Inday TrendingInday Trending
Hindi Mapuknat sa Pagsusugal ang Ginang; Isang Gabi ay Napaiyak Siya nang Hindi Niya Maratnan ang mga Anak Niya sa Bahay

Hindi Mapuknat sa Pagsusugal ang Ginang; Isang Gabi ay Napaiyak Siya nang Hindi Niya Maratnan ang mga Anak Niya sa Bahay

“Lia, ikaw na ang bahala sa mga kapatid mo, ha! Pupunta muna ako sa bahay nila Mareng Elsa. Magluto na lang kayo kung anong pagkain diyan sa ref,” bilin ni Wilma sa panganay na si Lia, labindalawang taong gulang.

Dala ang kaniyang wallet na naglalaman ng pera na ipinadala ng kaniyang asawa ay sabik niyang tinungo ang bahay ng kaniyang kumare.

Sigurado siyang siya na lamang ang hinihintay ng mga ito!

“Mareng Wilma, ano ka ba naman, bakit naman ngayon ka lang, kanina ka pa namin hinihintay!” reklamo ni Elsa nang makapasok siya sa bahay nito.

“Pasensiya na, kadarating lang ng padala ng asawa ko, eh,” sagot niya sa kumare bago sinimulang balasahin ang baraha.

Nasa kainitan sila ng paglalaro nang makarinig sila ng pagtawag mula sa labas ng bahay.

“Mama! Mama!”

Nakaramdam siya ng iritasyon nang mabosesan ang nagmamay-ari ng tinig. Sigurado siyang ang anak niyang si Lia iyon!

Inis na tumayo siya at nagdadabog na nilabas ang anak.

“Ano? Anong problema? Hindi ba sabi ko ‘wag mo akong pupuntahan sa sugalan dahil minamalas ako?” asik niya sa anak.

“Mama, hindi po kasi kami makapagluto dahil wala na tayong gas. Hindi na bumubukas ang kalan,” maamong sagot ni Lia.

“Wala, wala na tayong pambili ng gas! Bumili kayo ng tinapay doon!” sigaw niya bago padarag na inabutan ng singkwenta pesos ang pobreng bata.

Bago pa ito makapagsalita ay bumalik na siya sa upuan niya upang ituloy ang pakikipaglaro.

Sa inis niya ay tila minalas na nga siya nang tuluyan. Nagsunod-sunod na ang kaniyang pagkatalo at ni isang beses ay hindi na ulit siya tumong-its.

“Bwisit!” inis na inis na bulong niya.

“Naku, mare! ‘Wag kasi mainit ang ulo mo para hindi ka dapuan ng kamalasan,” payo ng isa pa sa mga kalaro nila na si Berta.

Isang irap ang ibinigay niya sa babae.

“Itutuloy pa ba natin ‘to? Mukhang ubos na ang pera mo, mare,” wika naman ni Elsa.

Buo ang loob na inilabas niya ang natitirang dalawang libo. Sa totoo lang ay panggastos sana nila ‘yun pero alam niya na kailangan niyang bumawi. Ayaw niya naman na umuwing luhaan.

Nagpatuloy ang kanilang paglalaro subalit sa kamalas-malasan ay patuloy lamang na naubos ang pera na dala niya.

“Naku, hindi ko namalayan na mag-aalas diyes na pala ng gabi! Pasensiya na mga mare, ituloy na lang natin ito bukas, kailangan na rin matulog ng mga anak ko,” wika ni Elsa bago nito inimis ang mga baraha na nasa lamesa.

“Ano? Talo pa ako, hindi pwede!” pag-angal ni Wilma.

Umiling ang kaniyang kumare. “Hindi na talaga pwede, mare. Parating na ang asawa ko at ayokong maabutan niya na nagsusugal tayo dahil sigurado akong magagalit ‘yun. Bukas na lang talaga,” pinal na desisyon nito.

Bagsak ang balikat na umuwi si Wilma bitbit ang kaniyang wallet na halos wala nang natira.

