
Nangutang Pa ang Binatang Ito Para Lamang Makasali sa Patimpalak ng Pagguhit, Siya Kaya’y Magwagi?
“‘Tol, hindi ba’t mahusay ka ring gumuhit? Samahan mo naman ako lumahok sa patimpalak mamaya! Dali na, ayoko kasing sumali nang mag-isa, eh,” panghihikayat ni Donny sa kaniyang kaibigan, isang tanghali nang makasalubong niya ito sa hallway ng kanilang paaralan.
“Naku, ikaw na lang, Donny. Bukod sa wala akong lakas ng loob, wala pa akong mga gamit pangguhit. Ballpen na itim lang ang tanging mayroon ako,” tugon ni Mar.
“Edi bumili ka ng mga kailangan mong gamitin! Sige na, o, may makukuha ka rin namang dagdag na puntos sa pagsusulit natin sa Arts, eh. Manalo ka man o hindi. May matatanggap ka pang limang libong piso kapag nanalo ka!” pangungumbinsi pa nito sa kaniya dahilan para siya’y mapabuntong-hininga.
“Ayoko nga, Donny, ikaw na lang. Kung gusto mo, panuorin na lang kita habang nagguguhit ka. Otso pesos na lang kasi itong pera ko, kahit kalahating illustration board na kailangan para makasali, hindi makakabili,” tapat niyang wika rito saka pinakita ang huling otso pesos na mayroon siya.
“Sayang naman, wala rin naman akong sobrang pera dahil pinangbili ko na ng crayola, lapis at illustration board, na gagamitin ko mamaya,” malungkot sa sambit nito.
“Ayos lang, galingan mo na lang mamaya, papanuorin kita!” pagpapalakas niya ng loob dito saka niya ito tinapik, agad na rin siyang nagpaalam dito para pumasok sa susunod niyang klase.
Hilig ng binatang si Mar noon pa man ang gumuhit. Namana niya ito sa kaniyang ama na kayang iguhit ang lahat ng makita. Kahit ano mang maisipang iguhit nito, mapamukha ng tao o tanawin, kaya nitong iguhit na para bang ito ay inimprenta.
At dahil nga palagi siyang nakamasid sa kaniyang ama sa bawat proyektong ginagawa nito, roon na siya unti-unting nagka-interes sa pagguhit hanggang sa tuluyan na nga siyang humawak ng lapis at kapirasong papel upang subukan iguhit ang kaniyang amang gumuguhit.
Hindi man ganoon kagandahan, sariwa sa isip niya kung gaano kasaya ang kaniyang ama nang makita ang ginawa niya.
Kaya lang, dahil sa kanilang kahirapan, kinailangang tumigil sa pagguhit ang kaniyang ama para magtrabaho. Rito na siya nangako sa sariling balang araw, magiging kasing galing niya ang ama.
Ito ang dahilan para kahit siya’y nag-aaral, hindi pa rin siya tumitigil sa pag-eensayo. Tuwing wala siyang ginagawa sa klase, siya’y gumuguhit imbis na gumagala. Dito niya nakuha ang atensyon ng kaniyang matalik na kaibigang mahilig ding gumuhit.
Kaya naman, sa tuwing may patimpalak, palagi siya nitong hinihikayat. Ngunit kahit gusto man niyang sumali, wala naman siyang pera pangbayad sa registration fee o kung hindi naman, pera pangbili ng kakailanganin niyang materyales.
Noong tanghaling ‘yon, habang nasa klase, hindi mawala sa isip niya ang patimpalak na sasalihan ng kaniyang matalik na kaibigan. Kahit na siya’y nasa klase, ang utak niya’y lumilipad sa patimpalak na iyon.
At dahil nga hindi siya mapakali, naisip niyang humanap ng paraan kung paano makakasali sa patimpalak na iyon. Pinakiusapan niya ang tinderang kakilala niya sa likod ng kanilang unibersidad na siya’y pahiramin muna ng isang illustration board at isang lapis kapalit ng kaniyang walong pisong pera.
Sa kabutihang palad naman, dahil nga siya’y suki na nito, agad siya nitong pinahiram. Doon na siya tumakbo papasok sa unibersidad upang makahabol sa naturang patimpalak. Agad niyang hinanap ang kaniyang kaibigan upang makihati sa pangkulay nito.
Ngumiti lang ito sa kaniya saka sinabing, “Mukhang sigurado na ang pagkatalo ko, ha?” na kaniyang ikinatawa. Bago siya magsimula, nilibot niya ang tingin sa kaniyang mga kakompetensyang mangguguhit na talaga nga namang nagbigay ng kaba sa kaniya. Ang gaganda ng mga gamit na mayroon ang mga ito na tiyak magbibigay ng magandang guhit.
“Kahit na magaganda ang mga materyales na mayroon sila, hindi ka nila matatalbugan! Magsimula ka na, isang oras na lang ang nalalabi!” wika pa ng kaniyang kaibigan dahilan para siya’y mapabuntong-hininga at gawin ang kaniyang makakaya.
Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang natapos. Nagtitingkaran man ang mga guhit ng kaniyang mga kakumpetensya, taas noo niya pa ring pinasa ang guhit niyang mayroon lamang dalawang kulay, mga pangkulay na kaniya lamang nahiram sa kaniyang kaibigan.
Dito na siya nawalan ng pag-asa, iniisip na niya kung paano babayaran ang kaniyang utang sa tindahan at kung paano makakauwi sa kanilang bahay nang walang pamasahe.
Ngunit tila sinagot ng tadhana ng mga alalahanin niyang ito nang marinig niyang siya ang nagwagi sa patimpalak na ito.
Mangiyakngiyak siyang umakyat sa entablado habang hindi magkahumayaw kakasigaw ang kaniyang kaibigang labis siyang pinagmamalaki.
Dahil doon, tuluyan na siyang nakabayad sa tindahan, may pera pa siyang pantulong sa kaniyang pamilya’t nakilala pa ang pangalan niya sa larangan ng pagguhit dahilan para maraming estudyante ang magpagguhit sa kaniya kapalit ng pera.
Ito ang ginawa niyang negosyo habang siya’y nag-aaral na ikinatuwa ng kaniyang ama na ngayo’y paunti-unti na ring muling gumuguhit sa tulong niya.