Masama ang Pag-uugali ng Boss na Ito; Pahiya Ito nang Makita Nito muli ang Dating Empleyadong Pinatalsik
“Yna, ‘wag ka ngang babagal bagal diyan! Napakakupad mo magtrabaho! Konting konti na lang ay tatanggalin na kita!”
Napapikit si Gail nang marinig ang matalim na pananalita ng kanilang boss na si Ma’am Amelia kay Yna, isa sa mga bagong mananahi.
“Ma’am, pasensiya na ho! Medyo naninibago pa lang ho kasi ako sa paggamit ng bago nating makina!” hintakot na wika ng pobreng si Yna.
“’Wag ka nang puro dahilan! Gawin mo nang maayos at mabilis ang trabaho mo kung ayaw mo pulutin sa lansangan!” asik ng kanilang boss bago ito pumasok sa opisina nito marahil upang magpalamig ng ulo.
Napapailing na lamang si Gail nang mapabuhanglit ng iyak ang kasamahan. Nilapitan niya ito.
“Yna, ‘wag mo nang dibdibin ang mga sinabi ni Ma’am Amelia. Masasanay ka rin sa trabaho po at mapeperpekto mo rin ‘yan,” pag-aalo niya sa babae kaniya.
Halos limang taon na siyang nagtatrabaho bilang isang mananahi sa Amelia’s, ang pangalan ng pagawaan ng damit na pinatatrabahuhan niya.
Kaya naman sanay na sanay na siya sa magaspang na pagtrato ng kanilang boss. Parati itong nakasigaw sa tuwing may makikita itong hindi nito nagustuhan.
Gayunpaman, hindi maitatanggi ni Gail na malaki ang paghanga niya sa talento ni Ma’am Amelia. Talaga namang lubhang napakagaganda ng mga damit na dinidisenyo nito, na naibebenta nila sa mahal na presyo.
Ang maliit na pagawaan ng damit nito noon ay naging isa nang malaking pabrika na mayroong humigit-kumulang dalawandaang empleyado. Lahat iyon ay dahil sa talento, sipag, at tiyaga ng kanilang boss.
Kinabukasan, hindi na sila nagulat nang magpaalam si Yna na iiwan na nito ang kompanya. Karamihan sa mga bagong empleyado ay hindi kinakaya ang bangis ng kanilang boss.
“Alam mo Gail, hindi ko alam kung bakit napakatiyaga mo na manatili sa impyernong ‘to,” mapait na komento ni Yna.
“Alam mo naman na kahit ganun si Ma’am Amelia, napaka-talentado niya. Marami pa akong gustong matutunan mula sa kaniya,” nakangiting pahayag ni Gail.
“Gail, kung tutuusin ay talentado ka rin. Ikaw ang pinakamagaling na mananahi dito. Kung pinapangarap mo na maging designer dito ay hindi mangyayari iyon. Alam mo naman na walang ibang nakakapagdisenyo dito maliban kay Ma’am Amelia,” giit ni Yna.
Hindi nakapagsalita si Gail. Alam kasi niya na may katotohanan ang sinabi ng katrabaho. Naiwan siya nitong nag-iisip.
Kinahapunan, pinatawag ni Amelia ang mga mananahi. Mayroon daw itong bagong disenyong nais ipakita sa kanila.
Tila tumalon ang puso ni Gail. Excited siyang makita ang bagong disenyo ng kanilang talentadong boss.
Laglag ang panga ng lahat matapos nitong ipakita ang isang napakagandang bestida.
Bawat detalye ng disenyo nito ay halatang pinag-isipan. Isang bagay lamang ang maipipintas ni Gail dito.
“So ano sa palagay niyo? Maganda, hindi ba?” proud na wika ni Amelia nang mapansin ang paghanga sa mga mata ng empleyado.
Pawang mga papuri ang narinig ni Amelia sa mga empleyado kaya naman abot tenga ang ngiti nito.
Subalit agad na nawala ang ngiti sa labi nito nang makita ang isang kamay na nakaangat sa ere, tanda na may puna na nais ibahagi ang isa sa kaniyang mga mananahi.
“Gail, anong problema?” taas kilay na tanong nito.
“Ma’am, napakaganda po ng bestida na ‘yan. Pero hindi ho ba may kamahalan ‘yung presyo?” nag-aalangang tanong ni Gail.
Agad niyang nakita ang pagbabago ng ekspresyon sa mukha ni Amelia.
Dinig niya ang bulungan na pagsang-ayon ng ilang mananahi sa kaniyang sinabi, bagay na hindi nakaligtas kay Amelia. Mas lalong sumama ang timpla nito.
“Kinukwestiyon mo ba ako?” masungit na pagkompronta nito sa sinabi niya.
Nanlaki ang mata ni Gail. “Naku, hindi ho! Sa tingin ko lang ho ay kaya nating ibenta sa mas murang halaga ang magandang bestida na iyan. Sigurado ako na maraming dalaga ang magnanais na bumili ng ganito kagandang bestida.”