Tila noon lamang din siya nakaramdam ng gutom dahil sa pag-iingay ng kaniyang tiyan. Mabuti na lamang at ilang hakbang na lamang ay nasa bahay na siya.

Nang buksan niya ang pinto, nagulat siya nang salubungin siya ng dilim. Wala kasing ilaw na bukas kahit isa.

Ipinagtaka niya iyon dahil kilala niya ang mga anak. Takot ang mga ito sa dilim.

Inakala niya na naputulan sila ng kuryente, kaya nagulat siya nang pindutin niya ang ilaw ay binalot ng liwanag ang buong kabahayan. Ngunit wala ang mga anak niya.

Kumabog ang kaniyang dibdib. Mag-aalas onse na, saan naman kaya nagpunta ang mga bata?

“Lia? Nasaan kayo?”

Nalibot niya na ang buong araw ay wala pa rin ni anino ng mga anak.

“Diyos ko, nasaan na ang mga anak ko?” nanginginig na sambit niya.

Dali-dali niyang tinungo ang kapitbahay upang magtanong.

“Aling Iska, napansin niyo ho ba ang mga anak ko? Pag-uwi ko ho kasi sa bahay, walang tao!” tarantang tanong nito.

Kumunot ang noo nito, tila nag-isip.

“Kanina, nakita ko sila na umalis. May kasama silang isang lalaki,” sagot ng matanda.

“Ano ho? Sigurado ba kayo? Bakit niyo naman hindi pinigilan?” kastigo niya sa kapitbahay.

“Aba, Wilma, ano bang tingin mo sa akin? Binabayaran mo? Hindi ako nakialam dahil mukhang kilala naman ng mga anak mo ‘yung lalaki!” galit na paliwanag ng matanda.

“Kilala niyo ho ba ‘yung lalaki?” naluluhang tanong niya.

Umingos ang matanda. “Hindi! Hindi ko kilala. Hindi ko suot ang salamin ko kaya hindi malinaw sa akin ang mukha ng lalaki.” Iyon lamang at pinagsarhan na siya nito ng pinto.

Tila kandilang nauupos na napaupo si Wilma sa gilid ng daan.

Nangyari ang lahat ng iyon dahil sa kapabayaan niya! Hindi niya maiwasang mapahagulhol.

“Mama!”

Napapitlag siya nang marinig niya ang tinig ng bunsong anak.

Gulat na nilingon niya ang pinanggagagalingan ng tinig.

Nanlaki ang mata niya. Ang kaniyang mga anak!

Sabik na sinalubong niya ang mga bata.

“Diyos ko, saan ba kayo nanggaling?!” bungad niya sa mga anak na pawang may bitbit na mga pagkain mula sa isang sikat na kainan.

Abot-abot ang pasasalamat niya na maayos ang lagay ng mga anak!

Sasagot sana si Lia nang isang tinig mula sa likod ang sumabat.

“Ikaw, saan ka nanggaling?”

Nanlaki ang mata niya nang makita ang lalaki. Ang kaniyang asawa!

“Arman! Kailan ka pa dumating?” hindi magkandaugagang usisa niya sa lalaki.

“Kanina lang. Susurpresahin ko sana kayo kaya hindi ko sinabi na uuwi ako. Ako pa ang nasopresa! Nakita ko ang mga anak ko na kumakain ng tinapay, habang nasa sugalan ka!” galit na kastigo nito.

Hiyang hiya si Wilma sa asawa. Tila naumid ang dila niya at ni hindi siya makaapuhap ng sasabihin sa lalaki. Buking na nito ang kaniyang bisyo!

Mabuti na lamang at sadyang mabait at maunawain ang kaniyang asawa, kaya agad siyang napatawad nito nang humingi siya ng paumanhin at nang makita nito na nagsisisi siya sa kaniyang nagawa.

Nangako siya na hindi niya na muling gagawin pa ang pagpapabaya sa mga anak. Ayaw niya na ulit maranasan pa ang matinding pag-aalala sa pag-aakalang nawala ang mga ito!

Advertisement