Inday TrendingInday Trending
Kinuntsaba Niya ang Binatilyo na Magpanggap Bilang Nawawala Niyang Kapatid; Isang Lihim ng Pagkatao Nito ang Kanilang Nakalkal

Kinuntsaba Niya ang Binatilyo na Magpanggap Bilang Nawawala Niyang Kapatid; Isang Lihim ng Pagkatao Nito ang Kanilang Nakalkal

“Sir, delivery po ng tubig.”

Bumungad kay Abner ang isang binatilyo nang buksan niya ang pinto ng bahay.

Agad niya itong nakilala dahil madalas ay ito ang nagdedeliver sa tuwing bibili sila ng mineral water.

“Pasok mo na lang sa may kusina, Bugoy.”

Tumango naman ito at pumasok habang bitbit sa balikat ang medyo may kabigatang galon ng tubig. Nang mailapag nito ang bitbit ay lumingon ito sa sala kung saan naroon ang kaniyang naka-wheelchair na ama.

Tumunog ang cellphone ni Abner. Napabuga siya ng hangin nang makitang ang boss niya ang tumatawag.

Aktong aakyat siya sa kwarto para sagutin ang tawag nang maalala niya na hindi niya pwedeng iwan ang ama kahit sandali kaya binalingan niya muli si Bugoy.

“Pwedeng pakitingnan muna si papa, Bugoy? Sagutin ko lang itong tawag, dadagdagan ko na lang ang bayad sa iyo.”

Ngumiti naman ito sa kanya. Likas na mabait si Bugoy at marahil dahil isa siyang suki ay hindi ito nag-atubiling tumango.

“Kahit ‘wag mo na dagdagan, sir. Ayos lang.”

Itinuro niya rito ang tinapay sa mesa na pwede nitong kainin kung nagugutom ito bago siya umalis para tanggapin ang tawag. Nakita niya na humakbang si Bugoy papunta sa sala, patungo sa kaniyang ama.

Lampas isang dekada na simula nang maaksidente ang kaniyang ama, dahilan kung bakit naka-wheelchair na lamang ito.

Kasama nito ang kanyang kapatid noon at hindi katulad ng ama ay hindi nakaligtas ang kaniyang kapatid.

Labis ang kalungkutan at depresyon na naranasan ng kaniyang ama kaya simula noon ay hindi na ito makampante kapag hindi siya nakikita.

Nagsimula na rin itong mag-ulyanin kaya naging alagain na ito.

Hindi nila natagpuan kahit na kailan ang katawan ng kaniyang kapatid na si Angelo. Kaya hindi agad siya naniwala na wala na nga ito. Pinilit niyang hanapin ang kapatid ngunit matapos ang isang dekada, unti-unti ay sumuko siya at tinanggap na wala na nga ito ngunit ang ama niya ay hindi yata ito matatanggap kahit na kailan.

Kahit ganoon, patuloy niyang ipinagdarasal na maghimala at makita niyang muli ang kapatid na nawalay sa kanila.

“Hello, ma’am.”

Tinanggap niya ang tawag na halos kalahating oras ang itinagal dahil sa dami ng bilin ng kaniyang boss.

“Sige po, ma’am. Ako na ho ang bahala doon, tawagan ko na lang po kayo ulit.”

Nang ibinaba na ang tawag ay dali-dali siyang bumaba. Nahihiya siya kay Bugoy dahil sa abala na naidulot niya rito.

Laking pasasalamat niya nang makita niyang kalmado ang kaniyang ama at nakatutok ang tingin sa telebisyon. Sa tabi nito ay si Bugoy na kumakain ng pandesal.

May sinabi pa si Bugoy at nagulat siya nang makitang ngumiti ang kanyang ama. Isang himala iyon para sa kaniya, ngayon na lamang ito ngumiti nang ganoon.

“Bugoy,” tawag niya rito.

Agad naman itong tumayo at dali-dali pang sinubo ang tinapay na hawak nito sa gulat.

“Ah! Binuksan ko po yung TV para malibang po siya,” nahihiya nitong pagpapaliwanag.

Tumango naman siya at ngumiti rito dahil wala naman iyong problema sa kaniya.

“Ayos lang. Hinanap ba ako? Pasensiya na, ha.”

Tumango naman si Bugoy at sumagot. “Opo, sir. Hinanap ka pero nung nakita niya na ako biglang kumalma tapos tinawag akong Angelo. Hindi ko naman po alam kung sino ‘yon pero sinakyan ko na lang.”

Siya naman ang nagulat sa sinabi nito. Ngayon na lang ulit nito nabanggit si Angelo.

Tinitigan niya si Bugoy at napagtanto niya na halos kaedaran nga ito ng kaniyang kapatid na si Angelo. Kaya marahil naalala ng kaniyang ama ang kapatid.

“Sige, ako na ang bahala kay papa. Salamat ha. Heto ang bayad. May konti ‘yang dagdag para sa pagbabantay.”

Inabot niya ang pera dito at pinilit pa na tanggapin ang sobra.

“Alis na po ako,” pagpapaalam nito.

Aktong lalabas na si Bugoy nang biglang magsalita ang kaniyang ama.

“Angelo!” sigaw nito habang nakatingin kay Bugoy.

Nagkatinginan silang dalawa. Nakita niya ang pag-aalangan ni Bugoy sa pag-alis kaya lumapit siya sa ama at hinawakan ang braso nito.

“Pa, hindi ‘yan si Angelo.”

Ngunit tila hindi siya nauunawaan ng ama. Umiyak pa ito habang pinipigilang umalis ang binatilyo. Pinipilit nito na ito ang namayapang anak na si Angelo.

