Inday TrendingInday Trending
Nambabae ang Lalaki Nang Pumunta Ito sa Maynila Habang ang Kaniyang Nobya ay Hinihintay pa rin ang Pagbabalik Niya; Sa Pag-Uwi Niya ay Mapapaluha Siya sa Madaratnan Niya

Nambabae ang Lalaki Nang Pumunta Ito sa Maynila Habang ang Kaniyang Nobya ay Hinihintay pa rin ang Pagbabalik Niya; Sa Pag-Uwi Niya ay Mapapaluha Siya sa Madaratnan Niya

Magkababata sina Noriel at Sanya. Ang dalawa ang palaging magkalaro at magkasama kaya malapit na malapit sila sa isa’t isa. Paborito nilang puntahan ang tabing dagat, doon sila nagtatampisaw at nagpapakasaya. Paminsan-minsan ay nagkakatuksuhan din sila.

“Tandaan mo, Sanya, paglaki natin ay liligawan kita. Dito tayo magpapagawa ng bahay sa tabing dagat,” wika ni Noriel.

“Waaa, itong si Noriel, inay…nanunukso na naman,” sumbong ni Sanya kapag iyon ang binabanggit sa kanya ng kalaro.

“Eh, bakit ayaw mo ba?” tanong ni Noriel.

“A, e-eh…p-pero…” nauutal na sabi ni Sanya.

“Pero ano? Ayaw mo ba o gusto mo?”nakangising sabi ng siyam na taong gulang pa lamang noon na batang lalaki.

Pinamulahan ng pisngi ang walong taong gulang na si Sanya at nagtatakbong umuwi sa bahay nila.

Makalipas ang ilang taon, dalaga at binata na ang magkababata. ‘Di nila akalain na ang tuksuhan nila noon sa tabing dagat ay mauuwi sa totohanan. Niligawan nga ni Noriel ang kaibigang si Sanya at sila ay naging magkasintahan. Ang totoo’y noon pa man ay gusto na nila ang isa’t isa kaya nang tumuntong na sila sa tamang edad ay malaya na nilang pinakawalan ang kanilang mga damdamin.

“Natatandaan mo noon kapag tinutukso kita? Isinusumbong mo ako sa nanay mo,” natatawang sabi ni Noriel sa nobya.

Napabungisngis naman si Sanya at inalala ang nakaraan nila.

“Noon iyon, iba na ngayon. Mga bata pa kasi tayo noon kaya palagi kitang sinusumbong. Ngayong nasa hustong gulang na tayo’y pwede na tayong magmahalan,” sagot naman ng dalaga.

Naging masaya ang relasyon nila bilang magkasintahan habang sila ay nasa probinsya subalit dumating ang pagkakataon na kailangan nila na pansamantalang maghiwalay.

“Luluwas ka sa Maynila, Noriel?” malungkot na tanong ni Sanya.

“Sayang ang scholarship na ibinigay sa akin sa inaplayan kong unibersidad sa Maynila kung hindi ako tutuloy. Doon ko ipagpapatuloy ang kolehiyo. Malaki ang tiyansa kong magtagumpay sa lungsod. Bihira ang pagkakataon na tulad nito,” tugon ng nobyo.

Dahil mahal ni Sanya ang lalaki ay handa siyang suportahan ito.

“Hindi ako magiging hadlang sa mga pangarap at pag-asenso mo, Noriel.”

“Mali ka, mahal ko. Hindi lang mga pangarap at pag-asenso ko lang…para sa pangarap at pag-asenso natin, para sa ating kinabukasan,” sinserong sabi ni Noriel at niyakap nang ubod higpit ang kasintahan.

Hanggang sa dumating ang araw ng pagpapaalam nila sa isa’t isa.

“M-mag–ingat ka, mahal ko…lalo na sa magagandang babae,” sambit ni Sanya na sumimangot pa.

“Huwag kang mag-alala, mahal. Tatakpan ko ang mga mata ko kung lalakad ako sa kalye para hindi makakita ng ibang babae. Ikaw lang ang nag-iisang babae sa buhay ko,” sagot ng lalaki sabay halik sa noo ng nobya.

“Puwera biro, Noriel. Hihintayin ko ang iyong muling pagbabalik. Ang lahat ng lugar na pinaglalagian natin ay araw-araw kong dadalawin lalo na ang tabing dagat,” dagdag pa ni Sanya na seryosong tumingin sa kanya.

