
Nakinig ang Ginang sa Sulsol ng Kaniyang Biyenan na Magtrabaho Siya sa Ibang Bansa; Kinalauna’y Bumalik din Siya dahil sa Isang ‘Di Inaasahang Pangyayari
“Arman, tingnan mo nga itong si Junjun. Hindi mo ba napapansin na parang ang payat naman niya at maliit para sa kaniyang edad? Siguro ay hindi ito nabibigyan ng wastong nutrisyon. Pinapakain ba ‘to ng wasto ng asawa mo?” naiinis na sita ni Aling Pacita sa kaniyang anak.
“Baka pwedeng hinaan n’yo lang ang boses n’yo, ‘nay, at baka marinig kayo ng asawa ko. Siyempre naman po inaalagaan namin ‘yang si Junjun. Kahit nga abala sa mga gawaing bahay si Carmen ay tinitiyak niyang naasikaso ang anak namin. Siguro ay ganyan lang talaga ang pangangatawan ng bata,” depensa naman ni Arman.
“Ang sabihin mo ay kung anu-ano ang inuuna ng asawa mo at napapabayaan na niya itong si Junjun. Magtrabaho na lang siya sa ibang bansa nang sa gayon ay makatulong siya sa iyo! Kung siya ang nagtatrabaho ay tiyak kong mas malaki ang mauuwi niyang pera,” dagdag pa ng matanda.
“At sino naman po ang mag-aalaga sa anak namin. Hindi naman pwedeng ako ang nasa bahay dahil ako ang padre de pamilya. Dapat ako ang naghahanapbuhay,” wika pa ni Arman.
“Ako na lang ang mag-aalaga dito kay Junjun. Baka sakaling mapataba ko pa itong bata. Sa tingin ko ay mas maasikaso ko siya. Saka tingnan mo ‘yung kababata mong si Larry, ‘yung asawa niya ay nagtrabaho sa ibang bansa, ngayon ay nakapagpatayo na ng bahay. Kausapin mo ‘yang asawa mo nang sa gayon ay guminhawa ang buhay n’yo,” sulsol pa ni Aling Pacita sa anak.
Ngunit batid ni Arman ang hirap ng buhay sa ibang bansa. Mas gugustuhin pa niyang siya na lang ang maghanap buhay sa ibang bansa kaysa ang kaniyang asawa. Ang hindi alam ni Arman ay narinig pala ng kaniyang asawa ang pag-uusap nilang mag-ina.
“Gusto mo bang maghanapbuhay ako sa ibang bansa, Arman?” tanong ni Carmen sa mister.
“H-huwag mo nang intindihin ang sinabi ni nanay. Ako na ang bahala sa pamilya natin. Nabubuhay naman tayo sa pamamasada ko, ‘di ba? Pagtiisan n’yo na lang muna kung ano ang makakaya kong ibigay,” pahayag naman ni Arman.
Dahil sa sinabing iyon ng mister ay naging panatag na ang kalooban ni Carmen.
Ngunit isang araw ay pansamantalang nawalan ng hanapbuhay itong si Arman.
“Tigil pasada raw muna ngayon dahil wala ding kinikita ang may-ari ng dyip. Talo pa raw siya sa gastos kapag nasira ang sasakyan,” saad ni Arman sa kaniyang asawa.
“Subukan na lang muna nating magtinda sa harap ng bahay natin. Kahit inihaw o mga pang merienda. Sa tingin ko ay sasapat na ‘yun sa pang-araw-araw nating gastusin habang hindi ka pa nakakabiyahe,” wika naman ni Carmen.
Habang matiwasay na nag-uusap ang mag-asawa ay biglang dating naman ni Aling Pacita.
“Tigil pasada raw kayo sabi ng kumpare mo, Arman? Paano mo na bubuhayin ang pamilya mo?” tanong ng ina.
“May plano na po kami nitong si Carmen. Baka po magtinda na lang muna kami sa labas,” tugon naman ng ginoo.
“Kakarampot lang ang kikitain n’yo diyan. Talo pa kayo sa pagod. Kung sinusunod n’yo kasi ang payo ko na mag-ibang bansa na iyong si Carmen, malamang ko ay nakaahon na kayo sa kahirapan!” sambit ni Aling Pacita.
Hindi na lamang pinansin ng mag-asawa ang mga sinasabi ni Aling Pacita tungkol sa paggigiit nito na mangibang bansa si Carmen.
