
Tinalikuran ng Dalaga ang Sariling Kaligayahan para Itaguyod ang Pamilya; Paglipas ng Panahon ay Hindi Niya Akalain Kung Sino ang Magsasalba sa Kaniya
“Patawad, Noli, pero kailangan na nating maghiwalay. Nalaman na ng mga magulang ko ang relasyon natin at ayaw kong may mangayaring masama sa’yo. Ngayon pa lang ay kalimutan mo na ako dahil masakit man sa akin ay kailangan ko na ring kalimutan ka,” umiiyak na sambit ni Remy sa kaniyang kasintahan.
“Akala ko ba ay mahal mo ako, Remy? Hindi naman ako natatakot sa kayang gawin ng mga magulang mo. Sumama ka na sa akin at magtanan tayo. Ilalayo kita sa kanila!” tugon naman ng binata.
“Pero kailangan ako ng pamilya ko, Noli. Paano na lang ang pag-aaral ng mga kapatid ko kung aalis ako? Saka sino na rin ang mag-aalaga sa mga magulang ko sa kanilang pagtanda. Kalimutan mo na ako at ipagpatuloy mo ang buhay mo,” muling wika ni Remy.
“Paano ka naman, Remy? Kailan mo susundin ang sarili mong kaligayahan? Palagi na lang ang pamilya mo ang iniisip mo. Hindi naman nila iniisip ang kapakanan mo. Sumama ka na sa akin at magsimula tayo ng buhay na magkasama. Pangako ko sa’yo na hindi kita pababayaan,” muling saad pa ni Noli.
Ngunit buo na ang desisyon ni Remy na tuluyan siyang talikuran.
“Kalimutan mo na ako, Noli. Tanggap ko nang hindi talaga tayo nakatadhana para sa isa’t isa. Baka nakatadhana talaga ako para pagsilbihan lamang ang pamilya ko. Mula ngayon ay itigil na natin ang pagkikita natin. Winawakasan ko na ang relasyon natin,” pagtatapos namanni Remy.
Buhat ng gabi na iyon ay hindi na nagpakita pang muli si Remy kay Noli. Pilit man siyang nais kausapin ni Noli upang ibalik ang kanilang relasyon ay hindi na siya kailanman hinarap ng dalaga.
Masakit din para kay Remy ang pakikipaghiwalay niya kay Noli lalo pa at ito lamang ang tanging lalaking kaniyang minahal. Naramdaman kasi niya kay Noli ang wagas na pag-ibig. Na sa unang pagkakataon ay may taong nag-aalala naman para sa kaniya. Ngunit dahil sa laki ng responsibilidad na kaniyang pasan ay mas pinili na lang niya ang kaniyang pamilya.
Upang tuluyang kalimutan si Noli ay nagpakasubsob na lamang siya sa trabaho niya sa pabrika. Bukod kasi sa mga gastusin sa bahay ay siya na rin ang sumasagot sa mga pangangailangan ng kaniyang mga kapatid.
Lalo na nang makabuntid ang bunso niyang kapatid. Dahil hindi pa nga nakakatapos ng pag-aaral ay hirap din ang binata sa paghahanap ng trabaho. Naging sanhi ito para lalong lumaki ang responsibilidad nitong si Remy.
“Wala nang ibang tutulong sa akin, ate. Paano ko mabubuhay ang pamilya ko kung wala akong makuhang trabaho? Ikaw na lang ang malalapitan ko!” pagsusumamo ng bunsong kapatid.
Kasabay pa nito ang pagkakasakit ng kanilang mga magulang. Dahil dito ay napilitan si Remy na umalis sa pabrika at magtrabaho sa lamang sa ibang bansa.
Hindi naglaon ay tuluyang namaalam na ang mga magulang ni Remy.
Habang tumatagal naman ay talagang isinandal na ng magkakapatid ang kanilang buhay sa kanilang Ate Remy. Hindi naman din gano’n kalaki ang kinikita nitong si Remy kaya madalas ay nagigipit din siya. Panay pa naman ang tawag ng kaniyang mga kapatid upang humingi ng pera.
Madalas ay nakakaramdam na ng pagod itong si Remy. Sa tuwing kinakain siya ng kalungkutan ay tinitingnan na lamang niya ang larawan ng dating kasintahan.
“Hindi mo ba naisip kahit kailan kung ano na kaya ang buhay mo ngayon kung sumama ka na lang d’yan kay Noli?” sambit ng kaibigan ni Remy na si Lina.
