Inakala ng Lalaki na Tuluyan na Siyang Iniwan ng Nobya; Ikagugulat Niya ang Pagbabalik Nito

Inakala ng Lalaki na Tuluyan na Siyang Iniwan ng Nobya; Ikagugulat Niya ang Pagbabalik Nito

InspiringLoveStories

Bata pa lang sina Ramil at Lianne ay alam na nila na sila ang itinadhana sa isa’t isa.

“Ramil, Ramil, okay na ba ‘yan?” pasigaw na tanong ni Lianne sa binata.

“Sandali lang! Ilalagay ko lang itong mga daing sa bayong!” wika ni Ramil na ‘di magkandaugaga sa paglalagay ng mga paninda sa lalagyan.

“Salamat ha, palagi mo akong tinutulungan,” sabi ng dalaga.

“Balewala sa akin iyon. Masaya ako na makatulong sa pinakamamahal ko,” tugon ng lalaki at masuyong niyapos si Lianne.

“Oops, tama na iyang pananantsing mo at tanghali na. Siguradong marami ng tao sa plaza kailangan na nating magmadali,” aniya rito.

Kinilig naman ang binata nang makitang pinamulahan ng pisngi si Lianne pagkatapos ay magkasama na nilang nilakad ang makitid na kasalda papunta sa plaza.

Araw-araw siyang tinutulungan ng lalaki sa pagtitinda sa plaza sa harap ng simbahan. Kapag maagang nauubos ang panindang daing ay saka lamang pumupunta sa trabaho bilang kargador sa palengke si Ramil.

Ang akala nilang masasayang sandali ay magtatagal ngunit dumating ang araw na kinailangang umalis ni Lianne para ipagpatuloy ang pag-aaral nito sa Maynila. Gusto kasi ng mga magulang ng dalaga na sa Maynila ito mag-kolehiyo dahil naniniwala ang mga ito na mas maganda ang oportunidad sa siyudad kumpara sa probinsya kaya walang nagawa ang dalaga kundi sundin ang mga magulang. Nangako naman ito kay Ramil na babalik ito at magpapakasal sila ngunit lumipas ang sampung taon mula ng lumisan ang nobya ay hindi na ito nagpakita at bumalik sa kanilang bayan.

Ang balita, matapos makapagtapos ng pag-aaral ay nagkaroon na ito ng magandang trabaho sa Maynila. Wala naman siyang cell phone o kahit anong paraan para makausap si Lianne sa sobrang liblib na kanilang bayan ay hirap ito sa makabagong uri ng komunikasyon. Hindi naman siya makaalis para sundan ito sa Maynila, imbes na ipamasahe niya ang pera ay tulong na lang niya sa kaniyang pamilya lalo’t nag-aaral pa ang mga nakakabata niyang kapatid. Sa isip ng binata ay hindi na nito tinupad ang pangakong babalikan siya. Hindi lang ang kanilang bayan ang tuluyang nakalimutan ng dalaga, pati na rin siya.

Kahit anong sama ng loob niya sa dalaga ay pilit na sumisiksik sa kaniyang isip at puso na hanggang ngayon ay mahal pa rin niya si Lianne. Nang umalis kasi ito ay galit at sama ng loob ang pumalit sa pagmamahal niya rito dahil hindi nito tinupad ang pangakong muli siyang babalikan at bubuo sila ng pamilya. Sa isip niya ay bakit pa nga ba nito babalikan ang kagaya niyang hindi man lang nakapagtapos sa pag-aaral at hamak na probinsyano lang? Gayong napakaraming mas guwapo at edukadong lalaki sa Maynila.

“Nakapag-asawa na siguro siya doon kaya hindi na niya ako binalikan dito,” bulong niya sa isip na may kasamang luha sa mga mata.

Maya maya ay pinutol ng kaniyang bunsong kapatid ang kaniyang pagmumuni-muni.

“Hoy, kuya, ano’t kanina ka pa nakatulala diyan! Iniisip mo na naman si Ate Lianne ‘no?” pabirong tanong ng kapatid na si Jiboy.

“Tumigil ka nga riyan! Ang mabuti pa ay tulungan mo na akong ilagay ang mga daing na ito sa bayong at ide-deliver ko pa iyan sa bayan,” aniya rito.

Mula nang umalis si Lianne ay ipinagpatuloy ng binata ang pagtitinda ng daing na gustung-gustong gawin noon ng kaniyang kasintahan.

“Balita ko kuya napakayaman daw nung may-ari nung mansyon na pagde-deliberan natin ng mga daing,” sabi pa ng kapatid.

“Oo nga, e. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit pa sila nagtitiyagang bumili sa tinda nating daing, samantalang pagkaing pangmahirap ito at sila ay mayaman?”

“Baka naman mas nagustuhan talaga nila ang lasa ng daing natin at hinahanap-hanap nila,” anito.

Napabuntong hininga na lamang si Ramil.