Ang hindi alam ni Arman ay sa tuwing wala siya sa bahay ay nagtutungo doon si Aling Pacita upang kumbinsihin ang manugang na magtrabaho sa ibang bansa.
“Nahihirapan na rin si Arman sa paghahanap ng paggastos n’yo! Ikaw, Carmen, bilang isang babae ay gumawa ka ng paraan. Huwag ‘yung parang pabigat ka pa. Siyempre, hindi ka talaga papayagan nitong si Arman na magtrabaho sa ibang bansa dahil iyon ang pinaparamdam mo sa kaniya. Mataas ang pagtingin ng mga lalaki sa kanilang sarili. Kung ipapakita mo kay Arman na ayos lang sa’yo na magtrabaho sa ibang bansa ay baka pumayag na rin siya. Ayaw mo bang umayos ang kalagayan ng pamilya n’yo?” sambit ng biyenan kay Carmen.
“Ako na ang bahala sa anak mo. Aalagaan ko siya higit sa pag-aalaga na kaya mo! May kilala rin akong nag-aayos ng papeles para makaalis ka kaagad. Ano? Gusto mo bang maging isang OFW at makatulong sa pamilya mo?” giit pa ni Aling Pacita.
“Pag-iisipan ko muna po, ‘nay. Kailangan din kasi na maluwag sa loob ni Arman ang kanyang magiging desisyon. Isa pa, hindi ko kayang iwan si Junjun,” saad pa ni Carmen.
“Nasasabi mo lang ‘yan ngayon dahil may kinakain pa kayo. Kailan ka kikilos kapag wala nang oportunidad at talagang salat na kayo sa buhay?” wika pa ni Aling Pacita sa manugang.
Alam ni Carmen na hindi siya titigilan ng kaniyang biyenan. Dahil sa pangako ni Aling Pacita na aalagaan niyang mabuti si Junjun ay napapayag na rin niya si Carmen na maging isang domestic helper sa ibang bansa.
Pumayag na rin si Arman dahil ang alam niya ay kagustuhan ito mismo ng kaniyang asawa.
Ilang buwan pa lamang sa ibang bansa itong si Carmen ay maya-maya na ang pagpapahaging sa kaniya ng kaniyang biyenan.
“Lakihan mo naman ang padala mo, Carmen. Hindi naman madali ang mag-alaga ng bata. Saka dagdagan mo ang mga tsokolate sa balikbayan box na ipapadala mo. Bibigyan ko ang ilang kumare ko,” sambit ng biyenan.
“Pasensya na kayo, ‘nay, at kailangan ko ding magtipid dahil nais kong makapag-ipon para makauwi na ako kaagad diyan. Kumusta na po ba si Junjun? Ayos lang po ba siya?” tanong ni Carmen na nangungulila na sa anak.
“Huwag mo nang masyadong intindihin si Junjun at inaalagaan ko siya. Basta ‘yung mga bilin ko sa’yo, Carmen, ha! Dagdagan mo ang mga padala mo,” sambit muli ng biyenan.
Tinupad naman ni Carmen ang nais ng kaniyang biyenan dahil nahihiya rin siya sa pag-aalaga nito sa kaniyang anak. Kahit na nangungulila si Carmen sa kaniyang mag-ama ay tinitiis niya ang lungkot para lang makapag-ipon silang mag-asawa.
Ngunit ang akala niyang maayos na kalagayan ni Junjun ay hindi totoo. Inaalagaan lang kasi ni Aling Pacita itong si Junjun sa tuwing nariyan ang kaniyang anak. Kapag wala si Arman ay walang ginawa itong si Aling Pacita kung hindi makipagtsismisan sa kaniyang mga kumare.
“Mas magaling pa rin ako sa inyo dahil hanggang ngayon ay kaya ko pa ring pasunurin ang anak ko at ang manugang ko! Tingnan n’yo nga at napaalis ko papuntang ibang bansa!” pagmamalaki ni Aling Pacita sa mga kapitbahay.
Habang abala sa pakikipagtsismisan ang ginang ay hindi niya napansin na nakalabas na pala ng gate itong si Junjun. Hinabol nito ang isang tutubi at sa kasamaang palad ay tumawid sa lansangan at nasagasaan ng humaharurot na motorsiklo.
Napahiyaw na lamang ang mga kapitbahay nang makita ang sinapit ni Junjun.
“Hindi ko po napansin ang bata, bigla po siyang tumawid!” kinakabahang sambit ng motorista.