“Madalas na sumagi sa isipan ko ‘yan. Pero naiisip ko baka hindi rin ako naging maligaya kasi hindi ko matitiyak na nasa ayos ang buhay ng mga kapatid ko,” tugon naman ni Remy.
“Bakit mo hinahayaan na ganyanin ka ng mga kapatid mo? Bakit mo hinahayaan na sila ang humawak ng buhay mo, Remy? Malalaki na sila at may mga pamilya na. Hayaan mo na sila naman ang magbanat ng buto para sa mga sarili nila,” wika pa ng kasamahan.
“Nangako ako sa mga magulang ko na ako na ang bahala sa mga kapatid ko. Saka isa pa hindi ko sila talaga kayang pabayaan,” wika pa ni Remy.
Lumipas ang mga taon at tanging ang larawang naiwan lamang ni Noli ang naging sandigan ni Remy sa kaniyang kalungkutan. Ni wala man lamang kasi sa kaniyang mga kapatid ang nangungumusta sa tunay niyang kalagayan. Lagi lamang tumatawag ang mga ito kung may hihingin sa kanilang Ate Remy.
Hanggang sa isang araw ay inatake sa puso itong si Remy habang nagtatrabaho. Dahil hindi na nakakagalaw pa ang kalahating katawan nito ay walang ibang magagawa kung hindi iuwi na lamang siya sa Pilipinas.
Imbis na alagaan siya ng kaniyang mga kapatid ay sinisisi pa siya ng mga ito sa naging kalagayan niya.
“Mahirap na nga ang buhay natin, ate, nagkasakit ka pa! Saan kami kukuha ng pampagamot sa’yo? Kakainin nga lang namin ay problema pa rin. Sana man lang ay pinaghandaan mo ang mga ganitong bagay, alam mo naman na atang may mali sa puso mo!” sambit ng isang kapatid.
Hindi na naitago pa ni Remy ang kaniyang mga luha dahil sa pagturing sa kaniya ng mga kapatid na isa siyang pabigat.
Nang malaman naman ni Noli ang nangyari kay Remy ay agad itong nagtungo sa kanilang bahay. Hindi niya maiwasan ang malungkot nang matagpuan niya ang dating iniibig sa kalunos-lunos na kalagayan.
“Sumama ka na sa akin, Remy, ako na ang mag-aalaga sa iyo. Gagawin ko ang lahat para manumbalik ang lakas mo. Hindi kita pababayaan,” pagtangis ni Noli sa matandang dalaga.
Sa pagkakataong ito ay hindi na tumanggi pa si Remy. Lalo na nang malaman niyang kahit kailan ay hindi na nagkaroon pa ng ibang babae itong si Noli at naghihintay lamang sa kaniyang pagbabalik.
Kinuha ni Noli si Remy mula sa mga kapatid nito at dinala niya sa kaniyang bahay upang alagaan. Tinupad ni Noli ang kaniyang pangako na kahit kailan ay hindi niya pababayaan si Remy.
Hanggang sa unti-unti na ngang bumuti ang kalagayan nitong si Remy.
“Maraming salamat sa iyo dahil inalagaan mo ako. Sa lahat ng taon na nasa ibang bansa ako, tanging ang larawan mo lang ang nagbibigay sa akin ng pag-asa. Masaya akong malaman na hanggang ngayon ay mahal mo pa rin ako at hindi ka pa rin nagbabago,” sambit ni Remy kay Noli.
“Ikaw at ikaw lang ang nais kong makasama, Remy. Sana’y sa pagkakataon na ito ay napatunayan ko nang wagas ang pag-ibig ko sa’yo. At sana naman ngayon ay unahin mo na ang sarili mo kaysa sa mga kapatid mo. Isipin mo rin ang iyong sariling kaligayahan,” saad ni Noli.
Nang tuluyang bumuti ang kalagayan ni Remy ay nagpakasal na siya ng tuluyan kay Noli. Hindi lubos akalain ng dalawa na bandang huli ay sila rin pala ang nakatadhana.
Labis ang pasasalamat ni Remy sa pagmamahal na binibigay sa kaniya ni Noli dahil doon ay muling umayos ang kaniyang kalagayan at simula noong sila’y muling magkasama ay hindi na siya kailanman nakaramdam ng pangungulila.
Nagsilbing aral kay Remy ang nangyari sa pagitan niya at ng kaniyang mga kapatid. Sa pagkakataong ito ay natutunan niyang unahin naman ang kaniyang sariling kaligayahan.