“Pangako, hinding-hindi kita malilimutan, Sanya. Ano man ang mangyari ay babalikan kita,” tugon ng lalaki.

Nang umalis si Noriel ay palagi itong tumatawag, nagte-text o nagcha-chat kay Sanya. Halos araw-araw kung kumustahin nila ang isa’t isa. Kulang na lang ay langgamin sila sa palitan nila ng mga matatamis na mensahe ngunit sa lungsod na pinuntahan ni Noriel ay laganap ang tukso. Sa unibersidad kung saan siya kumuha ng scholarship ay doon niya nakilala si Luna, ang pinakamaganda sa mga kaklase niya.

“Uy, Noriel, baka naman pwede mo akong tulungan sa assignment natin sa math? Mahina talaga ang ulo ko pagdating diyan, eh. Ayaw pumasok sa kukote ko ‘yan kahit anong gawin ko,” sambit ng dalaga.

Bilang maginoo ay hindi naman tinanggihan ng lalaki ang pakiusap nito.

“Oo ba! Madali lang ‘yan, sige halika at tuturuan kita.”

Dahil doon ay mas lalong napalapit ang loob ni Noriel kay Luna. Palagi silang magkasamang nag-aaral ng leksyon, kumakain kapag oras ng break at magkasabay na nagpupunta sa library.

Minsan ay niyaya siya ni Luna sa tinitirhan nito.

“May handaan sa amin mamaya, Noriel, birthday ng kasama ko sa apartment. Pwede ba kitang imbitahan?” tanong ng babae.

“Eh, hindi kasi ako mahilig sa…”

Ngunit mapilit ang maganda niyang kaklase.

“Sige na naman, kakantiyawan ako ng mga kaibigan ko kapag hiniya mo ako. Saka masaya roon, hindi ka maiinip, promise!” pangungulit nito.

Napapayag siya ni Luna at isinama siya nito sa inuupahan nitong apartment. Pagdating niya roon ay maraming tao ang naabutan niya. Nagkakasiyahan na ang mga ito. May nag-iinuman, nagbi-videoke at may mga magkakapareha na naghahalikan na isa isang tabi. Tila wild party ang napuntahan niya, ngayon lang siya nakadalo sa ganoong klaseng pagtitipon. Maya maya ay naghubad na ng damit si Luna hanggang sa salawal na lang ang suot nito. Imbes na punahin ang dalaga ng mga taong naroon ay natuwa pa ang mga ito sa ginawa nitong pagbibilad ng katawan.

“Ano ka ba, Luna magbihis ka nga! Pinagtitinginan ka ng mga lalaki, o!” wika ni Noriel na pinulot ang mga damit sa sahig at pilit na ipinasusuot sa babae ngunit tumanggi ito.

“Pwede ba, Noriel, relax and enjoy! Hindi naman siguro ako pangit para hindi nila pagpantasyahan, ‘di ba? Kaya kita isinama rito dahil matagal na kitang gusto, okay? Kahit anong gawin natin dito ay wala silang pakialam. Mga magdyowa rin ang mga ‘yan na nagkakasiyahan sa party na ito, gusto ko’y tayo rin ay magpakaligaya, Noriel,” sagot ng babae na bigla siyang hinalikan sa labi.

Napaatras si Noriel sa pagiging agresibo ni Luna.

“L-Luna, hindi maaari ang gusto mo…m-me…”

Hindi na siya nakapagsalita pa nang muling sinibasib ng dalaga ng mapusok na halik ang labi niya ngunit pilit niya itong itinulak palayo.

“Ano ka ba, Noriel? B*kla ka ba?” inis nitong sabi sa kanya.

Sa tinuran ng babae ay biglang nagpanting ang tainga ni Noriel. Ayaw na ayaw niyang nakukuwestyon ang kanyang pagkalalaki kaya ibinigay niya ang gusto ni Luna. Siya naman ang humalik sa makasalanang labi ng babae. Sa una ay masuyo hanggang sa naging mapusok. Sadyang hindi na niya natakasan ang kakaibang alindog ni Luna, bumigay siya sa mabango at nakalalasing nitong halik na nauwi sa kanilang pagnini*g.