“Napakabilis kasi ng pagpapatakbo mo!” sigaw ni Aling Pacita sa drayber.
Agad na tumawag ng ambulansya ang mga kapitbahay. Nang malaman naman ni Arman ang nangyari sa anak ay agad itong umuwi ng bahay. Hindi ngayon alam ng mag-ina kung paano sasabihin kay Carmen ang sinapit ng anak.
Hanggang sa tumawag na itong si Carmen.
“Mahal, kumusta si Junjun? Napanaginipan ko siya at hindi maganda ang nilalaman ng panaginip ko. Pwede ko ba siyang makausap nang sa gayon ay mawala ang agam-agam sa puso ko? Miss na miss ko na ang anak natin. Gusto ko na siyang mayakap muli,” bungad ni Carmen sa asawa sa telepono.
Dito na inamin ni Arman ang nangyari sa kanilang anak.
“Nasa kritikal na kalagayan si Junjun, Carmen. Hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin kasi sa’yo. Patuloy ang panalangin ko na sana ay gumising na siyang muli,” umiiyak na sambit ng mister.
Labis na nagulat si Carmen sa tinuran ng asawa.
“Hindi ko na tatapusin ang kontrata ko, Arman. Babalik na ako diyan at ako mismo ang mag-aalaga sa anak ko. Hindi ko gusto ng buhay na masagana kung hindi ko rin lang kasama ang anak ko!” pagtangis ng ginang.
Tuluyan nang umuwi si Carmen sa Pilipinas. Diretso agad siya sa ospital kung nasaan ang kaniyang anak. Lubhang nahabag si Carmen nang makita niya ang kalunos lunos na sinapit ni Junjun.
“Ang akala ko ba ay aalagaan n’yo ang anak ko higit pa sa pag-aalaga na kaya ko? Bakit nasa ganiyan siyang kalagayan? Bakit siya nasagasaan at bakit wala siyang malay ngayon?” nangagaglaiting sambit ni Carmen sa kaniyang biyenan.
“Patawarin mo ako, Carmen. Hindi ko naman ginusto ang nangyari!” wika naman ni Aling Pacita.
Ngunit kahit anong paghingi ng tawad ng biyenan ay ayaw tanggapin ni Carmen.
“Hindi matutumbasan ng paghingi n’yo ng paumanhin ang buhay ng anak ko. Dapat talaga ay hindi na ako nagpasulsol sa inyo upang umalis ng bansa. Kung ako ang nag-alaga sa anak ko ay hindi ito mangyayari sa kaniya!” sambit pa ng ginang.
Sising-sisi si Carmen dahil nakinig siya sa kaniyang biyenan. Nais man niyang sisihin ang biyenan ay wala na itong magagawa dahil hindi na nito maibabalik pa ang mga nangyari.
Kaya nagpakatatag na lamang si Carmen at inalagaan si Junjun. Walang panahon na umalis si Carmen sa tabi ng anak. Hindi na rin niya pinalapit ang kaniyang biyenan sa kanilang mag-ina dahil sa sama ng loob.
Ilang araw lang ang nakalipas ay unti-unti nang bumuti ang kalagayan ni Junjun. Pagdilat ng mga mata nito’y masaya ang bata na una niyang nasilayan ang mukha ng kaniyang ina.
“Nanay, masaya po ako at narito na po kayo ulit. Parang awa n’yo na p, huwag n’yo na po akong iwan ulit. Mas gusto ko po na kayo ang nag-aalaga sa akin,” saad ni Junjun sa ina.
Ikinuwento ni Junjun ang lahat ng nangyari sa kaniyang ina. Lalo pang sumama ang loob ni Carmen sa kaniyang biyenan nang malamang nakikipagtsismisan lamang ito habang ang kaniyang anak ay nalagay na sa alanganin.
Mula noon ay hindi na pinagkatiwala pa ni Carmen ang pangangalaga sa kaniyang nag-iisang anak. Hindi na rin siya bumalik pa ng ibang bansa para matutukan ang pagpapagaling ng anak. Labis ang kaniyang pasasalamat sa pangalawang buhay na ibinigay ng Diyos kay Junjun.
Labis naman ang kahihiyan at pagsisisi ni Aling Pacita. Maging siya ay sinisisi rin niya ang kaniyang sarili sa lahat ng nangyari. Humingi siya ng kapatawaran kay Carmen at kay Arman lalo na sa batang si Junjun.
Pinatawad man siya ng mag-asawa ay hindi na maibabalik pa ang dati nilang samahan.