Naisip tuloy niya na sa hinaba-haba ng panahon ay hindi nito kailanman natanggap na wala na ang kaniyang kapatid.

Siguro nga’y walang katumbas na sakit ang pagkawala ng anak para sa magulang. Lalo pa at hindi man lang nito nakita ang anak sa huling pagkakataon.

“Tama na, papa. Wala na si Angelo.” Niyakap niya ang ama para pakalmahin.

Sinenyasan niya si Bugoy na tumuloy na sa pupuntahan.

Akala niya ay doon na ito matatapos ngunit araw-araw ay walang palya nitong hinahanap sa kaniya ang kapatid.

Lagi itong nakatanaw sa labas habang hinihintay ang pagbabalik ng kaniyang kapatid.

Hirap na hirap siyang pakalmahin ang ama at awang awa na siya rito kaya sa huli ay siya na rin ang sumuko.

Tinawagan niya kung saan nagtatrabaho si Bugoy at pinapunta para kausapin. Balak niyang magpatulong dito.

“Kamusta na po si Sir Alfredo?” Bakas sa tinig ng binatilyo ang pag-aalala.

Ipinaliwanag niya rito ang sitwasyon, kung ano ang nangyari sa ama at maging kung sino si Angelo na palagi nitong hinahanap. Hindi tuloy nito maiwasan na maawa rin sa ama niya.

“Parehas po pala kami, ako naman nawalan ng tatay,” may bahid ng simpatya sa mga mata ng binatilyo.

Ayon dito, bata pa lang ito nang mapulot ito ng tatay-tatayan nito malapit sa bangin, mukhang inabandona habang sugatan.

Sa tulong ng lalaking nakatagpo rito, si Tatay Gener, sinubukan daw nitong hanapin ang mga magulang ngunit hindi ito nagtagumpay kaya sinama na lamang ito sa probinsiya ni Tatay Gener.

Sa kasamaang palad ay sumakabilang-buhay rin ang kinikilala nitong tatay makalipas ang ilang taon kaya lumuwas ito para magtrabaho, bitbit ang pangarap na makapag-kolehiyo.

Ilang sandaling natigilan si Abner.

“Gusto mo bang hanapin ang tunay mong magulang kung ganoon?”

Sandali itong nag-isip. “Siyempre naman, sir. Gusto kong malaman kung bakit ako iniwan sa kalye.”

Sinabi niya rito na tutulungan niya ito, sa kondisyon na bibisitahin nito ang ama at magpapanggap ito na si Angelo.

Agad na pumayag ang binatilyo.

Nanghingi siya ng litrato nito noong bata pa ito para maumpisahan na nila ang paghahanap sa magulang nito.

“Sige, sir. Sasabihan ko sila tita na magpadala ng mga picture ko dito tapos babalitaan kita.”

Nang sumunod na araw ay sinimulan kaagad nito ang pagbisita sa kaniyang ama.

Tila himala na bumalik ang sigla ng kaniyang ama. Madalas niya masdan ito at si Bugoy mula sa malayo at natutuwa siyang makita na tila matagal nang magkakilala ang dalawa.

Isang araw ay ibinalita nito na dumating na ang mga litrato mula sa kamag-anak nito sa probinsya.

“Sir, eto na. Nagpadala na si tita ng mga litrato. Pasensiya na raw at natagalan. Mahirap magpadala mula sa probinsiya,” kwento nito habang nilalatag ang mga larawan sa mesa.

“Ano kaya ang pinakamaganda gamitin?” nag-iisip na tanong nito habang nakatingin sa sandamakmak na litrato.

“Sa tingin ko yung edad kung kailan ka nahanap para makilala ka ng mga magulang mo.”

Nagliwanag ang mukha nito at pumili ng isang partikular na litrato.

“Heto. Ang pinakaluma kong litrato. Suot ko pa ang damit na suot ko noong nakuha ako ni Tatay Gener.”

Ipinakita nito ang litrato at natigagal siya dahil ang bata sa litrato ay isang mukhang nakaukit na sa kaniyang isipan.

Nagtatakang nagtanong si Bugoy.

“Bakit, sir? May problema ba?”

Hindi siya makapagsalita. Tinitigan niya nang maigi ang larawan at talagang nasisiguro niya na ito nga ang kapatid.

Unti-unting nangilid ang luha ni Abner. Noon ay nasiguro niya na totoo ngang may himala.

Ipinakita niya rito ang picture frame kung saan malawak ang ngiti ng kaniyang kapatid na si Angelo, suot suot ang kaparehang damit ng bata sa larawan na nasa cellphone nito.

Sigurado siya dahil siya mismo ang nag-regalo ng damit na iyon sa kapatid.

“Hindi ka namin iniwan. Akala namin wala ka na pero hinanap ka namin nang matagal na panahon,” paliwanag niya sa kapatid.

Laglag naman ang panga nito at hindi makapaniwala na tapos na ang paghahanap nito sa pamilya.

Umiiyak na nagyakap ang magkapatid. Masayang masaya sila na sa wakas ay muli silang nagtagpo.

“Salamat at bumalik ka sa amin, Angelo.”

“Salamat sa hindi paglimot sa akin, kuya.”

Masayang masaya ang magkapatid subalit ang pinakamasaya sa lahat ay ang kanilang ama. Panay ang pasasalamat nito nang sinabi niya rito na kailanman ay hindi na mahihiwalay pang muli sa kanila si Angelo.

Sino nga ba ang mag-aakala na darating ang araw na ito? Na muling babalik ang kanilang minamahal na matagal na nawalay sa kanila.

Advertisement