Inday TrendingInday Trending
Kahit Online Class ay Hindi Napigil ang Pagkaistrikta ng Gurong ito, Isang Insidente pa ang Nakapagpabago sa Kaniya

Kahit Online Class ay Hindi Napigil ang Pagkaistrikta ng Gurong ito, Isang Insidente pa ang Nakapagpabago sa Kaniya

“Akala niyo ba hindi ko nararamdaman na nagdadahilan na lang kayo para hindi makapasok sa klase ko? Online na nga lang ito, eh, nasa bahay na lang kayo, bubuksan niyo lang ‘yong laptop o selpon niyo, nasa klase ko na kayo agad. Tapos, palagi pa kayong nahuhuli? Akala niyo ba unlimited ang oras ko? May iba pa akong responsibilidad bukod sa pagtuturo sa mga mangmang na katulad niyo!” sermon ni Niña sa kaniyang mga estudyante, isang araw nang halos kalahati sa mga ito, mahuli sa takdang oras ng kanilang klase.

“Pasensya na po, ma’am, ako po kasi umaakyat pa ng bundok para makasagap ng signal,” hindi malinaw sagot ng isa sa mga estudyante niyang si Joel dahil sa hina ng signal na mayroon sa lugar nito.

“Edi sana, hindi ka na muna nag-enroll, Joel! Sana ‘yong mga estudyanteng wala namang internet at gadget, hindi muna nag-enroll para bawas sa sakit sa ulo!” bulyaw niya pa sa mga ito.

“Gusto po namin mag-aral, ma’am,” sagot pa ng isa dahilan upang lalong uminit ang kaniyang ulo.

“Kung gusto niyo talagang mag-aral, maghanap kayo ng paraan para makapagpakabit ng internet para hindi ako nahihirapan makipag-usap sa inyo! Kung hindi niyo kaya, mag-drop-out na kayo!” sigaw niya dahilan upang matakot na ang mga bata.

“Opo, ma’am,” sabay sabay na sagot ng mga ito.

“Ang mga nahuli sa klase ko ngayon, hindi ko bibigyan ng exam, umiyak na kayo, wala akong pakialam,” sambit niya saka agad na pinutol ang tawag sa mga estudyante.

Kilala bilang isa sa mga pinakaistriktang guro sa hayskul ang ginang na si Niña. Sa tuwing siya ang magtuturo sa mga estudyante, sa titig niya pa lang, tumitino na ang mga ito at kapag siya’y nagsimula nang magalit, wala ni isang estudyante ang maliligtas mula sa matalim niyang dila dahilan upang halos lahat ng mga batang nag-aaral sa naturang paaralang iyon, siya’y iniiwasan at kinakatakutan.

Marami mang nagrereklamo sa paraan ng kaniyang pagtuturo, hindi siya matanggal-tanggal sa paaralang iyon dahil ama niya ang namumuno ro’n. Ito rin ang isa sa mga dahilan upang magkaroon siya ng lakas ng loob na ipakita ang tunay niyang ugali sa loob ng paaralan.

Ilang beses man siyang kausapin ng ama sa maling pag-uugaling pinapakita sa mga estudyante, giit niya, “Kung magpapakabait ako, hindi nila ako gagalangin,” dahilan upang hayaan na lamang siya nito.

Ngunit nitong dumaan ang pandemya, at tanging internet lang ang nagkokonekta sa mga estudyante’t guro upang sila’y makapagdiskusyon ng mga asignatura, pagiging isktrikta pa rin ang kaniyang pinairal.

Sa katunayan nga, halos lima na sa kaniyang mga estudyante ang nag-drop dahil hindi na makayanan ang kaniyang pag-uugali. Ngunit imbis na maalarma, sabi niya lang, “Mabuti na rin ‘yon, nabawasan na ang mga sakit sa ulo ko.”

Noong araw na ‘yon, matapos niyang bunganga ang kaniyang mga estudyante, agad siyang kumain ng tanghalian upang kahit papaano, maibsan ang galit na dumadaloy sa kaniyang ugat.

Mag-aala una ng hapon, muli siyang humarap sa kaniyang laptop, ala una kasi ang sunod niyang klase dahilan upang ihanda na niya ang mga bagay na kailangan niya para sa kaniyang pagtuturo.

Ngunit bubuksan niya pa lang sana ang kaniyang laptop, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang ama. Ika nito, “Anak, estudyante mo si Joel, hindi ba? ‘Yong nakatira sa paanan ng bundok? Ayun, tumalon daw sa bundok dahil sa stress dala ng online class!” dahilan upang bigla na lang niya mabitawan ang kaniyang selpon.

Maya maya pa, nakapagdesisyon na siyang ituloy ang klase niya, pagkatawag niya sa kaniyang mga estudyante, halos lahat ng mga ito’y umiiyak. Tinanong niya ang lagay ng binatang si Joel at ang tanging sagot lang ng mga ito, “Malubha raw po ang lagay niya, ma’am, sabi ng nanay niya,” dahilan upang siya’y mapabuntong hininga na lang.

Alam niya sa sarili niyang isa sa siya sa mga dahilan kung bakit nagawa iyon ng naturang binata dahilan upang maaga niyang tapusin ang kaniyang klase at agad na magtungo sa ospital kung saan ito ginagamot.

May sakit mang maaaring dumapo sa kaniya, hindi na niya ito inintindi. Ang tanging nais niya, makatulong sa binatang nasaktan niya.

Nang makarating siya roon, agad siyang sinalubong ng ina ng bata. Ika nito, “Ikaw ang guro nila, sana imbis na ipagtulakan sila, kumbinsihin mo sila na mas magpursigi hindi lang sa pag-aaral, pati na sa buhay!” dahilan upang lalo pa siyang makaramdam nang matinding pangongonsensya.

Sinagot man niya ang bayarin nito sa ospital, ramdam na ramdam niya pa rin ang galit ng mga kaanak nito.

Sa kabutihang palad naman, naging maayos ang operasyon sa binata. Hindi pa man nito kayang muling mag-aral, desidido siyang tulungan ito at magbago para sa mga estudyanteng umaasa sa kaniya.

Advertisement