
Hinamak ng Ginang ang Magtatahong Nobyo ng Pamangkin; Paglipas ng Panahon ay Mapapahiya Siya sa Naabot Nito
“Belinda, totoo ba ang balita na ang anak mo raw na si Mika ay karelasyon noong binatang magtataho na umiikot dito? Kalat na kalat na kasi sa may kanto. Ang sabi pa nila ay magkasintahan na nga raw ang dalawa,” saad ni Aling Petra sa kaniyang hipag nang matagpuan niya itong nagwawalis sa may bakuran.
“Si Arjay ba? Ang alam ko ay magkaibigan lang ang dalawa. Madalas kasing manghiram ng aklat at aralin ‘yun kay Mika. Pero minsan nahahalata ko nga na iba ang pagtingin niya sa anak ko,” tugon naman ni Aling Belinda.
“Ayos lang sa’yo na isang magtataho lang ang magiging nobyo ng anak mo? Kung ako sa’yo ay ngayon pa lang ay pagbawalan mo na iyang si Mika na makipag-usap sa magtataho na ‘yun. Para namang mauubusan siya ng lalaki sa ginagawa niya! Maganda naman siya!” sambit pa ng hipag.
“Hindi ko kailangang pagbawalan ang anak ko. Isa pa, ano ang masama kung makikipagkaibigan siya sa binatang iyon. Mukha namang mabait at may pangarap sa buhay. Sa katunayan nga ay hindi lang basta nagtitinda iyon ng taho. Nag-aaral din ‘yun sa kolehiyo. Sa katunayan nga ay magkasing unibersidad sila ni Mika. Hayaan ko lang si Mika sa gusto niya dahil may tiwala ako sa kaniya,” wika pa ni Aling Belinda.
Simula nang makita kasi ng mga taga-baryo na nakikipagkaibigan ang dalagang si Mika sa binatang magtataho na si Arjay ay naging laman na sila ng tsismis. Habang patuloy ang pagpapalitan ng mga kuro-kuro ng mga kapitbahay ay nagkibit-balikat lamang ang inang si Aling Belinda. Ayaw kasi niyang husgahan itong si Arjay dahil nga nakikita naman niyang nagsusumikap ito sa buhay.
Gayon pa man ay hindi siya nagkukulang sa paalala sa kaniyang anak na si Mika.
“Unahin n’yo muna ang pag-aaral, Mika, anak. Hindi naman sa pinagbabawalan kitang magnobyo ngunit ang gusto ko ay nakatuon ka muna sa pag-aaral,” saad pa ng ina.
“Nauunawaan ko po, ‘nay. Kayo rin po ang unang makakaalam kapag may napupusuan na po ako. Pangako ko po sa inyo na gagawin ko ang lahat para makatapos muna ako at matupad ko ang pangarap kong maging isang guro,” wika naman ni Mika.
Lumipas ang mga araw at hindi pa rin natatapos ang intriga kay Mika at sa magtatahong si Arjay. Nadagdagan pa ito nang makita ng mga kapitbahay na hinatid ng binata itong si Mika sa kanilang bahay.
“Hindi ko maintindihan ‘yang si Belinda! Siguro ay walang nanliligaw d’yan sa kaniyang anak kaya pumayag na lang na ligawan ng isang hamak na magtataho,” saad ni Petra sa kaniyang mga kumare.
“Mabuti na lamang ang anak kong si Lucille. Matalino tulad ko. Hindi basta papatol ‘yon sa kung sino na lang. Saka ilang beses ko rin siyang sinabihan na kung magnonobyo ay siguraduhin niyang may pera. Upang kung mapapangasawa niya ay maaalis kami agad sa kahirapan! Mahirap na nga kami ay kukuha pa siya ng mahirap din. Saan na lang kami pupulutin?” dagdag pa ng ginang.
Ngunit hindi inalintana ni Aling Belinda at ni Mika ang mga pahayag na ito ni Aling Petra. Sa katunayan ay nang magpaalam si Arjay na liligawan nito si Mika ay hindi na tumutol pa si Aling Belinda.
“Ang sa akin lang, Arjay, ay lagi mong rerespetuhin ang anak ko. Marami siyang pangarap at alam kong ikaw rin. Gawin niyong inspirasyon ang isa’t isa nang sa gayon ay matupad niyo ang lahat ng minimithi niyo sa buhay,” payo ni Aling Belinda sa binata.
Tinupad naman ni Arjay ang kaniyang pangako sa ina ni Mika. Naghintay siya sa dalaga hanggang sa sagutin siya nito.
Ang pakikipagrelasyon ni Mika kay Arjay ay lalong nagpasiklab ng mga tsismisan sa kapitbahay.
Isang araw habang pauwi ang magkasintahan galing sa eskwelahan ay hindi maiwasan ni Aling Petra na paringgan ang dalagang pamangkin.
“Lucille, anak, nako huwag kang gagaya sa iba d’yan. Pinag-aaral ng magulang ngunit mas piniling makipagnobyo na lang. Saka kung pipili ka ng magiging nobyo, Lucille, siguraduhin mong asensado sa buhay!” malakas na sambit ni Aling Petra. Sinisigurado nito na maririnig ito ni Mika at ng kaniyang nobyo.
