
Napalayas ang Isang OFW dahil sa Traydor Niyang Kasamahan; Hindi Niya Akalaing Ito pa ang Dahilan Upang Umasenso ang Kaniyang Buhay
Hatinggabi na at hindi pa rin tapos sa pagkukwenta ng kaniyang sahod itong si Joana. Kahit anong bilang kasi niya ng kaniyang pera ay hindi pa rin sapat para sa gastusin nila sa isang buwan. Hindi kasi kaya ng nanay niya na magtrabaho pa dahil sa katandaan. Ayaw rin naman niyang pahintuin ang dalawa niyang kapatid na nag-aaral sa kolehiyo dahil para sa kaniya ay ito ang susi sa pag-asenso nila sa buhay.
Imbis na magpakalugmok itong si Joana ay nag-isip na lang siya ng ibang paraan kung paano siya kikita ng mas malaki. Nariyang magtinda siya ng merienda sa pinapasukang pabrika. Ngunit kahit anong pagtitipid din niya ay kulang pa rin lalo na nang dagdagan pa ng doktor ang mga gamot na kailangan ng kaniyang ina.
Kaya nagdesisyon si Joana na mangibang bansa na lamang at doon maghanap ng trabaho.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo ate? Baka naman magaya ka sa mga nababalitaan natin sa telebisyon na malupit ang nagiging amo. Baka mamaya ay mapano ka pa sa ibang bansa,” saad ng nakababatang kapatid na si Marie.
“Lagi n’yo na lang ako isama sa panalangin n’yo. Alam kong hindi tayo pababayaan ng Diyos. Gagawin ko ito para sa inyo dahil mahal ko kayong pamilya ko,” tugon naman ni Joana.
Hindi nagtagal ay tuluyan nang lumipad pa-Saudi itong si Joana. Mabuti na lamang at mabait ang nakuha niyang amo. Sa katunayan nga ay naging maganda ang pagtanggap sa kaniya nito.
Ngunit hindi lahat ay masaya sa pagtanggap kay Joana. Dahil baguhan pa lamang ay madalas siyang pagkaisahan ng mga kasamahang matatagal na sa serbisyo. Ang nakakalungkot lamang ay kapwa-Pinoy niya ang mga ito.
Isang araw ay nakatanggap ng papuri itong si Joana mula sa kaniyang amo. Labis itong ikinatuwa ni Joana dahil bukod sa papuri ay binigyan pa siya ng ekstrang pera ng babaeng amo bilang bonus. Nang malaman ito ng kapwa niya domestic helper na si Kara ay hindi nito naiwasang mainis sa dalaga.
“Sa tingin ko ay banta sa atin ‘yang si Joana. Mantakin mo ang tagal na natin dito pero hindi naman tayo binibigyan ng pera ng ating amo. Lagi pa tayong sinisigawan. Siguro ay sumisipsip ‘yan sa amo natin kaya siya paborito!” wika ni Kara sa mga kasamahan.
“Baka mamaya ay maungusan pa niya tayo lalo pa at naghahanap ng magiging mayordoma ang amo natin. Hindi ko matatanggap na magiging mas mataas ang posisyon niya sa isa sa atin!” dagdag pa ng dalaga.
Samantala, wala namang pakialam si Joana sa kompetisyon at intriga. Ang nais lang naman niya ay pagbutihin ang kaniyang trabaho nang sa gayon ay may maipadala siyang pera para sa kaniyang pamilya.
Ngunit habang tumatagal ay napapansin na niya ang masamang pagtrato sa kaniya ng ibang kasamahan. Hindi na niya naiwasan pa na ikuwento ito sa kaniyang kapatid.
“Mag-iingat ka diyan, ate. Baka mamaya’y may pinaplano na pala sila sa’yo. Iba pa naman ang pag-iisip ng taong pinapaandar ng inggit,” wika pa ni Marie sa kaniyang ate.
“Basta gagawin ko lang kung ano ang tama. Diyos na ang bahalang magprotekta sa akin dito. Tulad ng lagi kong sinasabi, isama n’yo ako at ang aking kalagayan dito sa inyong mga panalangin,” sambit naman ni Joana.
Tila nagkatotoo ang hinala ng nakababatang kapatid ni Joana. Isang araw ay bigla na lamang nabasag ang pinaka iniingat-ingatang vase ng kanilang amo.
