Inday TrendingInday Trending
Palaging Mainit ang Ulo ng Presidente sa Isa Niyang Empleyado, Sa Huli’y Isang Sikreto ang Sasabog Ukol sa Kanilang Tunay na Ugnayan

Palaging Mainit ang Ulo ng Presidente sa Isa Niyang Empleyado, Sa Huli’y Isang Sikreto ang Sasabog Ukol sa Kanilang Tunay na Ugnayan

“Bakit hindi mo muna sinabi sa akin na may ganitong reklamo tayong hinaharap? Ano bang akala mo? Sa’yo itong kumpanya na ‘to? Tandaan mo, empleyado ka lang dito! HR ka lang at wala kang karapatan na magdesisyon mag-isa lalo na kapag tungkol sa kumpanya ko!” sigaw ni Ginoong Emman, ang may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Roselle.

“Pasensya na po kayo, sir, ginagawa ko lang naman po ang trabaho ko at wala naman pong mali sa ginawa ko. Tinanong ko rin naman po ang ibang manager bago ako nagdesisyon,” pagpapaumanhin ni Roselle sa lalaki.

“Sa manager nagtanong ka pero sa may-ari hindi? Kaunti na lang talaga ang pasensya ko sa’yo! Kayang-kaya kitang tanggalin!” baling pang muli ni Ginoong Emman sa kaniya at pinaghahagis ang mga papel sa nasa mesa niya sa mukha ng babae.

Wala naman nagawa si Roselle kung ‘di tanggapin ang galit ng matanda kahit nga kitang-kita na naman ng buong opisina kung paano siya tratuhin nito.

“Hala ka, Ms. Roselle! Bakit mo tinitiis ang ganyang trato sa’yo ni Pres. Emman, alam naman natin na siya ang may-ari nito pero hindi ba masyado nang sobra ang pang-aapi niya?” wika ni Vivien, katrabaho ng babae.

“Hayaan mo na, naiintindihan ko naman siya. Isa pa, pagod ‘yun,” sagot na lang ni Roselle sa babae.

“Alam mo, sobrang lakas siguro talaga ng kapit mo rito sa kumpanya natin kasi kahit gaano kagalit sa’yo ‘yung may-ari ay hindi ka magawang paalisin!” iiling-iling na pahayag muli ng kaniyang katrabaho at hindi na niya ito pinatulan pa para makaiwas na sa mahabang kwentuhan.

Isa sa mga pinakamatagal na empleyado si Roselle sa kumpanya at maraming nagsasabi na malakas daw nga ang kapit ng babae dahil kahit anong magawa nitong mali ay hindi ito nasisisante at simula rin noong nagtrabaho ito ay walang humpay na rin ang init ng ulo sa kaniya ni Ginoong Emman. Kaya naman ilag na ang ibang empleyado sa kaniya at natatakot na baka mahawa sa galit ng may-ari.

“O, magpapasko na ngayon, sigurado akong mainit na naman ang ulo sa’yo niyang boss mo? Hanggang kailan ka ba magtitiis sa trabaho na ‘yan? Pwede ka naman tumigil at kaya naman kitang buhayin,” wika ni Allan, ang asawa ni Roselle na sumundo sa kaniya.

“Naku, hindi ka na nasanay sa trabaho ko at hindi ka na rin nasanay pa sa buwan na ito. Alam mo naman na ito ang buwan na pinakamainit ang dugo niya sa akin,” nakangiting sagot lamang ni Roselle sa lalaki.

“Ewan ko ba sa’yo, masyado mong minamaliit ang sarili mo sa ginagawa mong iyan!” baling ni Allan.

“Huwag ka nang magalit, hindi pa ito ang panahon para umalis ako sa kumpanya. Hindi ko pa nakukuha ang gusto ko, sana maintindihan mo pa ako,” pakiusap muli ni Roselle sa kaniyang mister. Wala naman nagawa ang lalaki kung ‘di ang tumango na lamang sa babae.

“Roselle, hindi raw makakapasok ngayon si boss sa opisina, masama ang pakiramdam niya. Ipadala mo na lang daw sa driver ang mga papapirmahan sa kaniya,” wika ni Mimi ang kasambahay ni Ginoong Emman.

