Inday TrendingInday Trending
Niloko at Sinamantala ng Lalaki ang Kabaitan ng Mayamang Babae na Tinulungan Niya; Sa Huli ay Kabutihan pa rin ang Igaganti Nito sa Kaniya

Niloko at Sinamantala ng Lalaki ang Kabaitan ng Mayamang Babae na Tinulungan Niya; Sa Huli ay Kabutihan pa rin ang Igaganti Nito sa Kaniya

Linggo ng umaga, ipinapasyal ni Dario at Rosel ang kanilang dalawang anak sa parke nang may mapansin si Rosel…

“Uy, Dario, tingnan mo ‘yung ale, o, i-inaatake yata,” wika ng babae.

“Aba’y oo nga!” gulat na sagot ng mister.

Nakita nila ang isang matandang babae na parang naninikip ang dibdib at hindi makahinga habang nakaupo sa bench.

Agad na nilapitan ng mag-asawa ang matanda sa kinauupuan nito.

“Lola, ano pong nararamdaman niyo? Kumapit po kayo sa akin at dadalhin namin kayo sa ospital,” sabi ni Dario sa matanda.

“Nahihirapan akong huminga, hijo…haahh…hahhhh,” tugon ng ale na hindi na makapagsalita dahil kinakapos na nang hininga.

Mabilis na naisugod nina Dario at Rosel ang matanda sa malapit na ospital.

“Mabuti at nadala niyo siya rito nang mas maaga kundi ay nanganib na ang buhay niya,” wika ng doktor.

Nang magkamalay na ang matanda ay labis ang pasasalamat nito sa mag-asawa.

“Salamat sa inyong mag-asawa, kundi sa inyong tulong, ewan ko kung ano na ang nangyari sa akin,” sambit ng matanda.

“Wala pong anuman. Kahit sino naman po siguro ay gagawin din ang ginawa namin,” tugon ni Dario.

“Bakit po kasi lumalakad kayo nang mag-isa. Alam niyo namang delikado sa inyo dahil may sakit pala kayo sa puso,” sabad naman ni Rosel.

“Sawa na kasi ako nang laging may kasama. Pakiramdam ko’y wala na akong kabuluhan kaya naisipan kong lumarga na mag-isa, pero ‘di ko akalain na heto pa ang mapapala ko,” wika ng matanda.

“Sino po ang kasama niyo ngayon sa buhay?” tanong ni Dario.

“Mga kasambahay na lang ang kasama ko sa bahay. Matagal nang sumakabilang buhay ang aking asawa at ang nag-iisa ko namang anak ay nasa Canada. Pihadong pagagalitan ako ng anak kong iyon kapag nabalitaan niya ang nangyaring ito sa akin.”

Maya-maya ay nagpaalam na ang mag-asawa sa matanda na nagpakilalang si Donya Inocencia na isang mayamang negosyante. Bago sila umalis ay binigyan sila nito ng pakimkim na pera na tanda ng pasasalamat sa tulong na ginawa nila.

“Naku, malaki-laki rin itong perang ibinigay ni Donya Inocencia. Salamat sa Diyos, mabibili ko na rin ang kailangang gamot ni Giselle,” wika ni Rosel.

May sakit na hika ang bunso nilang anak na si Giselle kaya kailangan na palagi itong may nakareserbang gamot.

Nang biglang humirit si Dario.

“Ibigay mo sa akin ‘yung kalahati, tutal ay mura lang naman ang gamot ni Giselle, ‘di ba?”

“At saan mo naman gagamitin? Sa bisyo mong pagsusugal? Maano ngang tigil-tigilan mo na ‘yan, Dario!” sagot ni Rosel sa asawa.

“Basta bigyan mo ako ng pera, kundi’y sasamain ka sa aking babae ka!” singhal ni Dario.

“Sawang-sawa na ako sa pagsusugal mo, Dario! ‘Yan ang dahilan kaya hindi tayo umaasenso eh, pinapatalo mo lang sa sugal ang pera natin!”

Wala ring nagawa si Rosel. Umalis din si Dario dala ang kalahati ng pera na ibinigay sa kanila ni Donya Inocencia.

“O, Dario mukhang marami tayong pantaya ngayon ah!” sambit ng isa niyang kaibigan na manunugal din.

“Nakadelihensiya ako, pare, kaya tuloy ang ligaya sa pagsusugal,” sagot ng lalaki.

Ngunit dumating ang pagkakataon na kinapos sa pera si Dario kaya naisipan niyang puntahan ang bahay ni Donya Inocencia. Madali naman niyang nahanap iyon dahil sa address na nakalagay sa calling card na iniabot sa kaniya ng matandang kaniyang tinulungan.

“Kumusta na, Dario? Mabuti’t napadalaw ka,” masayang bati ng matanda.

“A, eh, magandang araw po, Donya Inocencia! N-naalala ko po kasi ‘yung sinabi niyo na kapag nangailangan kaming mag-asawa ng tulong ay magsadya lang ako sa inyo,” tugon ng lalaki.

