Inday TrendingInday Trending
Nag-iipon ang Ama para sa Surpresang Regalo sa Kaarawan ng Anak; Hindi Niya Inaakala na Higit pa Rito ang Kanilang Matatanggap

Nag-iipon ang Ama para sa Surpresang Regalo sa Kaarawan ng Anak; Hindi Niya Inaakala na Higit pa Rito ang Kanilang Matatanggap

Malalim na ang gabi at tiniyak ni Mang Karding na tulog na ang kaniyang nag-iisang anak. Pumunta siya sa kaniyang lumang aparador at saka niya inilabas ang kaniyang latang alkansya. Dahan-dahan niyang binilang ang ilang perang kaniyang naipon. Dalawang araw na lang kasi ay kaarawan na ni Junior at nakapangako siya dito na bibilhan niya ng bagong laruang robot.

“Dalawang daan at labing limang piso lahat. Kulang pa ako ng mahigit dalawang daan para mabili ko ang laruan na ‘yun,” bulong niya sa kaniyang sarili.

“Sana ay may tanggap akong trabaho bukas nang sa gayon ay may maipandagdag ako sa pambili ng regalo,” dagdag pa ni Mang Karding.

Nang maramdaman niyang naaalimpungatan ang kaniyang anak ay dali-dali niyang tinago ang alkansya at saka bumalik siya sa pagkakahiga.

Pinilit ni Mang Karding ang matulog dahil kinabukasan ay maaga siyang pupunta sa talyer upang magbakasakali na may trabahong naghihintay para sa kaniya.

Bago pa lang pumutok ang araw ay bumangon na si Mang Karding upang ipaghanda ng almusal si Junior.

“Kumain ka ng madami anak at nang sa gayon ay magkasya itong ipapabaon ko sa’yong pera. Pasensiya ka na at sampung piso lang ang baon mo,” wika pa ni Mang Karding.

“Wala pong kaso sa akin ‘yun, ‘tay. Aalis po ba kayo ngayong araw?” tanong naman ni Junior sa ama.

“Oo, pupunta ako ng talyer. Titignan ko kung makakaekstra ako ngayon doon kung hindi naman ay pupunta ako ng palengke para magbuhat ng mga pinamili. Sayang din kasi ang kikitain ko. Pandagdag panggastos din natin,” saad naman ni Mang Kardo.

Hindi sumubo man lamang si Mang Karding para maibigay ang lahat ng pagkain sa kaniyang anak. Gumayak na lang ito nang sa gayon ay maihatid pa niya si Junior sa paaralan bago siya pumunta ng talyer.

Napansin ni Junior na sira-sira na ang damit ng kaniyang ama.

“‘Tay, butas na po ang damit n’yo. Pati po ang pantalon n’yo ay masisira na rin. Wala na po ba kayong ibang damit?” saad ni Junior sa ama.

“Sa totoo lang ay ito na ang pinakamaayos kong damit anak. Nahihiya ka ba na makita ng mga kaibigan mo kapag hinatid kita sa paaralan? Kung gusto mo ay didistansya na lang ako sa’yo,” tugon pa ni Mang Karding.

“Hindi po, tatay. Kahit kailan ay hindi ko po kayo kinahiya. Nagtataka lang po kasi ako bakit hindi man lamang po kayo bumili ng bagong damit. Kahit isang polo at isang pantalon lamang para sa sarili n’yo,” wika pa ng bata.

“Hindi na mahalaga sa akin ang mga bagay na ‘yan, anak. Ang importante sa akin ay may laman lagi ang sikmura mo at may mahuhugot ako kapag may kailangan ka sa eskwela. Pasensyahan mo na muna ang tatay sa ngayon. Gagawin ko ang lahat para lang mabigyan ka ng mas maginhawang buhay,” sambit muli ng ama.

“Sana tumanda na po ako tatay nang makahanap na po ako ng trabaho. Pangako ko po na ako ang magbibigay ng magandang buhay sa inyo,” tugon pa ni Junior.

Maya-maya ay natapos na rin si Junior sa kaniyang pagkain at tuluyan na silang umalis ni Mang Karding. Habang naglalakad sila ay pinagmamasdan ni Junior ang kaniyang ama. Kahit na kasi hindi maayos ang pananamit nito at kitang kita mo ang hirap sa payat na pangangatawan ay mababanaag mo pa rin sa kaniyang mukha ang pag-asa.

Nang maihatid ni Mang Karding ang kaniyang anak sa paaralan ay agad siyang dumeretso sa talyer. Sa kasamaang palad ay sarado ito. Kaya napilitan na lamang siyang pumunta sa palengke upang umekstra bilang kargador.

