
Sinundo ang Dalaga ng Kaniyang Ama sa Ulanan; Ikinagulat Niya ang Balitang Bumungad sa Kaniyang Pag-uwi
Sasagutin na sana ni Sassa ang tumutunog niyang cellphone nang bigla iyong mawalan ng baterya.
“Naku, malamang si Nanay iyon, nag-aalala na naman dahil naiwan ko ang payong ko,” naiiling na bulong niya.
Malakas kasi ang ulan nang gabing iyon.
“Ano ba naman ‘yan, kailangan ko pa yatang mag-traysikel, sayang pa sa pamasahe,” sa loob loob ng dalaga.
Nanghihinayang siya sa gagastusin na singkwenta pesos. Pandagdag na rin iyon sa pambili ng gamot ng kaniyang ama na may sakit sa puso.
Malakas pa rin ang buhos ng ulan nang makababa siya ng jeep. Tumakbo siya sa isang saradong tindahan upang sumilong.
Nang tanawin niya ang paradahan ng traysikel ay bumagsak ang balikat niya. Wala nang traysikel. Marahil ay maagang pumarada ang mga ito dahil sa lakas ng ulan.
Wala na ring katao-tao kaya naman hindi na rin siya makahanap ng maaaring sabayan papasok sa lugar nila.
Kasalukuyang siyang nagmumuni-muni nang walang ano-ano ay isang pamilyar na lalaki ang sumulpot sa kaniyang harapan.
“Tatay!” gulat na bigkas niya.
Nakangiti ang kaniyang ama habang hawak hawak ang isang malaking payong.
“Ikaw talagang bata ka, nakalimutan mo na naman ang payong mo,” naiiling na wika nito.
Sumilong siya sa payong ng ama bago kumapit sa braso nito.
“Tatay, bakit naman po sinundo niyo pa ako? Baka naman po mapaano kayo niyan,” nag-aalalang sermon niya sa ama.
“Alangan naman hayaan ko lang ang bunso ko na maglakad nang mag-isa habang umuulan?” dinig niyang tugon nito.
Hindi maiwasan ni Sassa na napangiti sa sinabi ng kaniyang Tatay. Kahit kailan talaga ay napakamaalaga nito, lalong-lalo na sa kaniya na bunso nitong anak.
Noong ngang hindi pa ito nagkakasakit ay halos lahat ng hingin niya ay talaga namang ibinibigay ng ama.
Matagal na namayani ang katahimikan habang naglalakad sa ulanan ang mag-ama.
“Anak, pasensiya ka na ha.”
Napakunot noo si Sassa. Bakit ito humihingi ng pasensya?
“Bakit naman po, Tatay?” takang tanong niya.
“Sa edad mo kasi, dapat sa’yo nagsasaya ka. Nag-eenjoy sa buhay. Pero dahil sa sakit ko, alam kong lagi kang problemado at puro trabaho ang iniisip mo.”
Ramdam na ramdam ni Sassa ang lungkot sa tinig ng kaniyang ama kaya naman hindi niya maiwasang maluha.
“Tatay, ano ba naman po ‘yang sinasabi mo? Siyempre po, ako ang bahala sa’yo. May pamilya na sila Ate. Alangan namang pabayaan kita? Tatay kita, eh. ‘Wag niyo po akong alalahanin, Tatay. Ang gumaling po kayo ang nag-iisang gusto kong mangyari,” madamdaming wika niya sa ama bago siya humilig sa balikat nito.
“Maraming salamat, anak. Ang saya-saya ko dahil ikaw ang naging anak ko,” tugon nito.
“Ako po ang swerte sa inyo, Tatay,” nangingiting kontra niya sa ama, dahilan upang tumawa ito.
“Basta anak, tandaan mo, kahit saan man ako naroroon, mahal na mahal kita,” pahayag nito.
“Saan naman po kayo pupunta, Tatay?” takang tanong niya sa ama.
Hindi niya na narinig pa ang sagot ng kaniyang ama dahil naagaw na ng kung ano ang atensyon niya.
May mga tao kasing nakatipon sa harap ng bahay nila, tila nakikiusyoso ang mga ito.
“Ayan na, dumating na si Sassa!” narinig niyang sigaw ng isa sa mga kapitbahay nila.
“Sassa! Tinatawagan ka namin nang paulit-ulit, hindi ka sumasagot!” bungad ng kaniyang Ate Tinay.
“Sorry, Ate. Nawalan ng baterya ang cellphone ko. Bakit nandito ka?” tanong niya sa kapatid.
Napansin niya ang pamumula ng mata ng kaniyang Ate na tila ba galing ito sa pag-iyak.
“Bakit basang-basa ka? Sumugod ka ba sa ulan?”
Takang tiningnan niya ang sarili. Noon lamang din siya nakaramdam ng lamig. Napansin niya na tama ang kapatid niya, basang basa nga siya ng ulan!
“Hindi ko rin alam, bakit basang-basa ako, Ate Tinay. Sinundo naman ako ni Tatay at sumilong ako sa payong na dala niya,” wala sa loob na bulalas niya.
Nang lumingon siya sa likod ay laking pagtataka niya nang hindi niya makita roon ang ama.
Noon niya narinig ang pagbuhanglit ng iyak ng kaniyang kapatid. Niyaya siya nito pumasok sa silid ng kanilang ama.
Tila itinulos siya sa kaniyang kinatatayuan nang makita niya ang ama na nakaratay sa kama. Sa tabi nito ay ang kaniyang ina na walang patid ang pag-iyak, kasama ang dalawa pa niyang kapatid.
“Wala na si Tatay. Inatake siya kanina lang,” wika ng kaniyang kapatid bago tinapik ang kaniyang balikat.
Tila may sumabog na bomba sa harapan ni Sassa. Ilang minuto ang lumipas bago siya nakabawi sa pagkagulat. Tulalang naglakad siya palapit sa amang nakaratay.
“Gusto ka sanang kausapin ng Tatay mo, kaso hindi ka na niya nahintay,” lumuluhang kwento ng kaniyang ina.Tuluyan nang napahagulhol si Sassa. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang mga huling salita na binitiwan ng kaniyang Tatay.
“Basta anak, tandaan mo, kahit saan man ako naroroon, mahal na mahal kita.”
Umiling siya sa ina bago pilit na ngumiti.
“Hindi, Nanay. Nakausap ko pa si Tatay. Nasabi niya sa akin lahat ng gusto niyang sabihin bago siya mawala.”
Gulat na gulat ang kaniyang pamilya nang ikwento niya sa mga ito ang kakatwang pangyayari. Kung paano siya sinamahan pauwi ng kaniyang ama, kung paano ito humingi ng tawad sa mga pagkukulang nito, at kung paano nito sinabi na mahal na mahal siya nito.
Hanggang sa huling pagkakataon ay hindi nagkulang ang kaniyang ama sa pagpaparamdam nito kung gaano siya nito kamahal.
“Mahal na mahal kita, Tatay,” umiiyak na bulong niya sa walang buhay na ama, umaasang maririnig nito ang huling mensahe niya.