Matapos ilagay sa bayong ang mga daing ay nagmamadali nang pinuntahan ni Ramil ang mansyon kung saan ide-deliber ang mga iyon. Natatandaan niya na isang babae ang bumili sa kaniyang tindang daing at nang bumalik ito nang sumunod na araw ay sinabi nitong nagustuhan ng amo nito ang tinda niya kaya um-order pa ito ng maramihan at ngayon nga ay pinade-deliber sa kaniya.

Nang marating ang labas ng mansyon ay bigla siyang kinabahan dahil baka masungit ang amo ng babaeng bumili ng kaniyang paninda.

Agad niyang pinindot ang doobell. ‘Di nagtagal ay may nagbukas ng gate at iniluwa niyon ang isang may edad na babae.

“Ikaw pala hijo. Halika, tuloy ka!” nakangiti nitong sabi.

Nang pumasok siya sa loob ng mansyon ay bigla siyang napatulala sa ganda ng mga mamahaling gamit na naroon.

Nang biglang may nagsalita sa kung saan…

“Bakit ngayon ka lang? Kanina ko pa hinihintay ang paninda mo!” wika ng pamilyar na boses.

“Diyos ko! I-imposible…” tanging nasabi ng binata nang marinig ang boses na iyon.

Maya maya ay ipinakita na nito ang sarili sa kinakabahang si Ramil. Hindi makapaniwala ang binata nang makita niya ang nagmamay-ari ng boses, walang iba kundi ang kaniyang nobya.

“L-Lianne?”

“Nag-aral ako sa Maynila at nagtiyagang makapagtapos para makahanap ng magandang trabaho. Sinuwerte naman ako sa kumpanyang pinasukan ko ngunit mas sinuwerte ako sa itinayo kong negosyo kaya nakapagpundar ako ng iba pang negosyo at nakapagpatayo ng magandang bahay. Ang lahat ng ginawa ko ay para sa atin, mahal ko. Alam ko na nangako ako na babalikan ka, pasensiya na kung natagalan. Nakiusap ako kay Manang Amelia na bumili ng daing sa puwesto mo sa plaza. Nabalitaan ko na ipinagpatuloy mo ang pagtitinda ng daig na palagi nating ginagawa noon, pumayag siyang makipagsabwatan sa akin para mapapunta ka rito. Natakot kasi ako na kapag ako ang unang magpakita ay baka iwasan mo ako at hindi ka makinig sa mga paliwanag ko sa tagal na hindi ako nagpakita sa iyo,” madamdaming sabi ng dalaga.

Hindi nakapagsalita si Ramil sa ipinagtapat ng dalaga. Imbes na matuwa ay bigla siyang nanliit.

“Malayo na pala ang narating mo. Hindi na ako karapat-dapat sa iyo, Lianne,” wika ni Ramil.

Agad siyang nilapitan at niyakap nang mahigpit ni Lianne.

“Huwag mong sabihin iyan, mahal ko. Kung nagtagumpay ako, nais ko rin na magtagumpay ka. Hayaan mong tulungan kita na abutin naman ang iyong pangarap,” sambit ng dalaga.

Matagal nang gustong makatapos ni Ramil sa pag-aaral sa kolehiyo, natigil lang kasi iyon dahil sa hirap ng buhay nila sa probinsya. Inalalayan siya ni Lianne at tinulungan sa kaniyang pag-aaral at ‘di nagtagal ay nakapagtapos si Ramil sa kursong Engineering sa Maynila. Dahil may maganda na ring trabaho sa siyudad ay nakapagpundar na rin siya ng negosyo. At ang napiling negosyo ng binata ay ang pagtitinda pa ring ng mga daing na agad namang lumaki at nakilala ng mga mamimili.

“Ipinagmamalaki kita, mahal. Nagawa mo ring magtagumpay sa buhay. ‘Di ko akalain na pati ang pagtitinda natin ng daig ay magiging successful,” wika ni Lianne.

“Dahil sa pagtitinda ng daing ay napagtibay ang ating pag-iibigan, Lianne,” ani Ramil.

“Salamat sa daing at naging matagumpay tayo, mahal ko,” tugon ng dalaga.

“’Di ko ito maabot kundi dahil sa tulong at tiwala mo sa akin, mahal at dahil diyan, ako naman ang may sorpresa sa iyo,” sagot ng binata.

“Ano iyon?”

Nagulat si Lianne nang may ipinakita sa kaniya ang lalaki. Inilabas nito ang isang maganda at mamahaling singsing.

“Magpakasal na tayo. Hindi na ako makapaghintay na tawagin kang Mrs. Pineda,” anito.

Napayakap na rin nang mahigpit si Lianne sa nobyo.

“Ang akala ko ay hindi ka na babalik, Lianne. Salamat at tinupad mo ang iyong pangako, salamat at tayo pa rin hanggang sa huli,” aniya.

“Kahit kailan ay hindi kita kinalimutan, mahal ko. Nakatatak na ang iyong pangalan dito sa aking puso habang ako ay nabubuhay.”

Agad na itinakda ang kasal ng dalawa. Matapos ang espesyal nilang araw ay masaya silang bumuo ng pamilya sa probinsiya kung saan unang umusbong ang kanilang pag-iibigan.

More Stories