Inday TrendingInday Trending
Pinagtaksilan ng Babae ang Asawa at Minamaltrato pa ang Bulag na Anak; Matinding Karma ang Babalik sa Kaniya

Pinagtaksilan ng Babae ang Asawa at Minamaltrato pa ang Bulag na Anak; Matinding Karma ang Babalik sa Kaniya

“C-Crispin…um! Yakapin mo ako nang mahigpit! Hmnn!” halinghing ni Nenita.

“O, Nenita! Nakakabaliw ka! Magsama na kasi tayo!” sagot naman ni Crispin habang ninanamnam nila ang bawat sandali na magkasama.

“Eh, paano naman? Buhay pa si Ramon. Baka pat*yin niya tayo kapag ginawa natin ‘yon,” wika ng babae.

“Huwag kang mag-alala, iisip ako ng paraan kung paano mawawala sa landas natin ang asawa mo.”

Matagal nang pinagtataksilan nina Nenita ang mister niyang si Ramon. Hindi naman talaga niya gusto ang lalaking napangasawa niya, pinilit lang siya ng kaniyang mga magulang na ipakasal kay Ramon dahil mabait at masipag ito. Ang tunay niyang iniibig ay ang kababata nilang si Crispin. Walang kaalam-alam si Ramon sa patagong relasyon ng dalawa. Kahit may anak na sila ni Nenita ay hindi magawa ng babae na mahalin ang lalaki. Wala din itong kaamor-amor sa nag-iisa nilang anak na si Putchie dahil ito ay isinilang na bulag.

“Inay, inay…” tawag ng bata sa ina.

“Buwisit itong Putchie na ito kahit kailan! Panira ng araw!” inis na sambit ni Nenita.

“Hayaan mo na, bulag naman ang anak mong ‘yan eh. Hindi niya makikita ang ginagawa natin,” bulong ni Crispin.

“Naku, Crispin, kahit hindi nakakakita ang batang ‘yan ay malakas naman ang pakiramdam niyan kaya ang mabuti pa’y umalis ka na, diyan ka na dumaan sa bintana!” tugon ng babae sa kalaguyo.

Nang makaalis si Crispin ay galit na hinarap ni Nenita ang anak.

“L*tse ka talagang bata ka! Istorbo ka, nakikita mong natutulog ako!”

Pagkatapos sigawan ay pinagpapalo pa ng walis tambo ang bata.

“Tama na po, inay, huwag po! Tatanungin ko lang naman po kayo kung ano ang lulutuin ko para sa pananghalian,” hagulgol ni Putchie.

“Bakit, hawak ko ba ang kusina? Eh, ‘di magluto ka kung ano ang puwedeng lutuin! Huwag na huwag mo akong gagambalain sa pagtulog ko!” anas ni Nenita.

Kahit may kapansanan ay marunong sa mga gawaing bahay ang bata. Masarap din itong magluto kaya palaging ito ang inuutusan ni Nenita na magluto.

Pagkatapos bugb*gin ang anak ay pumasok ulit si Nenita sa kuwarto at nagpahinga. Umiiyak namang lumabas ng bahay si Putchie.

“Bakit ganoon si nanay? Hindi ba niya ako mahal?” humihikbing sabi ng bata sa isip.

Sa ‘di kalayuan ay natanaw na siya ng amang si Ramon. Galing ang lalaki sa pangingisda.

“O, bakit ka umiiyak, anak?” tanong nito.

“H-hindi po, itay. Napuwing lang po ang mga mata ko,” pagsisinungaling ni Putchie.

Hindi magawang ipagtapat ng bata ang palaging pananakit sa kaniya ng ina dahil ayaw niyang mag-away ang nanay at tatay niya. Alam kasi niya ayaw na ayaw ng tatay niya na pinagbubuhatan siya ng kamay ng ina. Ayaw niyang pagmulan pa iyon ng hindi pagkakaunawaan ng mga ito kaya inilihim na lang niya ang nangyari.

