
Namuhay ang Ginang na Malaki ang Takot sa Malupit na Asawa; Hindi Niya Inaasahan na May Magliligtas sa Kaniya
“Tama na!” umiiyak na pakiusap ni Florence sa kaniyang asawa ngunit hindi pa rin ito tumigil.
Isang sampal pa ang kaniyang inabot mula dito bago siya nito dinuro.
“Ayus-ayusin mo, Florence. Sa susunod ‘wag ka nang susuway sa utos ko sa’yo kung ayaw mong makatikim,” banta nito, saka siya nito iniwan.
Naiwan siyang nanginginig sa takot habang balot ng panibagong pasa ang katawan dahil sa pisikal na pang-aabuso nito.
Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at nakita niya ang panganay na anak na pumasok. Si Nathan na anim na taong gulang.
Agad niyang pinunasan ang kaniyang luha.
“Bakit, anak? Nagugutom na ba kayo ng kapatid mo?” tanong niya sa anak.
Hindi sumagot ang bata. Sa halip ay nagtanong ito.
“Mommy, bakit ka po umiiyak?” anito.
Umiling siya at ngumiti. Walang saysay na sabihin niya rito ang problema. Masyado pang bata ang kaniyang anak para maintindihan nito ang mga nangyayari.
“Wala, Nathan. Masakit lang ang ulo ni Mommy,” paliwanag niya sa anak.
“Ma’am Florence! Ma’am Florence!” nagulat siya sa biglaang pagpasok ni Linda, ang kanilang kasambahay na tila tarantang taranta.
Agad siyang tumayo at sinalubong ito.
“Ma’am, si Eunice po kasi! Ang taas ng lagnat!”
Wala silang sinayang na oras. Agad-agad nilang isinugod ang bunso niyang anak sa pinakamalapit na ospital.
“Dok, ayos lang po ba ang anak ko?” tanong niya sa doktor.
Seryoso siyang tinignan ng doktor bago sumagot.
“Tatapatin ko na ho kayo, misis. Maselan po ang lagay ng bata. Hindi niya naman po kailangan ng operasyon pero mukhang kailangan niyang niyang manatili dito sa ospital nang matagal-tagal.”
Mula sa pinto ay tinanaw niya ang anak sa kama. Tatlong taong gulang pa lamang ito ngunit marami na agad komplikasyon sa kalusugan. Awang-awa siya sa anak.
“Ayos ka lang ba? Nasaan ba ang asawa mo? Bakit ikaw lang ang nandito?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang ina. Mabuti na lamang ay noong sinabi niya rito ang sitwasyon ay agad itong sumugod sa ospital para samahan siya.
“Nasa trabaho po. Marami raw pong ginagawa sa opisina, sabi ng sekretarya niya,” sagot niya sa ina.
Ang asawa niya ay isang sikat na abogado. Kilala ito dahil sa pagrerepresenta nito sa mga mahihirap at walang pambayad.
Respetadong respetado ito ng mga tao at talagang maimpluwensya ito.
Ang hindi alam ng mga tao, sa likod maganda nitong imahe ay nagtatago ang isang halimaw.
“Pwede po bang dumito muna kayo, Nanay? Uuwi muna ako at kukuha ng damit sa bahay.”
Pumayag naman ito. Habang inaayos ang mga gamit ay nalaglag ang isang papel mula sa kaniyang aparador.
Ang mga papeles para sa paghihiwalay nilang mag-asawa na sikreto niyang ipinakiusap sa kaibigan niyang abogado, na siniguro niyang hindi kakampi ng kaniyang asawa.
Matagal niya na itong pinaplano dahil hindi niya na kaya ang pang-aabuso, ngunit nang malaman ng kaniyang asawa ay tinakot siya nitong hindi nito susustentuhan ang mga anak nila.
Ayos lang sa kaniya ito noong una dahil pwede naman siyang magtrabaho ngunit iba na ang sitwasyon ngayon.
May sakit ang bunso niyang anak at kailangan niya ng pera para maibigay rito ang sapat na atensiyong medikal. Umiiyak na pinunit niya ang mga papeles bago iyon itinapon sa basura.
Kaya naman wala siyang ibang magawa kundi manatili sa tabi ng asawa niyang kung pagbuhatan siya ng kamay ay para siyang sako ng bigas.
Niyakap niya ang sarili habang pilit na kinukumbinsi ang sarili na tama lang ang desisyon niya para sa bunsong anak.
Labing-limang taon ang mabagal na lumipas, at tiniis niya ang lahat ng pasakit at pang-iinsulto ng asawa alang-alang sa mga mga anak nila.
“Ginawa mo na naman kahit ayaw ko? Talagang hindi ka na natuto!” sinampal siyang muli nito.
Namamanhid na ang kaniyang katawan sa sakit na nararamdaman. Hilam na rin ang kaniyang mata sa luha.
Umamba uli ito ng sampal ngunit nagulat siya nang tumilapon ito bigla.
Nanlaki ang kaniyang mata nang makita dalawampu’t isang taong gulang nang anak na si Nathan! Sa kauna-unahang pagkakataon ay nilabanan nito ang sarili nitong ama upang iligtas siya!
Sinuntok nito ang sariling ama habang siya naman ay yakap yakap ni Eunice. Sigurado siyang nakita nito ang buong pangyayari.
“Anak!” sigaw niya sa panganay na anak. Ayaw niyang pati ito ay masaktan.
Ngunit tila nagliliyab sa galit ang mga mata nito.
“Ilang taon akong nagtiis at nagbulag-bulagan! Pero sobra ka na! ‘Wag na ‘wag mo na ulit sasaktan ang nanay ko! Hindi na ako papayag na gawin mo pa ulit ‘yan! Kung kinakailangan kong magtrabaho gagawin ko malayo lang kami sa walang kwentang ama na kagaya mo!”
Kumuyom ang kamao ng kaniyang asawa. “Bastos kang bata ka!”
Ngunit bago pa umigkas ang kamay nito nahila niya na si Nathan. Hindi siya papayag na saktan nito ang kaniyang anak kahit anong mangyari!
Sa halip ay siya ang sumampal dito ng buong lakas. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na lumaban para sa sarili at para sa mga anak niya.
“Maghiwalay na tayo! Hindi ko na kaya na makasama ka at tiisin ang lahat ng pang-aabuso mo!” sigaw niya sa asawa.
Nang gabing iyon ay umalis silang mag-iina sa poder nito. Kahit anong pigil ng asawa ay hindi sila nagpatinag, lalo pa’t handang-handa si Nathan na tapatan ang lakas nito.
Nagdesisyon din silang magsampa ng kaso sa lahat ng ginawa ng asawa sa kaniya.
Sa kabutihang palad ay nanalo sila dahil maraming ebidensya na nagsasabi siya ng totoo.
Tinulungan din sila ng abogado nila na pagbayarin ito ng napakalaking halaga. Nakulong ang dati niyang asawa bilang kabayaran sa lahat ng kasalanan nito habang siya naman sa wakas ay nakalaya sa mapang-abuso nitong kamay at takot na nararamdaman sa araw-araw.
Laking pasasalamat niya sa anak, imbes kasi na ito ang protektahan niya ay ito ang nagbigay proteksyon sa kaniya!