Si Jenesis ay labing isang taong gulang at nag-aaral sa isang pampublikong paaralan. Mabait at matalino siyang bata ngunit ‘di gaya ng ibang bata, hindi siya nakakakita dahil isa siyang bulag. Ngunit kahit may kapansanan ay kayang-kaya ni Jenesis na maglakad mag-isa nang walang umaalalay sa kaniya. Wala rin siyang dalang tungkod o patpat na panggabay sa kaniyang daraanan.
Isang araw habang papauwi siya galing sa eskwelahan ay bigla siyang hinarang ng tatlong batang lalaki. Mga tila siga sa kalsada ang mga bata at mukhang naghahanap ng away. Napansin ng mga ito na bukod sa may kapansanan ay mukhang lalampa-lampa pa si Jenesis kaya nakursunadahan siya ng mga ito. Pinatigil siya sa paglakad at pinagsalitaan ng isang bata.
“Hoy bata, bulag ka ‘no? Nakakatawa ka naman!” pang-aasar sa kaniya.
“Mga pare, mukhang may paglalaruan na naman tayo,” tatawa-tawa namang sabi ng isa pa.
Malumanay naman na sumagot si Jenesis.
“Pasensiya na pero ayoko ng away. Tahimik lamang akong naglalakad pauwi sa aming bahay,” sabi niya sa mga bata.
Nagkatitigan ang mga bata sa sinabi niya na may panlilibak pa rin sa mga mata.
“Hindi ka maaaring dumaan dito! Kung gusto mong makadaan ay kailangan mo munang patumbahin kaming tatlo!” inis na wika ng pinaka-lider sa grupo.
“Oo nga, labanan mo kami!” sabi ng isang batang lalaki sabay tulak sa kaniya.
Muntik na siyang matumba, buti na lang at naitukod niya ang isang kamay sa kalapit niyang poste. Nagpakahinahon pa rin si Jenesis kahit na nagawa na siyang saktan ng mga ito.
“Sandali, hindi ako naghahanap ng away kaya puwede ba ay lubayan niyo na ako? Padaanin niyo na ako. Nakikiusap ako sa inyo nang maayos,” aniya.
Biglang nagtawanan ang mga bata sa sinabi niya. Nilapitan naman siya ng isang bata na mas matangkad kaysa sa kaniya.
“Ano pang hinihintay mo, bakit hindi mo kami lababan para magkaalaman na! Lumaban ka para makauwi ka na sa inyo. Huwag mong sabihing natatakot ka sa amin!” sigaw ng bata sabay sampal sa pisngi niya.
“Kung maaari ay tantanan niyo na ako. Maawa naman kayo sa akin, sa kalagayan ko. Isa lang akong bulag na walang kalaban-laban sa inyo!” pakiusap ni Jenesis.
Muling nagtawanan ang tatlong bata.
“Maawa? Hoy, wala kaming awa ‘no! ‘Di porket bulag ka ay lulusot ka na sa amin. Mas gusto nga naming asarin at paglaruan ang mga kagaya mo, e bulag na nga, duwag at lampa pa!” natatawang sabi ng isa.
”Napakamot sa kaniyang ulo si Jenesis. Inayos ang sarili at akmang muling maglalayakad palayo sa mg naghahamong bata.
“Pasensiya na pero hindi ko kayo lalabanan. Mabuti pa ay paraanin niyo na ako,” wika niya sa mahinahon pa ring boses.
Muling nagtawanan ang mga bata at nagbulungan pa ang mga ito.
“Wala kang kasing duwag! Ngayon lang may batang tumanggi sa amin. Lalaki ka bang talaga? Baka naman binabae ka?” sabi ng pinaka-lider at sinipa sa dibdib si Jenesis.
Sa pagkakataong iyon at humandusay na siya sa lupa. Hindi na napigilan ni Jenesis ang inis sa mga naghahamong bata ngunit pinigilan pa rin niya ang sarili sa huling pagkakataon.
Tumayo siya at muling nakiusap sa mga ito na tigilan na siya.
“Pakiusap, paraanin niyo na ako. Hinihintay na ako ng aking mga magulang sa bahay. Ayaw nila na ginagabi ako sa pag-uwi,” aniya.
“Akala mo ba ay makakaalis ka ng gano’n lang? Ang tigas pala ng ulo ng bulag na ito, e! Dapat sa iyo ay turuan na ng leksyon!” hirit ng isang bata sabay sinuntok sa pisngi si Jenesis.
Muling nasadlak sa lupa ang kaawa-awang bata ngunit sa pagkakataong iyon ay bumangon siya uli at inayos ang sarili.
“Pilit kong pinipigilan ang aking sarili ngunit wala pa rin kayong ginawa kundi saktan ako. Kung laban ang gusto niyo ay pagbibigyan ko kayo. Sugurin niyo akong tatlo!” sigaw niya sa maangas na mga batang kalye.
Nagtawanan nang malakas ang tatlong bata.
“Ayan ang gusto namin, palaban! Sige, mga pre sugurin na natin ang bulag na ‘yan. Wala namang magagawa ‘yan, e,” sabi ng pinaka-lider.
“Ang sabi namin ay isa lang sa amin ang labanan mo, pero ang gusto mo ay kaming tatlo pa ang sumugod sa iyo? Nahihibang ka na!” sabad ng isa.
“Naghahanap ka ng sakit sa katawan ha, humanda ka!” ingit pa ng isa pang batang inis na inis na at gusto nang gulp*hin si Jenesis.
Sabay-sabay na sinugod ng tatlo ang bulag na si Jenesis ngunit bago pa man dumapo sa kaniya ang mga kamao ng mga ito ay mabilis niyang iginalaw ang isang binti at malakas na tinadyakan ang tatlo. Hindi umubra ang tatlong mayabang na bata kay Jenesis dahil lingid sa kanilang kaalaman, kahit may kapansanan ito ay mahusay pala ito sa martial arts. Pinakitaan ni Jenesis ng galing sa karate ang tatlong hungahang na nagpadapa sa mga ito.
“Aruy, aruy, ang sakit ng katawan ko!” sigaw ng pinaka-lider.
“Hindi ako makatayo. Nabali yata ang mga buto ko!” ingit ng isa.
“Grabe ka pala? ‘Di namin inakala na marunong ka sa karate!” sabad pa ng isa.
“Kung pinadaan niyo lang sana ako nang maayos at hindi na sinaktan at minaliit ay hindi ko kayo lalabanan, kaso pina-igsi niyo ang aking pisi kaya sorry na lang sa inyo. Sana ay magtanda na kayo at huwag nang ulitin sa iba ang ginawa niyo sa akin!” sabi ni Jenesis sa mga batang kalye na lulugu-lugo at namimilipit sa kalsada.
Mula nang mangyari iyon ay hindi na muling nakita ni Jenesis ang tatlong batang maangas.