Naudlot ang Pag-aaral ng Dalagang ito Dahil sa Iniwang Anak ng Kapatid, Ito pala ang Makapagbibigay sa Kaniya ng Tagumpay
“Mama, ano ba ang dapat kong gawin dito sa batang ‘to? Nasaan ba kasi si ate? Diyos ko naman! Mag-aaral pa ako, eh!” inis na sambit ni Cristine, isang araw nang umiyak ang kaniyang pamangkin habang siya’y naghahanda para sa kaniyang exam kinabukasan.
“Hindi ko rin alam, anak, eh. Wala namang pinapadalang mensahe sa akin ang ate mo. Ang huling sabi niya lang sa akin bago siya umalis, kailangan niya raw mag-isip-isip,” sagot ng kaniyang ina dahilan upang lalo siyang manggalaiti sa kapatid.
“Tingin mo ba, mama, babalik pa ‘yon? Halos mag-iisang linggo na sa ating ‘tong anak niya! Ni wala siyang iniwang gatas o kahit diaper man lang!” inis niyang tugon sa ina habang pinapatahan ang sanggol na nag-iihit na kakaiyak.
“Hayaan mo na ang ate mo, Cristine. Mukhang kailangan niya talagang mag-isip-isip lalo na iniwan siya ng kaniyang asawa. Tayo na lang ang iintindi sa kaniya,” malumanay na sambit ng kaniyang ina, habang hinawakan ang kamay ng karga niyang bata.
“Oo nga, mama, nandoon na tayo, iintindihin natin siya, pero sana tumulong din siya! Katulad ko, nag-aaral pa ako, hirap na hirap ako mag-alaga ng anak niya. Ikaw naman, mama, bawal mapagod dahil sa sakit mo. O, paano na ‘tong bata?” ika niya dahilan upang mapabuntong hininga ang kaniyang ina.
“Huwag ka na mainis, akin na muna ‘yang bata, ako muna mag-aalaga, sige na, mag-aral ka muna,” sambit nito saka kinuha sa kaniya ang sanggol.
Nasa ikalawang taon pa lang sa kolehiyo ang dalagang si Cristine. Kahit na sila’y gipit sa buhay, ginawa niya talaga ang lahat upang makapag-aral sa kolehiyo nang sa gayo’y matupad niya ang pangarap niyang maging isang nars. Sa katunayan, dahil sa labis niyang kagustuhang makapag-aral sa kolehiyo, nang siya’y makapagtapos sa hayskul, agad na siyang pumasok ng trabaho. Paninindigan niya, “Kailangan makaipon ako ng pera pang bayad sa tuition ko habang bakasyon pa!” dahilan upang sa huli, tuluyan nga siyang makapasok sa kolehiyo.
Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lang humanga ang kaniyang ina sa determinasyong mayroon siya dahilan upang kahit wala itong trabaho at tanging maliit na sari-sari store lang ang bumubuhay sa kanila, buong puso siya nitong sinusuportahan. Hindi man sa pinansyal na usapan, sa moral na suporta naman ito bumabawi.
Ngunit tila naalog ang kaniyang deteminasyon nang bigla na lang umalis ang kaniyang nakatatandang kapatid at iwan sa kanilang mag-ina ang anak nitong wala pang isang taong gulang. Noong una’y labis siyang natuwa dahil kahit papaano, nawawala ang kaniyang pagod sa tuwing nalalaro ang pamangkin, ngunit nang lumipas na ang halos tatlong linggong hindi pagpaparamdam ng kaniyang kapatid, doon na siya labis na nahirapan at nainis.
Ang pagdaing niya sa ina noong araw na ‘yon ay hindi pala ang huling araw na makakaranas siya ng inis sa pabayang kapatid dahil kahit lumipas na ang isang taon, wala pa rin itong paramdam sa kanila dahilan upang magpasiya siyang tumigil na sa pag-aaral kahit pa lingid ito sa kagustuhan niya.
Napag-isip-isip niyang hindi sapat ang kinikita ng kaniyang ina sa tindahan upang matugunan ang kaniyang baon sa eskwela, pagkain nila, gatas at diaper ng bata, kaya naman nang makapagdesisyon siyang tumigil sa pag-aaral, agad siyang nagtrabaho sa isang call center company.
Labis na inggit man ang nararamdaman niya sa tuwing makakakita ng mga estudyanteng masayang nag-aaral, iniiyak niya na lang ito.
Ang pagsasakripisyo niyang iyon para sa pamangkin ay umabot hanggang sa ito’y makapag-aral na sa kolehiyo. Pumanaw man ang kaniyang ina at wala nang gumabay sa kaniya sa pag-aalaga ng naturang bata, laking tuwa niya nang lumaki itong determinado katulad niya.
Ilang taon pa ang lumipas, tila inani na niya ang magandang punlang kaniyang itinamin dahil katulad ng kaniyang pangarap, nakapagtapos na ito sa kolehiyo.
Ngunit tila hindi pa roon natatapos ang biyayang dumating sa kaniya dahil ilang buwan lang ang lumipas, may isang ospital na ang kumuha sa kaniyang pamangkin dahilan upang tuluyan na itong maging isang nars, katulad ng kaniyang pangarap.
Mangiyakngiyak siya nitong niyakap at sinabing, “Pangako, mama tita, hindi kita papabayaan, lahat nang ito’y para sa’yo!”
Doon niya napagtantong hindi man niya naabot ang pangarap dahil sa isang pagsubok, nabigyan niya naman ng kulay ang buhay ng isang kawawang paslit. “Sa huli, ako pa rin pala ang nanalo,” sambit niya habang pinagmamasdang magbihis ang pamangkin ng uniporme ng isang nars.