Hindi nawala ang galit sa mukha ng kaniyang boss ngunit hindi na ito muling nagsalita.
Akala ni Gail ay hindi siya dapat mag-alala para sa pangyayaring iyon kaya naman ganun na lamang ang gulat niya nang kinabukasan ay malaman niyang tinanggal na siya sa trabaho.
“Pero bakit ho? Wala naman akong nagawang mali?” gulong gulong tanong ni Gail.
“Ayoko sa mga taong kinekwestiyon ang mga desisyon ko,” salat sa emosyong sagot ni Amelia.
Walang nagawa si Gail kundi umuwi nang luhaan. Mahal na mahal niya pa naman ang trabaho niya. Sa isang iglap lang ay nawala ito sa kaniya.
Imbes na magmukmok ay tila naging isang hamon kay Gail ang pangyayari.
“Hindi kailangang gumastos nang mahal para makapagsuot ng magandang damit.”
Iyon ang naging motibasyon niya upang magsimula ng sariling negosyo.
Hindi naging madali para kay Gail ang lahat. Subalit gamit ang kaniyang talento, tiyaga, at ang mga natutunan niya mula sa kaniyang mga karanasan ay unti-unting lumago ang sinimulan niyang maliit na negosyo.
Ilang taon pa ang lumipas ay nakapagtayo na siya ng pangalawang tindahan ng damit.
“Ang ganda ganda ng lokasyon natin, Gail! Sa tapat pa talaga ng Amelia’s!” humahagikhik na sambit ni Yna, isa sa mga naging kasama niya nang simulan niya ang pagnenegosyo.
Minasdan niya ang Amelia’s. Ang dating buhay na buhay na atmospera ng lugar ay tila nawalan na ng sigla.
Halos wala nang pumapasok dito upang mamili.
“Halos pabagsak na ang Amelia’s! Paano ba naman ay talaga namang napakamamahal ng mga damit!” patuloy na pagbibigay komento ni Yna.
Maganda ang naging takbo ng pangalawa nilang tindahan sa lokasyon na iyon. Isang araw ay isang pamilyar na mukha ang bumisita sa tindahan niya.
“Gail?” pagkukumpirma nito.
“Ma’am Amelia!” matamis ang ngiting bati niya sa babae.
Mapang-uyam na ngumiti ito.
“Tingnan mo nga naman, ilang taon na ang lumipas at hindi man lang nagbago ang buhay mo!” tatawa tawang wika nito.
Pinili ni Gail na hindi itama ang akala nito.
“Ano hong kailangan ninyo?” magalang na tanong niya sa babae.
Tila noon lang nito naalala ang tunay na sadya. “Nasaan na ang amo mo? Gusto ko siya makausap!”
“Pero bakit ho?” takang tanong ni Gail.
“Inaagaw niya ang mga suki ko!” gigil na saad ng babae.
Napagtanto ni Gail na iyon na ang tamang panahon upang sabihin sa babae ang katotohanan.
“Hindi namin inaagaw ang suki mo,” matigas niyang pahayag.
“Aba’t! Nasaan ba ang amo mo? Iharap mo siya sa akin ngayon din!” galit na giit ng babae.
“Ako ang amo rito.” Nginitian niya ang babae.
Nalaglag ang panga nito.
“I-ikaw? Ikaw ang may-ari ng tindahang ito?” gulantang na wika ni Amelia.
“Ako nga.”
“Pero paano?” Bakas sa mukha ng babae ang kalituhan.
“Nagsimula ako ng sarili kong negosyo. Sa awa ng Diyos, nakuha ko ang tiwala ng maraming mamimili kaya naman lumago ito nang paunti unti. Hindi kagaya ng Amelia’s, nagbebenta kami ng mga magagandang gamit sa mas abot kayang halaga,” bahagya niyang kwento sa babae.
Bakas sa mukha nito ang pagkatalo.
“Hindi ka magtatagumpay! Sisiguraduhin kong babagsak ang negosyo mo!” nagpupuyos ang kaloobang sigaw nito bago ito nagdadabog na lumabas sa kaniyang tindahan.
Subalit hindi nangyari ang sinabi nito dahil ilang buwan lamang ang lumipas at tuluyan nang nagsara ang Amelia’s.
May bahagyang lungkot na nadama si Gail sa nangyari, dahil naging malaking bahagi ng buhay niya ang Amelia’s. Marahil kung nakinig lamang sa kaniya noon si Amelia ay naisalba pa nila ang kompanya.
Sa kabilang banda, patuloy ang naging paglago ng negosyo ni Gail.
Malaki ang pasasalamat ni Gail dahil pinalad siyang mabigyan ng pagkakataon na gawin ang bagay na nagpapasaya sa kaniya – ang paggawa ng damit.
Kaya naman pangako niya na magnenegosyo siya sa matapat na paraan at patuloy siyang gagawa ng mga damit na maganda subalit abot kaya!