“Talaga naman, ‘nay! Nakita n’yo naman ang mga naghahatid at sundo sa akin dito puro de kotse. Saka hindi naman ako mababang uri ng babae para kumuha lang ng taga lako ng paninda sa kalsada,” natatawang sagot naman ni Lucille.
Nakita ni Mika na napayuko na lamang ang kaniyang kasintahan dahil sa kahihiyan. Hinawakan ng dalaga ang mukha ni Arjay saka niya ito pinatingin sa kaniya.
“Huwag mo silang intindihin, mahal. Alam kong balang-araw ay mapapahiya rin sila sa lahat ng sinasabi nila. Huwag mo na silang paglaanan pa ng enerhiya at ibaling mo na lang ang lahat sa pag-aaral. Isang araw ay titingalain na lang nila tayo,” saad ni Mika sa nobyo.
Sa tuwing pinanghihinaan ng loob itong si Arjay ay tanging ang mga sinabi na lamang ni Mika ang kinukuhaan niya ng lakas ng loob.
Nagpatuloy sa pagtitinda ng taho itong si Arjay habang sinasabay ang pag-aaral sa kolehiyo. Naunang makatapos ng pag-aaral itong si Mika. Makalipas ang ilang buwan ay naging ganap na rin siyang guro.
Habang nagtuturo ay tinutulungan din niya si Arjay na makatapos ng pag-aaral. Hindi nila inalintana ang lahat ng mga tsismis na ibinabato sa kanila. Malakas kasi ang paniniwala ni Mika na balang araw ay matutupad nila ang lahat ng kanilang pangarap ng nobyo.
Samantala, taas naman ang noo ni Aling Petra na ipamalita sa kanilang baryo na ang anak niya ay nakadagit daw ng isang mayamang binata at handa na itong pakasalan si Lucille.
“Kung ginamit mo kasi ang isip mo, Mika, tulad ka siguro ng anak ko na magiging maginhawa na ang buhay. Pero wala, ni hindi ka pinigilan ng nanay mo na makipagrelasyon sa hamak na magtataho lamang,” pagmamayabang pa ng ginang.
Hindi naglaon ay kinasal na nga itong si Lucille sa mayamang lalaking sinasabi ng kaniyang ina. Habang patuloy pa ring nagsusumikap si Mika na tulungan ang nobyo niya na makapagtapos ng pag-aaral.
Dalawang taon ang lumipas at nagtapos na rin ng pag-aaral itong si Arjay. Dahil sa mga parangal na kaniyang nakuha ay dumagsa ang mga alok sa kaniya ng iba’t ibang kompanya. Ngunit nagdesisyon ang binata na tanggapin ang alok na magtrabaho sa ibang bansa.
“Mag-iipon lang ako, Mika, tapos ay babalik ako at pakakasal na tayo,” saad pa ni Arjay sa nobya.
Tiniis ni Mika at Arjay ang kanilang pagkakalayo. Alam nilang ang lahat ng ito ay para sa maganda nilang kinabukasan.
Isang taon pa lamang ang nakalipas ay umuwi na si Arjay upang pakasalan nga si Mika. Nakapagpatayo na rin ng bahay itong si Arjay para sa kanila ng mapapangasawa. Ang matindi pa doon ay maging ang bahay ng mga magulang ni Mika ay kaniya ring pinaayos.
Halatang-halata ang inggit sa mga mata ni Aling Petra habang pinagmamasdan niya ang unti-unting pag-asenso sa buhay ng kaniyang pamangkin. Lalo pa nang malaman niyang ang lalaki palang napakasalan ng kaniyang anak na si Lucille ay mapang-abuso at baon sa utang dahil sa pagsusugal nito.
Hindi nagtagal ay kinasal na nga sina Mika at Arjay. Hindi man naging madali ang daan na kanilang tinahak, sa wakas ay unti-unti na rin nilang tinutupad ang kanilang mga pangarap.
Sinama na ni Arjay sa ibang bansa itong si Mika upang doon na sila manirahan. At tuluyan ngang gumanda ang kanilang mga buhay.
Nang tanungin ni Aling Petra ang hipag na si Aling Belinda kung bakit nito hinayaan ang anak na makipagnobyo sa isang magtataho ay napanganga siya sa sagot nito.
“Kahit kailan ay hindi naging basehan sa akin ang antas ng pamumuhay ng isang tao. Nakita ko kay Arjay kung paano siya magsikap. Hindi siya nahiya na itaguyod ang kaniyang sarili. Isa pa, kahit kailan ay hindi siya pinagsamantalahan ang aking anak. Nirespeto niya ito at lubos na minahal. At sapat na ito para sa akin,” pahayag ni Aling Belinda.
Labis na napahiya si Aling Petra. Pinagsisisihan niya ang panghuhusga niya kay Mika at sa asawa nitong si Arjay.
Ang dating minamaliit na magkasintahan ay ngayo’y nabubuhay nang masaya at abot na ang lahat ng kanilang pangarap. Patunay sina Mika at Arjay na ang tunay na pag-ibig ay dadalhin ka papalapit sa pangarap na iyong inaasam.