Marami ang Nagtutungo sa Simbahan Dahil sa Guwapo at Makisig na Pari; Ngunit Bakit Kaya Siya Biglang Nagpalipat ng Ibang Parokya?
“At dito na nagtatapos ang ating misa. Humayo kayo at ipalaganap ang Mabuting Balita ng ating Panginoon!”
Isang malakas na palakpakan ang pumailanlang sa loob ng simbahan ng Sta. Elena. Isa-isang naglapitan ang mga nagsimba kay Father Richard upang magmano at magpabendisyon. Kapansin-pansin na mas marami ang mga babae, lalo na ang mga nakatatanda, gayundin ang mg beki. Nag-uunahan pa at nagbabalyahan nang marahan ang mga ito upang makalapit nang mabilis at mahawakan man lamang ang malambot na kamay ng kura.
Kilala ang simbahan ng Sta. Elena hindi lamang sa maganda at maaliwalis nitong estruktura, kundi maging sa kura-paroko nitong si Father Richard, na hindi lamang mahusay magsermon at umawit, kundi napakaguwapo pa. Kapag nakatayo na ito sa pulpito at nagsasalita na, walang sinuman ang nag-iingay; nakatitig lamang sa kaniyang guwapo at simpatikong mukha.
Biro tuloy ng mga lay minister, kaya maraming nagsisimba tuwing Linggo ay dahil kay Father Richard. Isa sa mga madalas na bumibiro sa kaniya ay ang pinakamatandang lay minister na si Ka Teroy.
“Naku Father Richard, sa totoo lang, marami na akong naabutang naging kura paroko rito sa Sta. Elena. Sa lahat ng iyon, kayo ho talaga ang pinakaguwapo at pinakamakisig. Kaya ho mas maraming mga babae at binabae ang napapasimba kapag kayo ang nagmimisa,” bida ni Ka Teroy.
Paano nga ba nasasabi ito ni Ka Teroy? Minsan kasing nawala si Father Richard at may pinuntahang isang retreat kaya isang matandang pari ang humalili muna sa kaniya: mabagal magsalita, at tila inaantok pa. Kapansin-pansin na dumalang na ang mga nagsisimba at laging mainit ang ulo ng mga hermana. Subalit nang bumalik na si Father Richard, dagsa ulit ang mga “mananampalataya.”
“Ikaw talaga Ka Teroy, napakaloko mo! Natutuwa nga ako’t marami ang nagsisimba upang mas marami ang mabiyayaan ng Diyos,” natatawang turan ng 32 taong gulang na kura, na kung walang suot na sutana at abito, ay mapagkakamalang artista.
“Tama ho kayo, lalo na ang mga matatandang babaeng nagnanais na lumuhod sa inyo,” biro ni Ka Teroy sabay kindat kay Father Richard. Natawa na lamang ang pari sa berdeng biro nito at sinabing huwag maingay at baka may makarinig sa kaniya.
Pinangarap talaga ni Father Richard ang pagpapari. Sa katunayan, bata pa lamang siya ay sakristan na siya, at sa kabila ng pagtutol ng kaniyang mga magulang, iginiit niyang nakikita niya ang sariling nagsasalita at nagmamalakaya ng mga tao sa harap ng dambana ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbibigay ng sermon.
Marami ang nanghinayang na nagpari si Father Richard. Una, masyado raw itong guwapo at sayang ang lahi. Sa pagpapari nito, naselyuhan na ang pagkakataong maisalin ito sa pamamagitan ng mga anak. Hindi biro ang mga babaeng nagprisinta sa kaniya noon para lamang “maanakan” niya. Subalit lahat ng iyon ay tinanggihan niya.
Hindi rin nawawala ang mga babae, na minsan ay mga matatandang dalaga, ng prutas o mga pagkain para sa kanilang pinakamamahal na kura-paroko. Isa sa mga masusugid ay si Hermana Bibeng na masungit sa lahat na animo ay tigre, subalit maamong tupa na kapag nakaharap na kay Father Richard.
Hanggang isang araw, isang dalagang hindi malaman kung saang baryo nagmula ang lapit nang lapit kay Father Richard. Sabi ng ilan, ito raw ay may kaunting saltik o problema sa pag-iisip. Hindi nito tinatantanan si Father Richard. Lagi itong dumadalo sa misa ng pari, at araw-araw ay nagtutungo sa simbahan upang masilayan lamang kura.
“Father, mahalin mo po ako… talikuran mo na po ako ang pagpapari… paliligayahin po kita…” pagmamakaawa ng dalaga.
“Hija, paumanhin… subalit hindi ko magagawa ang nais mo. Ako ay kasal na sa ating Panginoon. Tumayo ka riyan at hanapin ang tunay na magpapaligaya sa iyo,” lagi namang sinasabi ni Father Richard.
Subalit lagi pa ring ganoon ang ginagawa ng dalaga; bagay na hindi na lamang pinapansin ng mga tao.
Isang araw, nariyan na naman ang dalaga sa tapat ng simbahan at namataan ito ni Ka Teroy. Agad na nagtungo ang matanda sa likod ng dambana upang sabihin sa pari ang kaniyang nakita.
“Naku Ka Teroy, magdahilan ka na lamang… sabihin mo… kuwan, nasa… nasa kabilang baryo ako. Ikaw na ang mag-isip ng alibi,” sabi ni Father Richard na noon ay abala sa pagsusulat ng kaniyang sermon sa Linggo.
Agad na hinarap ni Ka Teroy ang dalaga na may dala-dalang isang basket ng mga prutas.
“Ineng, si Father Richard ba ang hanap mo? Naku, umalis siya eh, nasa kabilang baryo. Kung gusto mo puntahan mo na lamang siya roon. Sabi niya, kapag nagawa mong makapunta roon sa pamamagitan ng pagsagwan sa bangka sa ilog ng Sta. Elena patungong San Martin, pagbibigyan niya ang hiling mo,” sabi ni Ka Teroy. Naisip niya, hindi naman siguro tatangkain ng dalagang ito na magsagwang mag-isa. Takot lang nito.
Kitang-kita ni Ka Teroy ang ningning sa mga mata ng dalaga. Nagdudumali na itong nagpaalam.
Kinabukasan, isang nakagugulat na balita ang tumambad sa lahat, na nakarating sa kaalaman ni Father Richard. Isang palutang-lutang na bangk*y ng babae ang nakita sa ilog ng Sta. Elena. Ito ay walang iba kundi ang babaeng makulit na nakikiusap kay Father Richard na iwanan na niya ang pagpapari at pakasalan na siya.
Nagsagwan daw ito sa rumaragasang ilog, na nagkataon namang malakas ang agos at malalim dahil sa high tide. Iyon daw kasi ang sabi ni Father Richard.
Galit na galit ang ina ng babae at sinisi si Father Richard sa nangyari sa kaniyang anak, bagay na kumalat sa buong Sta. Elena, at dahil sa iba-ibang bersyon dulot ng pasalin-salin na kuwento, lumalabas umano na may relasyon sina Father Richard at ang babae. Sa malas, may mga nakarating pa sa iba na buntis daw ito.
Simula noon, unti-unting nawala ang mga nagsisimba tuwing Linggo. Nalungkot si Father Richard sa nangyari sa babae, subalit mas nalungkot siya sa mga nangyari. Si Ka Teroy naman ang naglinis ng kaniyang pangalan, na kasalanan niya umano ang lahat. Minabuti na lamang ni Father Richard na magpalipat nang ibang parokya upang hindi na mapulaan pa ang simbahan, kahit na wala naman siyang kasalanan. Ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang lahat.