Inday TrendingInday Trending
Hindi Makapaniwala ang Dalaga sa Pagkawala ng Kaniyang Ama, Naiyak Siya nang Malaman Kung Sino ang Nasa Likod nito

Hindi Makapaniwala ang Dalaga sa Pagkawala ng Kaniyang Ama, Naiyak Siya nang Malaman Kung Sino ang Nasa Likod nito

“Melanie, kakawala lamang ng tatay mo, gagala ka pa rin. Hindi ka ba pupwedeng magluksa muna kasama ng buo nating pamilya, ha? Paglipas ng apat na pung araw, kahit huwag ka nang umuwi rito sa atin papayagan kita,” sermon ni Aling Any sa kaniyang panganay na anak, isang umaga nang mapansin niya itong palabas ng kanilang bahay habang siya’y nagdidilig ng kaniyang mga pananim.

“Hindi lang naman ako basta maggagala, mama. Hahanap ako ng CCTV footage sa aksidenteng kinasangkutan ni papa,” sagot ni Melanie saka muling naglakad palabas.

“Nahihibang ka na ba? Saan ka naman makakakita noon, ha? Sinabi na sa atin ng mga tao na nakasaksi na ang tatay mo ang may kasalanan, hindi ba?” sambit ng kaniyang ina dahilan para siya mapatigil.

“Hindi ako naniniwalang si papa ang may kasalanan ng aksidenteng iyon. Kahit kailan, hindi nagpatakbo ng mabilis si papa, mama! Bakit ba parang wala lang sa’yo ang pagkawala niya?” naiinis niyang wika na ikinagulat ng kaniyang ina.

“Anong wala lang? Marunong lang akong tumanggap ng pagkakamali ng asawa ko, kaya ikaw, tumahik ka riyan! Subukan mong umalis, hindi na kita papapasukin pag-uwi mo!” sigaw nito sa kaniya saka siya inambagan ng dala-dalang tabo dahilan para siya’y mapapasok na lang sa kanilang bahay at humagulgol sa kabaong ng ama.

Malapit sa ama ang dalagang si Melanie. Simula pa lamang noong bata siya, hanggang ngayong siya’y nakapagtapos na ng pag-aaral at may sarili nang trabaho, ni ayaw niya itong mawala sa paningin niya. Pakiwari niya, siya’y ligtas sa tuwing malapit siya rito.

Kahit na tumambay lamang ito sa silid niya nang kahit ilang minuto habang siya’y kinukwentuhan nito ng kung anu-ano tungkol sa trabaho nito habang siya’y nagbabalot ng mga paninda niyang damit, buo na ang araw niya.

Bukod kasi sa ito ang mag-isang nagpalaki sa kaniya sa loob ng dalawang taon nang minsang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, ito pa ang palaging nagtatanggol sa kaniya tuwing siya’y sinesermunan ng kaniyang ina na bumalik lamang sa kanila nang minsan itong makaranas ng kagipitan sa buhay. Basta’t alam nitong tama ang ginagawa niya, palagi siya nitong pinaglalaban.

Kaya naman, ganoon na lang ang kaniyang paghihinagpis nang pumutok ang balitang nasangkot ito sa isang aksidente sa Maynila habang ito’y nagmamaneho para lamang maihatid ang mga order sa kaniya ng isa niyang kustomer na taga roon.

Hindi siya makapaniwalang ang pagpapaalam niya pala rito noong araw na inutusan niya ito ay ang huling araw na palang makikita niya ito.

Ngunit, kahit na sinabi ng mga pulis na ang ama niya ang may dahilan ng aksidenteng iyon dahil sa tulin nitong magmaneho, hindi pa rin siya mapalagay. Pakiramdam niya, kailangan niyang magsaliksik para mapatunayan ang pagkainosente ng kaniyang ama.

Kilalang-kilala niya kasi ito dahil simula pagkabata, inaangkas na siya nito sa motorsiklo at alam niya kung gaano lang ito kabagal magpatakbo.

Noong araw na ‘yon, kahit na hindi siya pinayagan ng kaniyang ina, umalis pa rin siya ng bahay nang magsidatingan na ang mga makikiramay sa kanila.

Nagpunta siya sa lugar na pinangyarihan ng aksidente at bawat gusaling malapit doon, maliit man o malaki, kaniyang pinagtanungan at labis na inusisa.

Ngunit kahit anong gawin niyang pakiusap, dahil nga wala siyang permiso ng mga kinauukulan, walang may nais na tumulong sa kaniya.

Sa kaniyang pag-uwi kinabukasan, habang siya’y naglalakad patungo sa kaniyang bahay, napansin niyang mabilis na naglalakad patungo sa kabilang kalye ang kaniyang ina na labis niyang pinagtaka dahilan para patago niya itong sundan.

Nakita niyang pumasok ito sa isang itim na sasakyan, parehong-pareho sa sasakyang nakabangga ng kaniyang ama, mayroon pa ngang sira ang unahan nito dahilan para makumpirma niyang ito nga ang sasakyang iyon.

Nanginginig siyang lumapit sa sasakyang iyon at doon niya nakitang nakikipaghalikan ang kaniyang ina sa lalaking nagmamaneho nito dahilan para hampasin niya ng bag ang bintana nito.

“Magpaliwanag ka sa akin, mama!” paulit-ulit niyang sigaw hanggang sa lumabas sa sasakyan ang kaniyang ina.

“Wala akong dapat ipaliwanag sa’yo. Gusto ko lang makawala sa mahirap na buhay na mayroon ako sa ama mo!” sigaw nito sa kaniya.

“Kaya gumawa ka ng paraan para mawala siya sa mundong ito? Asahan mong mabubulok kayo sa bilangguan ng kabit mo!” sigaw niya saka agad na tumakbo.

Nakita niyang hinabol siya nito ngunit ito’y pinigilan ng kasama nitong lalaki na lalo niyang ikinadismaya.

Matagumpay siyang nakapunta sa pulisya at doon niya sinabing ang ina niya at ang kabit nito ang salarin sa pagkawala sa kaniyang ama. Pero dahil wala siyang pruweba, hindi siya pinaniwalaan ng mga ito.

“Samahan niyo ako kung saan nangyari ang aksidente. Maraming CCTV camera roon na makapagpapatunay na sinadya ang pagkawala ng tatay ko!” iyak niya.

At doon na nga niya napatunayang sinadya ang pagkawala ng kaniyang ama. Nakatigil ito habang hinihintay ang stop light ngunit may isang mabilis na sasakyan ang sumalpok dito dahilan para ito’y tumaob at maipitan pa ng isang sasakyan sa kabilang linya.

Dahil doon, tuluyang nakulong ang kaniyang ina at ang kabit nitong papaalis na sana ng bansa. Nakulong man ang kaniyang ina, nabigyang katarungan niya naman ang pagkawala ng pinakamabait na taong nakilala niya.

Advertisement