang labi niya noon ay halos hindi na namin makilala ang mukha sa dami ng pasa, maging ang buong katawan ay nangayayat kagugulpi ng lalaking iyan,” sumbong ni Marcia.
Napalunok si Daria sa sinabing iyon ng kapitbahay niya. Nakaramdam siya ng takot.
“Sana naman ay huwag gawin sa akin iyon ni Wilfredo,” sagot niya.
Patuloy pa rin ang babae sa pagkukuwento tungkol sa asawa niya.
“Naku, sinabi ko sa iyo, hirap lang ang daranasin mo diyan. Sa harap ng mga biyenan ay binubuntal at ipinaghahampasan sa lupa ni Wilfredo si Gloria noon. Wala namang magawa ang mga magulang ni Gloria na matatanda na kasi,” dagdag pa nito.
Mas lalong kinilabutan si Daria.
“Susmaryosep, nagawa niya talaga ang ganoon?”
Pagdating sa bahay ay agad na inayos ni Daria ang mga pinamili, ngunit madalas ay natitigilan siya.
“At sinabi pa niya na kung lasing, lalong delikado si Wilfredo. Sinisigawan daw ang unang asawa…sinisipa at binubugb*g. Nagmamakaawa raw ang biyenang babae pero tinatabig lamang at ang biyenang lalaki ay wala raw magawa dahil sobrang lakas daw ni Wilfredo kapag lango sa alak,” nag-aaalala niyang bulong sa isip.
Kahit habang kumakain siya ng tanghalian ay tamilmil siya, hindi maalis sa isip niya ang mga ipinagtapat ng kapitbahay niya.
“Sana’y huwag gawin sa akin ni Wilfredo ang ginawa niya sa una niyang asawa. Diyos ko, madadali ang buhay ko. Bukod kay Marcia, noong isang araw ay ikinuwento rin sa akin ni Aling Bebang ang tungkol sa kalupitan niya. Pinatotohanan naman iyon ng iba pa naming kapitbahay. Kaya tuloy minsan ay ayoko nang lumabas ng bahay dahil puro negatibo ang naririnig at sinasabi nila sa asawa ko,” sambit pa niya sa sarili.
Pagkakain ay nagpahingang saglit si Daria, maya maya ay naglinis ulit ng bahay at nang mapagod ay muling nagpahinga at umupo sa sofa. Kahit sa pagpapahinga ay pumapasok sa isip niya ang pag-aalala.
“Naalala ko tuloy ang mga magulang ko. Noon ay binalaan na rin nila ako tungkol kay Wilfredo.”
At bumalik sa kanyang gunita ang sinabi sa kanya ng nanay at tatay niya.
“Hindi sa ako’y nakikialam sa iyong damdamin, anak pero mabuti yata kung ang taong iibigin mo’t papakasalan ay ‘yung lalaking kilala na natin kaysa sa kikilalanin pa lang,” wika ng ama niya.
“Oo nga, anak. Nakilala mo lang sa isang party ang Wilfredo na iyan, hindi mo alam ang pagkatao niyan…kung mabait o kung masama ang pag-uugali. Pag-isipan mo muna ang nararamdaman mo,” payo naman ng kanyang ina.
Muling nagbalik sa kasalukuyan ang isipin niya. Naalala nga niyang sa isang birthday party ng kaibigan niya lang nakilala ang lalaki.
“At sa party na iyon niya ako unang hinalikan…natutunan ko na siyang mahalin buhat noon. Kahit pa alam kong biyudo siya ay hindi ako nagdalawang isip na mahalin siya. Apat na buwan na kaming nagsasama ngayon…na sa kabila ng pagmamahal ko sa kanya, ang kalooban ko’y lubhang maandap. Sa mga nalaman ko’y…hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin,” aniya na naguguluhan na.
Nang sumapit ang alas sais ng gabi, oras nang pag-uwi ng kanyang mister ay agad niyang inayos ang sarili. Nakapaligo na siya at inihanda na rin niya ang hapagkainan. Sinabi ng asawa niya na magdadala ito ng pagkain kaya hindi na siya nagluto ng hapunan nila. Palabas siya ng kusina nang…
“Daria! Daria!” malakas na sigaw ng kapitbahay niyang si Marcia.
Nilabas niya ang babae.
“O, bakit, Marcia?