Ngunit isang araw ay muli siyang pinalo ni Nenita nang walang dahilan.

“L*ngya kang bata ka! Batugan! Maghapon kang naglalaro. Hindi ka man lang tumutulong dito sa bahay!” galit na sabi ni Nenita habang walang awang pinapalo ng sinturon ang anak.

“Tama na po, inay!” umiiyak na sambit ni Putchie.

Nang makita ni Ramon ang pananakit ng asawa sa anak ay sinaway ito.

“Tama na ‘yan, Nenita! Wala namang ginagawang masama ang bata. Maawa ka sa anak natin, alam mo naman ang kalagayan niya ‘di ba?” wika ni Ramon.

“Kaya lumalaking tamad ang batang ‘yan, eh, kasi kinukunsinti mo!” sagot ng babae.

Inis na pumasok ng kuwarto si Nenita. Naiwan sa sala ang mag-ama.

“Tahan na, anak. Huwag mo nang pansinin ang nanay mo. Pagod lamang siguro ‘yon kaya mainit ang ulo,” sabi ni Ramon sa anak.

Kinagabihan ay muling nagkita sina Nenita at Crispin.

“Bakit, Crispin? Anong pag-uusapan natin?” tanong ng babae.

“May naisip na akong paraan para hindi na hadlang sa pag-iibigan natin si Ramon. Lalasunin mo siya, Nenita! Ihahalo mo ang mabagsik na lasong ito sa kaniyang pagkain,” wika ni Crispin sabay abot sa supot na may lamang lason.

Agad na isinakatuparan ni Nenita ang sinabi ni Crispin. Isang gabi, maaga niyang pinatulog si Putchie. Alas nuwebe na ng gabi nang dumating si Ramon galing sa pamamalakaya. Sabay silang naghapunan.

“Kumain ka na, mahal ko! Pagod na pagod ka sa buong araw na pagtatrabaho kaya ipinagluto kita ng masarap na ulam.”

“Mukhang masarap nga ito ah! Salamat, mahal ko!” tuwang-tuwang sagot ni Ramon.

Habang kumakain ang asawa ay panay ang bulong ni Nenita.

“Kumain ka lang nang kumain, mahal ko, dahil ihahatid ka niyan sa langit!” bulong niya sa isip.

“Maya-maya ay nagsusuka na si Ramon at bumula ang bibig hanggang sa nalagutan na ito nang hininga. Nagtagumpay si Nenita na alisin ang asawa sa kaniyang landas. Matapos na mailibing si Ramon ay tuluyang nang nagsama sina Nenita at Crispin.

“Ang galing mo palang artista, mahal ko? Ang lakas ng iyak mo sa libing ng asawa mo,” nakangising sabi ni Crispin habang kinakarinyo si Nenita.

“Siyempre naman, ginalingan ko talaga ang drama para mas kapani-paniwala,” tatawa-tawa namang sagot ng babae.

Habang pinagsasaluhan ng dalawang taksil ang kaligayahan ay nagluluksa naman at halos hindi na tumitigil sa pag-iyak si Putchie na nasa kusina at nagluluto ng hapunan.

“Kawawa naman si itay, kakalibing pa lang ay pinalitan na agad ni inay,” bulong ni Putchie habang hinahalo ang nilulutong sabaw.

Maya-maya ay lumabas si Nenita at sinigawan ang anak.

“Luto na ba ang ulam, Putchie? Ang bagal mo naman, nagugutom na kami!”

“Pasensya na po, inay. Naubusan po kasi tayo ng asin, eh,” tugon ng bata.

Nanggigil na naman sa galit si Nenita.

“Ang tanga mo naman! Maraming asin diyan sa kusina, nakalagay sa supot!” singhal ng babae.

Kinapa-kapa ni Putchie ang mga nakalagay sa estante hanggang sa madampot niya ang ang supot.

