
Natutuwa ang Dalagang Ito sa Nobyong Mama’s Boy; Sino Kaya ang Isa Pang Ginang na Kasama Nito sa Bahay?
“Sobrang lapit talaga ng nobyo mo sa nanay niya, ano? Nakita ko siyang may kasamang ginang sa mall kahapon, eh. Binili siya ng selpon at sa sobrang tuwa niya, binuhat niya ito saka tumalon nang tumalon. Sayang nga, hindi ko nakuhanan ng bidyo para makita mo!” kwento ni Gwen sa kaniyang pinsan, isang gabi matapos niya itong yayaing mag-inom sa kanilang beranda.
“Ganoon nga ‘yon, sobrang mahal niya ang nanay niya. Sa katunayan nga, hanggang ngayon, katabi niya ‘yong matulog at hindi lang basta katabi, minsan, naaabutan ko pa siyang nakayakap nang mahigpit doon!” segunda pa ni Joan habang inaakto kung paano siya kasaya nang makita ang ganitong klaseng eksena.
“Ang saya sigurong magkaroon ng nobyong malapit sa ina, ano? Parang hinding-hindi ka niya kayang saktan!” tugon pa nito saka iniabot sa kaniya ang bagong bukas na bote ng alak.
“Sinabi mo pa, walang kasing lambing ang mga binatang mama’s boy!” pagmamalaki niya pa.
“Sana makatagpo rin ako niyan!” hiling nito habang nakatingin sa mga bituin na tanaw mula roon.
Tuwang-tuwa ang dalagang si Joan sa ugali ng kaniyang bagong nobyo. Napakalambing kasi nito at tila bata kung kumilos. Hindi ito katulad ng mga dati niyang nakarelasyon na matikas, mayabang, at walang pagmamahal sa pamilya. Sa dalawang buwan nilang relasyon, ni minsan, hindi pa sila nag-away dahil sa tuwing may hindi sila pagkakaintindihan, agad siyang sinusuyo nito at nilalambing.
Sa katunayan, ito ang kauna-unahang lalaking nagpakita nang ganitong ugali sa kaniya na talaga nga namang lalong nakapagpalambot sa kaniyang puso.
Lalo namang lumalim ang nararamdaman niyang pagmamahal sa binatang ito nang malaman niyang malapit ito sa nanay nito. Kahit na nanay na lang nito ang kasama nito sa bahay, ni minsan, hindi niya ito nakitaan ng pagkalungkot. Palagi pa rin itong ganadong umuwi.
May pagkakataon pa ngang tinangka niya itong sinurpresa sa bahay na ito ngunit tila siya ang nasurpresa nang makitang sinusubuan pa ito ng nanay nito ng pagkain na kaniyang ikinatawa.
Hindi niya malimot ang tagpong iyon na paulit-ulit tumatakbo sa isip niya na talaga nga namang nagpapangiti sa kaniya. Sa tuwing kinukwento niya naman ito sa binatang iyon, bukod sa pulang-pula na ang mukha nito, hindi pa ito makapagsalita na lalo niyang ikinatatawa.
Kaya naman nang makarinig siya ng kwento tungkol dito sa kaniyang pinsan, lalo siyang nakaramdam ng saya sa piling ng binatang ito. Pakiwari niya, siya na ang pinakaswerteng dalaga sa buong mundo dahil mayroon siyang ganitong klaseng nobyo na malayong-malayo magloko.
Habang sila’y nagkukwentuhan ng kaniyang pinsan tungkol dito, bigla niya itong na-miss dahilan para agad siyang magdesisyong puntahan ito kinabukasan.
Bago siya magpunta sa bahay ng binata, dumaan muna siya sa isang karinderya upang bumili ng kanilang makakain. Pagkatapos noon, agad na siyang nagtungo sa bahay nito.
Pagdating niya roon, sumalubong sa kaniya ang isa pang ginang na nagwawalis sa harapan ng bahay ng kaniyang nobyo.
“Magandang umaga po, tiyahin po ba kayo ni Joel, ‘yong nobyo ko?” nakangiti niyang tanong dito.
“Nobyo mo? Baka namamalikmata ka ng bahay na pinuntahan, ha? May nobya ang anak ko, kasing edad ko nga, eh, pero mapera, kaya pwede na!” sagot nito habang patuloy na nagwawalis.
“A-ano pong ibig niyong sabihin? Nanay niya po ‘yon, hindi niya po nobya,” nanlalamig niyang tugon.
“Ako ang nanay niya, hija, ano bang problema mo?” inis na sambit nito saka agad na pumasok sa naturang bahay at siya’y naiwang nakatulala roon.
Nakita siya ng tinuturing niyang nobyo, agad siya nitong nilapitan habang siya’y nagpipigil ng luha.
“Paano mo ito nagawa?” mangiyakngiyak niyang sambit.
“Pasensya ka na, ito lang alam kong tanging paraan para may kitain akong pera. Mabuti nga na pumayag pa siya sa relasyon natin. Akala ko, pati ikaw, maaari kong gatasan at maipadala sa pamilya ko sa probinsya,” paliwanag nito, sa labis niyang pagkabigla, ito’y kaniyang nasampal at dali-daling tumakbo pauwi habang pinipigil ang kaniyang mga luha.
Inilabas niya ang lahat ng hinanaing sa pinsan at ang tanging wika nito sa kaniya, “Hindi talaga kahit kailan maganda ang basta magpadala sa damdamin natin dahil nabubulag tayo nito,” saka siya nito mahigpit na niyakap at tinulungan makabangon at makalimot.
Doon niya labis na napagtantong kailanman, sa lahat ng pagkakataon, kailangan niyang mag-ingat sa mga taong darating sa buhay niya. Maaaring mukhang anghel ito at hindi makabasag pinggan ngunit may baho palang itinatago.