“Ang asawa mo, pauwi na! Lasing na lasing siya! Sumusuray, eh! Naku, mag-iingat ka sa kanya ha? Sige aalis na ako, ayaw kong maabutan ako rito ng mister mo,” bungad agad ng babae sa kanya pagkatapos ay nagmamadali ring umalis.
Kinabahan na naman si Daria at sa pagkakataong iyon ay mas matinding takot ang nararamdaman niya.
“Diyos ko! Lilitaw na yata ang tunay niyang kulay,” nangangatog niyang sabi.
Ilang saglit lang ay natanaw na niya si Wilfredo na parating, susuray-suray nga ito habang naglalakad at papalapit sa kanya.
“Si Wilfredo, lasing nga! At wala nang tao sa daan…marahil ay natatakot sa kanya. Ang sabi kasi ng mga kapitbahay ay grabe raw siya magwala kapag lasing, para raw dem*nyo na papat*y ng tao,” ninenerbiyos na sabi ni Daria.
Pagpasok ni Wilfredo sa loob ng bahay nila ay lulugu-lugo nitong iniabot sa kanya ang dala nitong supot.
“Eto’ng siopao mo, kainin mo na…ako, hindi na kakain, busog ako, hik!” anito na halos hindi na makapagsalita nang maayos sa sobrang kalasingan.
Nagtuloy agad sa kwarto nila ang asawa at ibinagsak ang sarili sa kama. Tulog na tulog ang lalaki, lupaypay na.
Nilinisan ni Daria ang kanyang mister kahit tulog ito bago siya tamilmil na kumain ng dala nitong pasalubong.
“Titirhan ko na lamang siya. Baka magising ng hatinggabi at makaramdam ng gutom,” bulong niya sa sarili.
Kinaumagahan, nagising si Daria sa mga halik at yugyog sa kanya ni Wilfredo.
“Gising na, darling! Sorry kung nalasing ako kagabi. Hindi ko naiwasan ang anyaya ng mga kasamahan ko sa opisina pagkat may isa sa kanila na nagselebra ng kaarawan, eh. Hindi ba kita nasigawan o nasaktan? Kung ginawa ko iyon kagabi ay patawarin mo ako,” sabi nito sa nag-aalalang tono.
Umiling siya. “Hindi, wala ka namang ginawa sa akin kagabi. Natulog ka lang,” sagot niya.
Muli siyang hinagkan ni Wilfredo. Maluha-luha ang kanyang mister.
“Diyos ko, salamat na lamang kung ganoon. Ibig sabihin ay tuluyan ko nang naitakwil ang masama kong bisyo noon. Nadala na kasi ako nang pumanaw ang una kong asawa dahil sa aking kalupitan. Matagal ko nang pinagdusahan at hanggang ngayo’y pinagsisisihan ko pa rin ang nangyari noon. Nangako ako sa aking sarili na magbabago na ako, hindi ko na hahayaan na maulit pa ang nangyari sa yumao kong asawa. Hinding-hindi ko na sasaktan ang babaeng muli kong iibigin sa halip ay iingatan at pakamamahalin o na siya habang ako’y nabubuhay,” sinserong sabi ni Wilfredo at niyakap nang mahigpit ang misis.
Napabalikwas ng bangon si Daria sa tinuran ng mister. Mangiyak-ngiyak din niya itong niyakap nang mahigpit. Wala pala siyang dapat na ikatakot dahil nagawa nang magbago ng kanyang asawa dahil sa pagmamahal nito sa kanya.
“O, Wilfredo, mahal ko, salamat sa iyong pagbabago. Patawarin mo rin ako kung pinag-isipan kita ng masama, nangamba kasi ako na baka gawin mo rin sa akin ang kalupitan mo noon, pero pinatunayan mo ngayon na ibang Wilfredo na ang kaharap ko at hindi na ang dati. Nangangako rin ako na hinding-hindi na kita pagdududahan at pakamamahalin din kita habang nabubuhay ako,” sambit niya.
“Pangako, hindi na magpapakita pa ang dating Wilfredo, hindi na siya magbabalik kahit kailan,” saad pa ng mister.
At ang mga labi nila’y matagal na naghinang at pinaramdam nila ang matindi nilang pag-ibig sa isa’t isa.
Marami talagang nagagawa ang pagmamahal, napagbabago nito kahit pa ang pinakamasamang nilalang dahil ang pag-ibig ay sadyang makapangyarihan.