“E-eto pala, nakatago pala rito ang asin,” sambit ng bata.

“Bilisan mo na ang pagluluto at kumakalam na ang mga sikmura namin! Isang tawag ko pa sa iyo at hindi ka pa tapos diyan ay malilintikan ka sa akin!” sigaw pa ni Nenita.

Sa sobrang pagkataranta ay hindi namalayan ni Putchie na naibuhos niyang lahat ang laman ng supot sa nilulutong sabaw. At sa pagmamadali ay nakalimutan na rin niyang tikman iyon.

“Bahala na, ang importante ay tapos na itong niluto ko. Baka kasi saktan na naman ako ni inay,” nag-aalalang bulong ni Putchie sa sarili.

Matapos na maihanda sa hapagkainan ang niluto ay tinawag na niya ang ina.

“Luto na po ang pagkain, inay!”

Nagmamadaling pumuwesto sa mesa ang dalawang taksil. Kapwa gutom na gutom na.

“Mukhang masarap ito ah!” sabi ni Crispin.

“Masarap talaga ‘yan, mahal. Kahit bulag ‘yang si Putchie ay mahusay siyang magluto. Hala kain na!” sagot naman ni Nenita.

“Hoy, Putchie, ibili mo nga ako ng sigarilyo at isang bote ng beer sa tindahan! Bilisan mo!” sigaw ng lalaki saka nag-abot ng pera sa bata.

“Sundin mo na ang Tatay Crispin mo at baka mapalo ka pa niyan!”

Kahit kumakalam na rin ang tiyan ay nagawa pa ring sumunod ni Putchie. Nang makaalis siya ay sabay na nilantakan nina Nenita at Crispin ang niluto niyang pagkain.

Makalipas ang ilang minuto…

“Inay, narito na po ang pinabibili ni T-tito Crispin!” sambit niya.

At katahimikan ang sumalubong sa kaniya. Ilang ulit niyang tinawag ang pangalan ng ina at ni Crispin ngunit walang sumagot sa kaniya. Wala siyang kamalay-malay na kapwa wala nang buhay ang kaniyang ina at ang kalaguyo nito. Parehong bumubula ang bibig ng dalawang taksil. Ang hindi alam ni Putchie, ang akala niyang asin na nailagay niya sa nilutong sabaw ay hindi asin kundi ang mabagsik na lason na ginamit ni Nenita para lasunin ang amang si Ramon. Nakalimutan ng babae na itapon iyon at basta na lamang inilagay sa estante kung saan nakalagay rin ang mga sangkap sa pagluluto.

Kung buhay ang kinuha ay buhay rin ang kabayaran sa ginawang kataksilan nina Nenita at Crispin. Pareho silang nabiktima ng sarili nilang lason.

Dahil ulila na si Putchie ay may mayamang mag-asawang umapon sa kaniya. Itinuring siya ng mga ito na parang tunay na anak. Pinag-aral din siya ng mababait na umampon sa kaniya sa isang kilalang eskwelahan sa Maynila. Dinala rin siya ng mga ito sa ibang bansa para ipatingin sa magaling na espesyalista ang kaniyang mga mata. ‘Di naglaon ay naoperahan siya at muling nakakita. Lubos niyang ipinagpapasalamat sa mga taong kumupkop sa kaniya ang lahat ng ginawa ng mga ito. Sinuklian din niya ng pagmamahal ang pagtulong at pagmamahal na ibinigay sa kaniya ng mga bago niyang magulang ngunit kahit kailan ay hindi niya makakalimutan ang pagmamahal ng yumaong ama kaya palagi pa rin niyang dinadalaw ang puntod nito sa probinsya kung saan siya lumaki at nagka-isip. Napatawad na rin niya ang ina sa mga kasalanan nito para sa ikakapanatag ng kaniyang kalooban.

Advertisement