“A, ganun ba,” malungkot ngunit nagtatakang sagot ng babae. Alam ni Roselle na importante ang araw na ito kay Ginoong Emman kaya naman labis siyang nagpa-isip sa pagliban ng lalaki sa opisina ngunit hindi na muna iyon inisip ng babae dahil siya rin ay may kailangan gawin at ngayon ay magagawa niya lalo na’t wala ang kaniyang amo.

Maaga siyang lumabas sa opisina para bumili ng bulaklak at dumiretso na ito sa kaniyang ina.

Kaya lamang ay laking gulat niyang nang maabutan ang isang tao na nakatayo roon.

“Akala ko po masama ang pakiramdam niyo?” gulat na tanong ni Roselle kay Ginoong Emman na nag-iisa at nakaupo lamang sa tabi ng kaniyang ina.

“Simula nang magtrabaho ka sa akin ay palagi kong pinupuno ang araw na ito para hindi ka makaalis sa opisina at hindi ka makadalaw sa nanay mo pero ngayon, ako na ‘yung napagod,” seryosong wika ni Ginoong Emman at hinaplos ang puntod ng nanay ni Roselle.

Hindi nagsalita ang babae at tahimik lamang niyang inilagay ang bulaklak sa puntod ng kaniyang ina.

“Hindi ka ba napapagod? Wala na akong ginawa kung ‘di ang magalit sa’yo. Hindi ka ba napapagod?” tanong ng lalaki sa kaniya.

“Ayos lang, naiintindihan ko po kayo, mahal na mahal niyo po si mama kaya kayo galit sa akin at hindi ako mapapagod hangga’t may natitira pang galit diyan sa puso niyo,” mahinang sagot ni Roselle.

Hindi naman sumagot si Ginoong Emman at umiyak lamang ito nang umiyak.

Binata pa lamang noon si Emman ay nalaman na niyang hindi siya magkakaroon ng anak ngunit sa kabila ng kaniyang kakulangan ay minahal at pinakasalan pa rin siya ni Marry, ang nanay ni Roselle. Ngunit sa ilang taong pagsasama nila ay biglang nabuntis ang babae sa ibang lalaki, galit na galit noon si Emman sa kaniyang asawa ngunit dahil mas nangibabaw ang pagmamahal niya rito ay tinanggap niya ang pagbubuntis na iyon. Ngunit sa kasamaang palad ay binawian ng buhay si Marry nang isilang niya si Roselle.

Simula noon ay puro galit na ang naramdaman ng lalaki at wala na siyang ibang sinisisi sa pagkawala ng kaniyang asawa kung ‘di si Roselle. Kaya naman lumaki si Roselle na tinatago ang tunay na relasyon niya kay Ginoong Emman at ni isa sa kumpanya ay walang nakakaalam na anak siya sa labas ng lalaki. Kahit minsan din ay hindi niya pinagbigyang makadalaw ang dalaga sa puntod ng kaniyang ina sa araw ng kaarawan nito dahil ito rin ang araw na nawala si Marry sa buhay niya.

Ilang linggo pa ang lumipas at napapansin niyang hindi siya masyadong pinag-iinitan ni Ginoong Emman ngunit mas ikinagulantang niya nang isang umaga ay ipinakilala siya ni Ginoong Emman sa buong kumpanya bilang anak niya at nagulantang ang lahat sa relasyon ng dalawa.

“Patawarin mo ako kung ngayon lang, ngayon lang ako nakapagpatawad. Mahal na mahal ko ang mama mo at siya ang buhay ko kaya noong nawala siya, naging napakahirap para sa akin. Alam ko hindi ako naging mabuting ama sa’yo kahit nga ang habilin niya ay alagaan kita at mahalin, kaya sana, sana mapatawad mo pa ako,” wika ni Ginoong Emman sa kaniya.

Hindi makapagsalita si Roselle at umaagos lamang ang kaniyang luha. Sobra-sobra na ito para sa kaniyang kahilingan na kapatawaran sa puso ng lalaki. Simple lang naman ang gusto ng dalaga sa pagtitiis niya sa kumpanya at ito ay ang mapatawad siya ni Ginoong Emman at ang magkaroon ng maayos na relasyon dito.

Advertisement