Sobra ang Galit ng Dalagita sa Bagong Layang Ina; Mapapaluha Pala Siya sa Katotohanang Malalaman Niya
“Malaya ka na, Mendoza!” wika ng pulis kay Paula.
“Salamat po sir!”
“Huwag ka nang babalik dito, ha?”
“Oo naman, sir. Hinding-hindi na ako babalik pa rito!”
Halos labing-limang taong nakulong si Paula at ngayong malaya na siya ay mababalikan na niya ang kaniyang pamilya.
Sa paglabas ng kulungan ay hindi maiiwasang pag-usapan siya ng mga kapitbahay.
“Tingnan ninyo, nakalaya na pala si Paula?” tanong ni Aling Guada.
“Oo nga ‘no, ang tagal ding nakulong ng babaeng iyan,” sabi naman ni Aling Rosa.
“Naku, ano kaya ang sasabihin ng pamilya ngayong laya na siya lalung-lalo na ang panganay niyang anak ?” tanong naman ni Aling Miriam.
Nang marating ang kanilang bahay ay agad siyang nakita ng amang si Mang Cardo.
“Paula? Nakalaya ka na?!” gulat na sabi nito.
Sa sobrang saya ay tumakbo ito palapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.
“Kay tagal kong pinanabikan ang iyong pagbabalik, anak.”
“Narito na po ako, itay! Teka, nasaan ang mga anak ko?”
“Nasa loob, halika at alam kong pagod ka. Buti at nakapagluto na ako ng pananghalian!” yaya ng ama.
Pagpasok sa loob ng bahay ay nakita niya ang bunsong anak na si Elijah na naglalaro ng kotse-kotsehan sa sala. Nilapitan niya ang anak at niyakap.
“Anak, namiss kita!” maluluha niyang sabi.
“M-mama? Mama!” nakilala naman siya nito at gumanti rin ng yakap sa kaniya.
“Kumusta ka na, anak?” tanong niya rito.
“Ito mama, magaling na akong magmaneho ng kotse!” pagyayabang ng anak.
“Ang galing talaga ng bunso ko!”
“Hindi ka na aalis, mama, hindi ka na babalik sa kulungan?”
“Hindi na, anak, hindi na ako kailanman babalik dun.”
Maya maya ay lumabas ng kuwarto ang panganay niyang anak na si Rina at nakita ang ina.
“Rina, ikaw na ba iyan? Ang laki mo na!” aniya saka niyakap ng mahigpit ang dalagita.
Imbes na matuwa ay tila nayamot pa ito nang makita ang presensya niya.
Nauunawaan naman ni Paula kung bakit ganoon ang inis sa kaniya ng panganay niyang anak.
Hanggang ngayon kasi ay nakatanim pa rin sa isip ni Rina ang ginawa niyang pagpasl*ng sa kaniyang asawa na ama ng kaniyang mga anak. Labis na ikinalungkot ng dalagita ang pagkawala ng amang si Nestor. Papa’s girl kasi ito at gustung-gustong palaging kasama ang ama kaysa sa sariling ina.
“Hanggang ngayon ba ay galit pa rin sa akin si Rina?” tanong niya sa ama.
“Mahal na mahal niya kasi si Nestor kaya mahirap sa kaniyang kalimutan ang mga nangyari. Hayaan mo, mawawala rin ang galit niya sa iyo,” sabi ni Mang Cardo.
Isang gabi, tinangka niyang kausapin ang ang anak at pumasok sa kwarto nito ngunit hindi niya roon naabutan ang dalagita, sa halip ay napansin niyang nakabukas ang kompyuter nito. Laking gulat niya nang makitang may mga ka-chat itong mga kaibigan at nabasa niyang sinisiraan siya ng anak sa mga ito. Nabasa pa niya na wala siyang kwentang ina at isang mamamat*y tao, isang taong halang ang kaluluwa na dapat ay hindi nakalaya sa kulungan. Labis siyang nasaktan sa mga pinagsasabi ng anak sa mga kaibigan nito sa chat. Bakit ganoon na lamang siya husgahan nito? Kaya naisip niyang sabihin na rito ang katotohanan.
Nang biglang pumasok si Rina sa kwarto.
“A-anong ginagawa mo rito?” inis nitong sabi.
“A-anak, mag-usap tayo,” aniya.
“Anong pag-uusapan natin? Ang tungkol sa pagpat*y mo kay papa?” anas ng dalagita.
“Anak, makinig ka. Hindi ko kagustuhan ang nangyari, ginawa ko lamang iyon dahil…”
“Dahil galit ka sa kaniya, dahil alam mong siya ang mas paborito ko kaysa sa iyo ‘di ba? Kaya mo siya pinat*y?” gigil na sabi ni Rina.
“Hindi ‘yan totoo, anak. Nagawa kong pasl*ng*n ang ama mo dahil pinagtangkaan ka niya nang masama!” sagot niya.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Nakita kong hinuhubaran ka niya ng damit at pagtatangkaang pagsamantalahan dahil lulong siya sa ipinagbabawal na gamot. Matagal ko nang sinabi sa kaniya na huminto sa bisyo niya ngunit hindi siya nakikinig, ngunit ‘di ko akalain na pati ikaw na sarili niyang anak ay gagawan niya ng kahal*y*n. Pinagtangkaan rin niya ang buhay mo dahil itatarak din niya sa iyo ang hawak niyang patalim kapag pinigilan ko siya sa gusto niyang gawin kaya sa sobrang galit ko ay biglang nagdilim ang aking paningin at sinaks*k ko siya sa dibdib hanggang sa mawalan siya ng buhay. Hindi ko sinasadya ang aking nagawa, nagawa ko lang iyon dahil hindi ko kakayanin na gawan ka niya nang masama!” hayag ni Paula sa anak.
“Totoo ang sinabi ng mama mo apo.”
Nagulat ang mag-ina nang biglang pumasok sa kwarto si Mang Cardo.
“Lolo?”
“Totoo iyon, apo. Pinagtangkaan ng papa mo ang buhay mo kaya nagawa iyon ng mama mo sa kaniya, pero napagbayaran na ng mama mo ang kasalanan niya kaya patawarin mo na siya,” sabi pa ng matandang lalaki.
Hindi na napigilan ni Rina ang mapaluha sa nalaman.
“Hindi ko po alam, mama. Sorry kung hinusgahan kita,” sabi ng dalagita.
“Nauunawaan naman kita, anak. Bata ka pa noon nang mangyari iyon at alam kong mahal na mahal mo ang papa mo. Matagal ko nang pinagsisihan at napagbayaran sa kulungan ang nagawa ko sa kaniya,” humihikbing tugon ni Paula.
At nagyakap ang mag-ina at nagkapatawaran. Napangiti naman si Mang Cardo dahil sa wakas ay nawala na ang galit sa puso ng apo sa sariling ina.
Mula noon ay namuhay nang masaya si Paula kasama ang mga anak at kaniyang ama at kinalimutan na ang malungkot nilang pinagdaanan.