“Oo naman, hindi ko nakakalimutan iyom, hijo. Ano ba ang maipaglilingkod ko?”

“May sakit po kasi ang bunso kong anak, eh, kailangang-kailangang madala siya sa ospital. N-nahihiya nga po ako, pero…”

Hindi na natapos sa pagsasalita si Dario.

“Ganoon ba? Sandali lang, hintayin mo ako’t kukuha lang ako ng pera sa itaas,” tugon ng matanda.

‘Di nagtagal at…

“O, heto ang pera, dalhin mo na agad sa ospital ang anak mo. Kung kulang pa ‘yan ay bumalik ka ulit dito o tawagan mo lang ako sa numerong nakalagay sa calling card na ibinigay ko sa iyo,” wika ng donya.

“M-maraming salamat po,” tanging sagot ni Dario.

Tuwang-tuwa ang lalaki dahil malaking halaga ang iniabot sa kaniya ng mabait na matanda.

“At bumalik pa raw ako kapag kinulang ito. Ayos talaga ang Donya Inocencia na ‘yon,” bulong niya sa isip.

Lingid kay Dario ay palihim pala siyang sinundan ng matanda at kitang-kita nito kung saan niya dinala ang perang ibinigay nito. Nagtungo agad sa sugalan ang lalaki para waldasin ang pera. Nagsinungaling siya kay Donya Inocencia.

Kinagabihan ay lulugu-lugong umuwi si Dario dahil imbes na manalo ay talo siya sa sugal kaya lahat ng perang ibinigay sa kaniya ni Donya Inocencia ay naubos. Pagdating niya sa bahay ay sinalubong agad siya ni Rosel.

“Dario, kanina pa inaapoy ng lagnat si Giselle. Nahihirapan din siyang huminga. Kailangang madala na natin siya sa ospital, pero paano, walang-wala na tayong pera, naubos lahat sa kakasugal mo!”

Nahimasmasan si Dario, hindi niya alam ang gagawin. Ang pagsisinungaling niya kay Donya Inocencia ay biglang nagkatotoo. Dahil wala na siyang pera ay muli siyang humingi ng tulong sa matanda.

“Magandang gabi, Donya Inocencia! S-sabi niyo po kasi ay magbalik ako kapag kinulang ang perang ibinigay niyo. Talagang hiyang-hiya na po ako, pero….”

Hindi na natapos ni Dario ang sinasabi dahil biglang nagsalita ang matanda.

“Sinungaling ka! Sinundan kita kanina para sana ako na ang personal na maghatid sa anak mo sa ospital gamit ang aking sasakyan dahil ‘yon lang ang pinakamagandang paraan para matapatan ko ang ginawa niyong pagtulong sa akin ngunit natuklasan kong niloko mo lang ako, Dario. Hindi ka naging tapat, kaya dinaramdam ko, hindi ko maaaring kunsintihin ang pagiging sugalero mo!” hayag ni Donya Inocencia.

Parang gustong lumubog sa kinatatayuan niya si Dario sa sinabing iyon ng matanda. Lumong-lumo siya nang lisanin ang bahay nito. Hiyang-hiya sa kaniyang ginawa.

“Kasalanan ko kaya nawala ang tiwala niya sa akin. Diyos ko, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa anak ko,” naluluhang sabi ni Dario sa sarili.

Nang bumalik siya sa bahay nila ay hindi na niya nadatnan doon ang mag-iina niya. Maya-maya ay tinawag siya ng kapitbahay niyang si Mang Augusto.

“Dario, mabuti at dumating ka na. Kaaalis lang nung kotseng nagpunta rito at sinundo ang mag-iina mo. Dadalhin daw yata sa ospital ang anak niyong bunso. May kasamang matandang babae eh, na mukhang mayaman,” sambit ng kapitbahay.

Biglang may pumasok sa isip ni Dario.

“S-si Donya Inocencia…”

Parang piniga ang puso niya sa sinabi ng kaniyang kapitbahay. Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng pagsisinungaling niya kay Donya Inocencia ay nagawa pa rin siya nitong tulungan.

“Diyos ko, salamat po at nakilala namin ang isang Donya Inocencia. Kahit inabuso ko ang kaniyang kabaitan ay sinuklian pa rin niya ako ng kabutihang loob. Pinagsisisihan ko na po ang aking nagawa. Isinusumpa kong mula ngayon ay tatalikuran ko na ang aking bisyo at hinding-hindi na ako magsisinungaling,” sabi ni Dario sa sarili.

‘Di nagtagal ay gumaling din ang bunso nilang anak ni Rosel at nakalabas na sa ospital. Nangako rin siya sa asawa na hindi na mauulit ang mga kasalanan niya. Personal din siyang nagpasalamat at humingi ng tawad kay Donya Inocencia na tinanggap naman iyon ng mabait na donya. Mula noon ay hindi na niya binalikan ang pagsusugal at palagi na rin siyang tapat sa kaniyang sarili at sa kaniyang kapwa.

Advertisement