Kailanman ay Hindi Niya Naramdaman na Bahagi Siya ng Kanilang Pamilya; Gumimbal sa Kaniya ang Dahilan sa Likod Nito
Ika-dalawampung kaarawan ni Mika. Kakauwi lamang nila galing sa eskwelahan, kasama niya ang kaniyang mga iilang kaklase at kaibigan sa kaniyang condo.
Wala na naman ni isang kapamilya niya ang pumunta upang batiin man lamang siya. Munting lungkot lamang ang kaniyang nadama dahil sanay na sanay na siya. Tila kasi tuluyan nang nawalan ng pakialam sa kaniya ang pamilya.
Tila siya hangin na hindi nakikita ng kahit na sino sa kanilang pamilya, bagay na madalas niyang ipagtaka.
Kung mapansin man siya kung minsan, dahil ‘yun sa kapalpakang nagawa niya.
Matagal niya nang sinubok alamin kung bakit ganoon na lamang ang pagkamuhi ng kaniyang mama, papa, ate, at kuya sa kaniya subalit hindi niya nahanap ang sagot.
Hanggang sa natanggap niya na na ‘yun lang ang kayang ibigay ng kaniyang pamilya.
“Hoy Mika! Ayan ka na naman sa pag-iinarte mo kada birthday mo! Dalawampung taon ka nang ganyan, hindi ka pa ba sanay? Kami na ang pamilya mo at ‘wag mo nang problemahin ang pamilya mong wala namang nagawa para sa’yo!” matinis na sigaw ng kaniyang bestfriend na si Elsa.
“Kapag ako nakapagtapos na, aalis na ko sa condo na ‘to. Bubuhayin ko na ang sarili ko. Magkasama na lang kaya tayo tumira sa iisang bahay, Elsa?” wala sa sariling sambit ni Mika.
“Oo naman, Miks! Suporta ako sa’yo diyan,” nakangiting sagot ni Elsa
Maya maya pa ay masaya na silang nag-iinuman, pawang limot ang mga hinanakit sa buhay.
Madaling araw na nang matapos ang party.
Kinabukasan ay tahimik ba nagligpit si Mika kahit na masakit ang kaniyang ulo. Napangiti siya nang marinig ang reklamo ng kaibigan.
“Ah! Ang sakit ng ulo ko!” sigaw ni Elsa.
“Paano ba naman, ikaw yata ang nakaubos ng kalahati ng alak kagabi!” buska niya rito bago ito inabutan ng gamot sa sakit ng ulo.
“Ligo lang ako, kakapawis maglinis ng bahay! Maghanap ka ng makakain diyan kung nagugutom ka,” paalam niya sa kaibigan bago nagmamadaling tinungo ang banyo.
Matapos maligo ay nagtaka siya nang hindi maratnan ang kaibigan. Bagkus, isang taong matagal niya nang hindi nakikita ang nakaupo sa kaniyang sala.
“Happy birthday, a-anak…” mahinang pagbati ng kaniyang ina.
Minasdan niya ang ina. Nakayuko lamang ito habang mahigpit ang kapit nito sa bitbit na bag.
Nang magtama ang kanilang mga mata ay malambot na tingin ang nasa mata ng kaniyang ina, bagay na ipinagtaka niya. Madalas kasi ay pagkamuhi ang nakikita niya sa mata ng ina.
“Kahapon pa ho,” malamig na sabi ni Mika bago umupo sa tapat ng kaniyang ina.
Namayani ang katahimikan. Napapahiyang muling nagbaba ng tingin ang kaniyang ina.
“Ano po ang kailangan niyo?” diretsang usisa niya sa ina.
“Gusto lamang kitang… kamustahin,” mahinang sabi ng kaniyang ina.
Pagak na tumawa si Mika.
“Marunong ho pala kayong mangamusta.” May naglalarong mapang-uyam na ngiti sa kaniyang labi.
Muling namayani ang katahimikan.
“Pasensiya na ho, marami pa ho kasi akong tatapusin para sa school. Makakaalis na ho kayo.”
Tumayo siya upang pagbuksan ng pinto ang ina.
Bumuka ang bibig ng kaniyang ina ngunit walang lumabas na salita mula dito, dire-diretso lamang itong lumabas.
Pagkasara ng pinto ay saka lamang pinakawalan ni Mika ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.