Kinaumagahan, pagkatapos ng klase nila sa unang subject ay kinompronta niya si Luna sa namagitan sa kanila.

“Patawarin mo ako, Luna. H-hindi ko sinasadya ang nangyari kagabi…k-kung gusto mo’y pananagutan ko ang namagitan sa atin, pakakasalan kita,” sabi ni Noriel. Hindi niya namalayan na iyon ang lumabas sa bibig niya, nagulat din siya sa sinabi niya pero huli na para bawiin kaya pangangatawanan na lamang niya.

“A-ano?”

Saglit lang ang pagkagulat ni Luna at bigla itong bumunghalit ng tawa, malakas.

“Nakakatuwa ka, Noriel,” anito.

“B-bakit ka natawa, Luna?” nagtatakang tanong niya.

“Kasi napakakorni mo. Anong patawarin, pananagutan at anong kasal ang sinasabi mo? Sino ang maysabing pakakasal tayo?”

“Kailangang panindigan ko ang ginawa ko sa iyo. Sa probinsya kung saan ako nanggaling ay gayon ang kaugalian,” wika ni Noriel.

Lalong namilipit sa kakatawa ang babae.

“Hay naku, Maynila ito, Noriel. Ayos lang sa akin kung may nangyari sa atin. Hindi lang naman ikaw ang unang lalaking nakanii*g ko,” pagmamalaki pang tugon ni Luna.

Samantala, sa probinsya ay matiyaga pa ring naghihintay si Sanya.

“Ano na kaya ang nangyari kay Noriel? Ilang linggo na niya akong hindi tinatawagan o tine-text man lang. Siguro’y abala lang talaga siya sa Maynila. Kawawa naman ang mahal ko, baka hindi na nakakakain o nakakatulog nang maayos,” nag-aalalang sabi ng dalaga sa isip.

Tulad ng pangako niya, hindi siya nakakalimot dumalaw sa tabing dagat. Patuloy pa ring umaasa na babalikan siya ng nobyo. Lumipas ang isa pang linggo, mga buwan hanggang sa taon na ang nagdaan ay hindi pa rin nagpaparamdam sa kanya si Noriel, pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa.

“Alam kong isang araw ay babalikan mo ako dito, Noriel. Hihintayin ko ang pangako mo,” naluluha na niyang sabi habang pinagmamasdan ang malalaking alon sa dagat.

Naging panata na ni Sanya ang araw-araw na pagpunta sa tabing dagat. Kahit na abutan siya roon ng init ng araw at kung minsan ay mga patak ng ulan ang kinakaharap niya sa paghihintay sa kanilang paboritong lugar ni Noriel.

“Anak, halika na, umuwi na tayo. Basang-basa ka na!” nag-aalalang sambit ng nanay niya nang sunduin siya nito sa tabing dagat habang malakas ang buhos ng ulan.

“Hihintayin ko si Noriel, inay. Nangako siya sa akin na babalikan niya ako rito,” sagot ng dalaga.

Ang hindi alam ni Sanya ay nagpapakasaya si Noriel sa buhay nito sa Maynila bilang binata. Palibhasa’y unti-unting nasanay sa ligaya kaya nalulong ito sa iba’t ibang babae. Pagkatapos nang namagitan sa kanyang nobyo at kay Luna ay bigla na lamang nawala ang babae ngunit may mga pumalit sa puwesto nito na tuluyang hindi napigilan ni Noriel na bigyang atensyon. Maraming tulad ni Luna sa Maynila na magaganda, mapupusok at mapagbigay sa kahinaan ni Noriel bilang isang lalaki. Si Luna ay nasundan pa ng mga babaeng sina Olga, Regina, at Miriam.

Ngunit ang mga iyon ay panandalian lamang dahil sa pagloloko niya at pambababae ay napabayaan niya ang pag-aaral, bumagsak siya sa mga subjects niya at hindi siya makaka-gradweyt.

“Napabayaan ko ang aking pag-aaral dahil sa mga kalokohan ko bilang lalaki. Ano ang mukhang ihaharap ko sa aking mga magulang? A-at si S-Sanya…ano na ang nangyari kay Sanya?” nagsisisi niyang tanong sa sarili na biglang naalala ang kanyang kasintahan na matagal niyang hindi kinumusta at kinalimutan na.