Hindi inaalintana ni Mang Karding ang bigat ng kaniyang mga binubuhat kapalit ng kaunting barya. Nakatatak kasi sa kaniyang isipan na nais niyang mapasaya ang kaniyang anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong laruan. Iniisip na niya kung ano ang magiging reaksyon nito kapag nakita niya ang bagong robot.

Ngunit inabot na ng hapon itong si Mang Karding at kulang pa rin sa isang daan ang kaniyang pera. Pauwi na sana si Mang Karding ng makasalubong siya ng isang matandang babaeng humahangos.

“Magnanakaw! Magnanakaw!” sigaw ng matandang babae.

Hindi nagatubili si Mang Karding na habulin ang magnanakaw at ibalik ang nakuha sa matanda. Labis naman ang pasasalamat sa kaniya ng matandang babae dahil laman pala ng kaniyang bag ang lahat ng nakolekta siyang renta sa pwesto sa palengke.

“Maraming salamat sa’yo. Hindi ko alam kung paano ka pasasalamatan. Tanggapin mo na lang itong tatlong libong piso kapalit ng iyong kabutihan,” saad ng matandang babae.

Ngunit hindi ito tinanggap ni Mang Karding.

“Ale, nahihiya man po ako ngunit maaari po ba akong humiling sa inyo? Imbis na bigyan n’yo po ako ng tatlong libong piso ay baka pwede n’yo akong bigyan ng regular na trabaho. Kargardor, tagalinis, hardinero, kahti ano po basta po permanente. May isang anak po kasi akong umaasa sa akin at nais ko pong makapagtapos siya ng pag-aaral. Ayaw ko pong mabigo siya sa buhay,” hindi na naiwasan pa ni Mang Karding ang maluha habang iniisip niya ang kaniyang anak.

Napahanga naman ang matandang ginang sa kadakilaan ni Mang Karding.

“Tanggapin mo na itong tatlong libong piso na ito. Sa makalawa ay bumalik ka dito sa palengke. Pumunta ka sa aking opisina at bibigyan kita ng permanenteng trabaho,” saad pa ng matandang babae.

Dito na bumaha ang luha mula sa mga mata ni Mang Karding.

“Maraming salamat po, ginang! Kaarawan ng anak ko bukas at nag-iipon ako ng pambili ng regalo para sa kaniya. Malaking tulong po ito nang sa gayon ay maipaghanda ko rin siya sa unang pagkakataon,” pagtangis pa ni Mang Karding.

Masayang masaya si Mang Karding na umuwi ng bahay. Kinabukasan ay maagang namili si Mang Karding nang sa gayon pag-uwi ng kaniyang anak ay mayroon nang nakahandang pansit at keyk na kanilang pagsasaluhan. Nabili na rin niya ang laruang robot na kaniyang pinakaaasam na maibigay sa kaniyang anak.

Pag-uwi ni Junior ay napaluha ito nang makita niya ang inihandang surpresa sa kaniya ng kaniyang ama.

“May trabaho na rin si tatay, anak. Hindi na tayo mahihirapan pa,” masayang ibinalita ni Mang Karding ang nangyari sa kaniya.

Maya-maya ay may inilabas din mula sa kaniyang bag si Junior.

“Pasensya na po kayo at binalot ko lang po sa papel. ‘tay, nakalimutan po ninyong kaarawan n’yo rin po ngayon. Sabay po tayo ng birthday, hindi ba? Kaya bumili po ako ng regalo para sa inyo. Inipon ko po ito sa mga baon na ibinigay n’yo. Pasensya na po at ito lang ang nakayanan ko,” saad ni Junior sabay bigay ng regalo sa ama.

Dali-daling binuksan ni Mang Karding ang regalo at napaluha siya nang masilayan ang bagong polo na bigay ng anak.

“Pangalawa itong pinakamagandang regalong natanggap ko sa buong buhay ko,” saad ni Mang Karding.

“A-ano po ba ang unang pinakamagandang regalo na natanggap n’yo, tatay?” pagtataka naman ng anak.

“Ikaw, anak. Ikaw ang pinakamagandang regalo na bigay sa akin ng Panginoon,” tugon ni Mang Karding sabay yakap sa kaniyang nag-iisang anak.

“Maligayang kaarawan, anak,” wika pa ng ama.

“Maligayang kaarawan din po, tatay,” sambit naman ni Junior.

Masayang pinagsaluhan ng dalawa ang handang pagkain. Buong pag-asang hinarap ng mag-ama ang magandang buhay na naghihintay sa kanila.

Advertisement