“Ano bang nagawa kong kasalanan para balewalain ako ng pamilya ko?” lumuluhang sambit ni Mika sa sarili.
Nang sumunod na araw ang ang kaniyang kuya at ate naman ang dumalaw. Kagaya ng kanilang ina, may kakaiba sa tingin na ipinupukol ng mga ito sa kaniya.
“Mika, pwede bang umuwi ka ng bahay sa Sunday? Gusto nila mama na kumain tayo nang magkakasama.”
May bahid ng lambing sa tinig ng kaniyang ate. Wala ang karaniwang talim na nakukuha niya mula sa pakikipag-usap dito.
Nagtataka man ay pumayag din si Mika.
Nang dumating ang araw ng Linggo ay umuwi si Mika gaya ng ipinangako niya. Ibang iba ang atmospera ng bahay nila. Wala ang malamig na tinging karaniwan niyang natatanggap.
“Anak, kumusta naman ang pag-aaral mo?” nakangiting wika ng kaniyang ama.
Nanlaki ang mata ni Mika. Iyon ang unang beses na tinawag siyang anak ng kaniyang papa!
At iyon din ang unang beses na nginitian siya ng ama.
Hindi na nakatiis si Mika.
“May problema po ba?” nag-aalinlangang tanong niya imbes na sagutin ang tanong ng ama.
Naalarma si Mika nang makitang isa isang naging emosyonal ang kaniyang pamilya. Ang kaniyang ina at ate ay mahinang humihikbi. Ang kaniyang papa at kuya ay kita ang pamumula ng mga mata.
“Ano pong nangyayari?” kinakabahan na muling nagtanong si Mika.
“Anak…” banayad na wika ng kaniyang ina.
“Na-realize lang namin na nging unfair kami sa’yo. Hindi ka namin itinrato nang tama,” garalgal ang boses ng kaniyang ina. Pinipigilan nito ang pagbuhos ng luha.
Agad na humapdi ang mata ni Mika sa sinabi ng ina. Napakatagal na panahon niya nang inaasam na malaman kung bakit ni minsan ay hindi niya naramdaman na parte siya ng kanilang pamilya.
“Bakit ho ba?” naghihinanakit na tanong niya sa ina.
“Anak, sa tingin ko ay karapatan mo ring malaman ang katotohanan. Gusto ko lang ipaalam sa’yo na mahal na mahal ka namin at humihingi kami ng tawad sa lahat ng pagkukulang namin sa’yo,” wika ng kaniyang ama.
“R*pe victim ako. At ikaw ang bunga noon.”
Tila bombang sumabog sa tenga ni Mika ang sinabi ng ina.
Naramdaman niya ang pagkirot ng kaniyang puso. Sa wakas, nagkaroon na rin ng eksplanasyon kung bakit galit na galit ang mga ito sa kaniya.
Hindi malaman ni Mika ang gagawin. Ang sumunod niyang ginawa ang nagpagulat sa kaniyang pamilya.
“P-Patawarin mo ako, ‘ma! H-Hindi ko alam, dapat ay hindi na lang ako nabuhay!” nanghihinang sabi ni Mika bago lumuhod sa harapan ng lahat.
“Mika, hindi! Hindi mo kasalanan! Patawarin mo ako kung ngayon ko lang napagtanto iyon. Nabulag ako ng galit na nakalimutan kong anak pala kita, na nangangailangan ng pagkalinga at pagmamahal ng pamilya!” Umiiyak na itinayo siya ng ina mula sa pagkakaluhod.
Isa isang humingi ng tawad ang miyembro ng pamilya kay Mika. Sa bawat paghingi ng tawad ay may pangako ng pagbawi, para sa dalawampung taon na nasayang.
“Happy birthday, anak!” bulong ng lalaking kinikilala niyang ama.
“Salamat po, papa,” lumuluhang sambit ni Mika.
Nagsaya ang mag-anak para sa kanilang pamilya na pinagtibay ng pagpapatawad.
Ilang sandali lamang ay wala na ang hinanakit, pangako na lamang ng masayang susunod na kabanata ng kanilang buhay.
Wala nang mahihiling pa si Mika. Iyon ang pinakamagandang regalong natanggap niya sa tanang buhay niya – ang katotohanan at ang pagtanggap mula sa kaniyang pamilya.