Bigo siyang umuwi sa probinsya. Hindi nakatapos sa kolehiyo dahil sa mga kamalian niyang nagawa pero pinagsisisihan na niya ito at humingi ng tawad sa mga magulang niya. Mabuti na lamang at binigyan pa rin siya ng mga ito ng isa pang pagkakataon.

“Patawad po, inay, itay, nagkamali po ako at tatanggapin ko anuman po ang maging kaparusahan,” aniya.

“Nariyan na iyan, anak…ang mahalaga ay natuto ka na sa mga pagkakamali mo,” wika ng tatay niya.

“Ang mahalaga sa mga naligaw na kagaya mo ay ang matutong balikan ang tamang landas,” sabi naman ng nanay niya.

“E, s-si S-Sanya po? Kumusta po siya? Ni hindi ko na siya natawagan ulit dahil sa mga pinagdaanan ko sa Maynila,” sambit niya sa mga magulang.

Napipilan ang nanay at tatay niya. Rumehistro ang lungkot sa mga mukha ng mga ito.

“M-may nangyari po ba kay Sanya habang wala ako? Nag-asawa na po ba siya o nagkaroon na ng bagong nobyo? Hindi ko siya masisisi…ako ang nagkulang sa kanya,” tanong niya sa malungkot ding tono.

“S-si Sanya ay nanatiling tapat sa iyo, anak, mula nang umalis ka rito sa atin. Kahit kailan ay hindi siya nakalimot sa iyo ngunit….”

Sa sinabi ng mga magulang niya ay halos mapatid ang hininga niya kaya dali-dali siyang nagpaalam sa mga ito para hanapin si Sanya. Unang niyang pinuntahan ang tabing dagat na paborito nilang puntahan noon. Doon nga niya ito natagpuan. Nakaupo ito sa batuhan at matiyaga pa rin naghihintay sa kanya. Agad niya itong nilapitan.

“Sanya, mahal ko, narito na ako! Nagbalik na ako, salamat at hindi mo ako nilimot,” sigaw niya pagkatapos ay pumatak na lamang sa mga mata niya ang luha sa nalaman niya tungkol sa kasintahan.

Nang lumingon si Sanya, gayon na lang ang pagkamulagat ni Noriel.

“Diyos ko, Sanya!”

Wala na sa katinuan si Sanya. Masyado nitong dinibdib ang paghihintay sa kanya hanggang sa tuluyan na itong nabaliw at nawala sa tamang pag-iisip.

Nang makita siya ng dalaga ay kinantahan lang siya nito habang humahalakhak sa tabi ng dalampasigan.

“O, Romeo, halika at halikan mo ang iyong si Juliet! Saan? Saan ako nagkamali? Bakit ako ngayo’y sawi?” paulit-ulit na sambit ni Sanya.

Walang nagawa si Noriel kundi ang mapa-iyak, punumpuno ng pagsisisi.

“Sa nangyaring ito sa iyo’y paano ko mapapatawad ang aking sarili, Sanya, paano? Patawarin mo ako,” lumuluha niyang sabi.

Napag-alaman niya sa mga magulang ng dalaga na labis nitong inisip at dinamdam ang hindi niya pagtawag at pangugumusta rito sa loob ng isang taon kaya hindi na nito kinaya ang sobrang kalungkutan at pag-aalala sa kanya kaya nawala sa katinuan si Sanya. Araw-araw itong nagpupunta sa lugar na palagi nilang pinupuntahan noon lalo na ang tabing dagat, hindi sumuko ang pag-asa na siya’y magbabalik ngunit ang sumuko naman ay ang pag-iisip ng dalaga.

Mula nang matuklasan ang kaawa-awang sinapit ni Sanya ay mas lalo niyang minahal ang nobya at tinulungan itong makabangon sa madilim nitong pinagdadaanan. Nang magbalik siya sa probinsya ay hindi na niya ito iniwan pa at hindi na umalis sa tabi nito. Palagi niyang inaalagaan si Sanya at bawat araw ay pinaparamdam niya rito ang pagmamahal niya. Dalangin niya sa Diyos na sana’y huwag na itong idamay sa kaparusahan niya sa naging kapusukan niya. Umaasa siya na gagaling at magbabalik ulit ito sa dati nitong katinuan at nangangako siyang muli na hinding-hindi na niya ito iiwan at ipagpapalit sa iba.

Advertisement