“Napakamahal ng presyo niyan! Sino kaya ang nakabasag?” usap-usapan ng mga kasambahay.
Walang kamalay-malay si Joana ngunit nang malaman ng kaniyang amo ang nangyari sa mamahaling vase ay siya ang agad na itinuro ng mga ito.
“Bakit n’yo ako pinagkakaisahan? Hindi naman talaga ako ang nakabasag ng vase,” pagsusumamo ni Joana.
Dahil din sa mabuti niyang nagawa ay hindi na pinabarayan pa sa kaniya ng amo ang naturang base ngunit pinalayas na siya nito.
“Mabuti nga sa’yo, masyado ka kasing mapapel kaya iyan ang napapala mo!” saad ni Kara sa dalaga.
Sa puntong iyon ay batid ni Joana na may kinalaman si Kara sa pagkabasag ng naturang vase. Ngunit wala na siyang magagawa pa dahil napalayas na siya nang tuluyan ng kaniyang amo.
Dahil walang mapupuntahan ay naisipan na lamang ni Joana na pumunta sa embahada ng Pilipinas upang tulungan siyang makauwi. Pinili na lamang niya ang maglakad dahil gulung-gulo na siya sa sitwasyon. Iniisip kasi niya ang naiwan niyang pamilya sa Pilipinas.
“Diyos ko, Kayo na po ang bahala sa akin. Ang nais ko lang naman po ay bigyan ng magandang buhay ang pamilya ko,” pabulong na sambit ni Joana habang pinipigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha.
Maya-maya ay bigla na lamang nagulantang si Joana nang isang sasakyan ang biglang bumangga malapit sa kaniyang nilalakaran.
Nang makita niyang may taong nasa loob ay hindi siya nagdalawang-isip na puntahan ito upang iligtas ang lalaki.
“Stay awake, sir. I will help you get out of this car!” hirap man sa pagi-ingles ay pilit na kinausap ni Joana ang duguang lalaki.
Agad niyang inilayo ang lalaki sa naturang sasakyan at saka siya humingi ng saklolo sa ibang tao. Maya-maya ay may ambulansyang dumating.
Dahil siya ang kaisa-isang testigo sa naturang aksidente ay kinailangan siyang isama sa para na rin makuhaan ng mga pulis ng salaysay.
Takot na takot si Joana dahil akala niya’y mapagbibintangan siya sa nangyari. Mabuti na lamang din at napatunayan na nawalan ng preno ang sasakyan na minamaneho ng lalaki.
Maya-maya ay tuluyan na rin siyang pinaalis ng mga pulis.
Paalis na sana siya ng himpilan ng pulisya ng isang lalaki ang naghanap sa kaniya. Nais siya nitong isama sa ospital dahil hinahanap daw siya ng amo nito upang pasalamatan. Kaya sumama na rin si Joana.
Ang hindi alam ni Joana na ang lalaking kaniyang iniligtas ay isa sa mga prinsipe ng naturang bansa. Kaya hindi lamang pasasalamat at pagkilala ang kaniyang natanggap. Nagbigay din ng malaking halaga ang prinsipe at mga magulang nito. Tinanaw nilang malaking utang na loob ang pagliligtas ni Joana sa prinsipe.
Bukod pa doon ay kinuha din siyang personal na tagapangalaga ng prinsipe kaya nagkaroon na naman siya ng permanenteng trabaho.
Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay biglang nagbago ang takbo ng buhay ni Joana at ng kaniyang pamilya. Hindi na siya muli pang namroblema sa pagpapagamot sa kaniyang ina at higit sa lahat ay napagtapos na niya ang kaniyang mga kapatid sa kolehiyo. Nakabili rin siya ng malaking lupa at pinagawaan niya ng malaking bahay ang kanilang pamilya.
Minsan ay hindi maiwasan Joana na balikan ang lahat ng nangyari sa kaniyang buhay. Kahit paano ay nagpapasalamat siya na napaalis siya sa dati niyang pinagtatrabahuhan. Kahit na pinagtulungan siya ng mga dating kasamahan ay naniniwala siyang hindi siya pinabayaan ng Diyos dahil mas maganda ang naging kapalit nito.
Tunay ngang pinagpapala ng Diyos ang lahat ng naniniwala at nananalig sa Kaniya. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa dahil malaki man ang pagsubok sa ating buhay ay mayroon naman tayong mas malaking Diyos na laging nakasubaybay sa atin.